top of page
Search

by Info @Editorial | October 22, 2025



Editorial


HindiI na kailangan ng paligoy-ligoy. Ang mga opisyal ng gobyerno at kontraktor na sangkot sa scam ay dapat ikulong. ‘Di puwedeng puro imbestigasyon. Hindi sapat ang pag-alis lang sa puwesto. 


Ang pondo ay ninakaw. Ang mga proyekto ay sinadyang dayain. Ang resulta, nilulubog ang bayan sa baha habang nagpapakalunod sila sa pera.


Kapag mahirap ang nagnakaw ng sardinas, kulong agad. Pero kapag opisyal ang nagnakaw ng milyon o bilyon, pagkatagal-tagal ng proseso, nakasibat na ang iba, tapos wala na. Ito ang sistemang kailangang tapusin.


Kung gusto nating matigil ang ganitong klaseng kasakiman, dapat may managot. Dapat may makulong agad.


Hindi lang ito simpleng korupsiyon. Isa itong pagpatay sa pag-asa ng mamamayan. Kaya ang hustisya — dapat mabilis at totoo.

Dapat mabulok sa kulungan ang mga nagnakaw at tiyaking mabawi ang mga kinulimbat.

 
 

by Info @Editorial | October 21, 2025



Editorial


Bagyo, lindol, bagyo na naman na sinasabayan pa ng aftershocks. Ganito ang kasalukuyang kalagayan sa ilang lugar sa bansa. 


Kaya ang ating mga kababayan ay laging takot at nagmamadaling lumikas, pero hindi maitatanggi na halos wala naman silang maayos na mapuntahan.


Sa gitna ng sunud-sunod na kalamidad, mas lumilinaw ang kakulangan natin sa matitibay at kumpletong evacuation center. 


Siksikan, walang maayos na palikuran, walang sapat na pagkain, at wala ring proteksyon laban sa sakit — ganito ang hinaharap ng mga evacuee sa tuwing may sakuna. 


Dapat ay magkaroon na ng mga evacuation center na kayang tumagal sa malalakas na lindol at bagyo. May maayos na palikuran, supply ng tubig at kuryente. 

Pagtuunan din ang espasyo para sa mga bata, buntis, at matatanda. Ganundin ang pagkakaroon ng clinic para sa agarang lunas.


Hindi sapat ang pansamantalang solusyon. Hindi rin tama na paaralan o barangay hall ang ginagamit tuwing may sakuna — naaantala ang klase at delikado ang kondisyon ng mga evacuee.


Ang matibay na evacuation center ay hindi lang gusali. Ito ay simbolo ng kahandaan at malasakit ng pamahalaan sa taumbayan.


Sa harap ng paulit-ulit na trahedya, dapat nang magkaroon ng matatag, kumpleto, at permanenteng evacuation centers sa bawat komunidad.


 
 

by Info @Editorial | October 20, 2025



Editorial


Tumataas ang bilang ng mga aksidente sa kalsada. Isa sa mga pinakanakapanlulumo ay ang mga insidente ng pagbangga at pagkaladkad sa kapwa motorista — isang patunay ng kawalan ng disiplina at konsensya.Hindi sapat ang lisensya upang masabing karapat-dapat kang magmaneho. Ang tunay na sukatan ng pagiging responsableng motorista ay ang paggalang sa buhay at kaligtasan ng iba. 


Kapag ang isang drayber ay bumangga at lalong masahol, kinakaladkad pa ang nadisgrasyang sasakyan o tao — hindi ito aksidente lamang. Isa na itong krimen.Mas nakababahala pa, may ilang insidente kung saan pagkatapos mang-insulto sa daan, ang salarin ay tumatakas, na para bang walang nangyari. 


Saan napunta ang ating malasakit at pananagutan sa kapwa?Ang mga ganitong insidente ay hindi lang banta sa kaligtasan, kundi pagsira rin sa tiwala ng mamamayan sa sistema. 


Kailangan na ang mas mahigpit na pagpapatupad ng batas-trapiko at mapanagot ang mga lumalabag, anuman ang katayuan nila sa buhay.


Sa mga motorista, tandaan, ang manibela ay hindi laruan. Bawat segundo sa kalsada ay may dalang posibilidad ng panganib — kaya naman ang disiplina, pag-iingat, at respeto sa kapwa ay hindi opsyonal, kundi obligasyon.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page