top of page
Search

by Info @Editorial | November 9, 2025



Editorial


Muling sinubok ang tatag ng Cebu at iba pang lalawigan nang tumama ang Bagyong Tino na sinabayan ng matinding pagbaha. 


Napinsala ang mga kalsada, tulay, resort, at mga pantalan — mga haliging bumubuhay sa turismo. 


Ang mga lugar na dati’y puno ng bisita at saya, ngayo’y tahimik at lugmok. Maraming manggagawa sa sektor ng turismo ang nawalan ng kita, at ang maliliit na negosyante’y nangangambang hindi na muling makabawi.


Hindi maikakailang ang turismo ang puso ng ekonomiya ng Cebu. Sa bawat turistang dumarating, may produktong nabibili may bangkang naglalayag, may pamilyang kumakain. Kaya’t ang pagbagsak ng turismo ay hindi lang usapin ng negosyo — ito’y usapin ng kabuhayan at pag-asa.


Sa ganitong panahon, mahalagang ipakita ng Department of Tourism (DOT) ang tunay na diwa ng serbisyo. Dapat ay agad itong kumilos upang tulungan ang mga apektadong lugar na makabangon. Maglaan ng pondo sa pagpapanumbalik ng mga pasilidad, makipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan para sa rehabilitasyon, at maglunsad ng kampanyang muling magpapakilala sa Cebu bilang ligtas at magandang destinasyon.Hindi kailangang hintayin pang bumalik ang sigla ng turismo nang kusa.

Ang pagkilos ngayon ng DOT at ng mga lokal na lider ang magsisilbing unang hakbang sa pagbangon. 


Sa bawat tulong na maibibigay, sa bawat proyektong maisasagawa, at sa bawat turistang mapapabalik, unti-unting sisigla ang Cebu at iba pang lugar — hindi lang bilang destinasyon, kundi bilang tahanan ng mamamayan.


 
 

by Info @Editorial | November 8, 2025



Editorial


Hindi lang ulan at hangin ang nagpadapa sa maraming pamilya sa ilalim ng Bagyong Tino —ang tunay na pinsala ay pinalala ng kapabayaan ng mga nasa likod ng proyekto. 


Ghost projects at palpak na flood control ang nagdulot ng dagdag-pinsala, na nagpakita na hindi lahat ng sinasabing “proteksyon” ay tunay na ligtas para sa tao.Ang trahedyang ito ay hindi simpleng aksidente. Ito ay bunga ng kakulangan sa transparency, katiwalian, at kapabayaan sa pagpapatupad ng proyekto. Maraming buhay ang nawala, maraming kabuhayan ang nawasak — at lahat ito ay maaaring naiwasan kung may pananagutan ang mga opisyal at kontratista.


Hustisya para sa biktima ng Bagyong Tino ay higit pa sa ayuda. Ito ay panawagan: papanagutin ang mga nagkulang, wakasan ang ghost projects, at gawing prayoridad ang kaligtasan ng mamamayan hindi ang kita o pulitika. 


Hindi puwedeng maging normal ang ganitong trahedya. 

Ang panahon ng pananagutan ay ngayon — para sa mga biktima, at para sa kinabukasan ng bawat komunidad.


Hamon sa mga lider sa local government, pangunahan ang paghabol at pagpapanagot sa mga sangkot sa ‘nakamamatay na proyekto’, ngayon na.

 
 

by Info @Editorial | November 7, 2025



Editorial


Sa pananalasa ng Bagyong Tino, nalantad na naman ang katotohanang hindi bagyo ang tunay na pumapatay sa ating mga kababayan, kundi kapabayaan at korupsiyon.


Habang dumadaing ang mga biktima at nagluluksa ang mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay, mga dokumento naman ang tiyak na maglulutangan — mga ghost at substandard flood control projects na ginastusan ng bilyones.


Nakalaan ang pondo para sa mga proyektong magbibigay-proteksyon sa mga komunidad. Ngunit bakit tuwing may bagyo ay lagi tayong nalulunod sa parehong trahedya? 


Ang sagot ay malinaw: dahil may mga opisyal na ginawang negosyo ang kaligtasan ng taumbayan. Ang pondo para sa mga dike, kanal, at pumping station ay nilustay, at ang mga proyektong dapat ay nagligtas ng buhay ay nanatiling plano sa papel.


Hindi sapat ang pakikiramay at pangakong imbestigasyon. Kailangang may managot. Ang mga sangkot sa mga palpak at ghost flood control projects ay dapat sampahan ng kaso at mabulok sa kulungan.


Hindi na dapat maging normal ang paglubog sa baha at pagluha sa trahedya. Ang mga mamamayan ay may karapatang humingi ng hustisya.


Ngayon ang panahon para ipakita ng pamahalaan na seryoso ito kontra-korupsiyon. 


 
 
RECOMMENDED
bottom of page