top of page
Search

by Info @Editorial | October 25, 2025



Editorial


Halos araw-araw, may bagong biktima ng karumal-dumal na krimen — ginahasa, tinortyur, pinatay. 


Ang mas masakit, tila karaniwan na lang ito sa mata ng ilan. Para bang wala nang halaga ang buhay ng tao.Hindi dapat ito maging normal. Ang bawat pagpatay ay kabiguan ng sistemang dapat nagpoprotekta sa mamamayan. 


Panahon na para wakasan ang ganitong klaseng kawalang-puso. Kailangang paigtingin ang parusa sa mga gumagawa ng kasamaan. Kailangang siguruhing may takot ang mga kriminal sa batas.Huwag tayong manahimik. Ang pananahimik ay tanda ng pagsang-ayon. 


Kung hindi kikilos ngayon ang gobyerno at bawat mamamayan, mas lalo lang lalakas ang loob ng mga halang ang kaluluwa.Hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa, pero hindi rin dapat manatiling bulag. 


Hustisya ang sigaw ng mga biktima. Dinig na ba sila ng lipunan? Kung hindi pa, panahon na para marinig sila — sa gawa, hindi lang sa salita.

 
 

by Info @Editorial | October 24, 2025



Editorial


Sa panahong patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, hindi nakapagtataka na nais ng mayorya ng mga Pinoy na unahin ng Pangulo ang pagpapababa ng mga ito. 


Araw-araw, ramdam ng mga manggagawa ang bigat ng bawat sentimong kakulangan. Kapag tumaas ang presyo ng petrolyo, domino na ang epekto — tataas ang bilihin at serbisyo.


Kung nais ng gobyerno na maramdaman ng tao ang tunay na pagbabago, dapat tutukan nito ang mga konkretong hakbang upang mapababa ang presyo ng pagkain at

iba pang pangunahing pangangailangan. 


Dapat bigyang-prayoridad ang pagsasaayos ng agrikultura, tulungan ang mga lokal na magsasaka, at ayusin ang daloy ng suplay upang hindi laging importasyon ang sagot. Kasabay nito, dapat ding tugunan ang mataas na singil sa kuryente na nagpapalaki sa gastos ng bawat pamilya.


Hindi sapat ang mga pangako o press release. Ang mamamayan ay naghihintay ng mga patunay.


Sa huli, simple lang ang hinihingi ng mga Pilipino, isang gobyernong marunong makinig at kumilos sa tunay na problema ng bayan.


Kapag napagaan ang bigat sa bulsa, doon lamang mararamdaman ng taumbayan na may saysay ang bawat pangakong “pag-asenso para sa lahat”.


 
 

by Info @Editorial | October 23, 2025



Editorial


Nakakabigla, nakakagalit.Sa kabuuang 1,700 silid-aralan na inaasahang proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ngayong taon, 22 pa lang ang natapos.


Habang non-stop ang paggastos ng bilyun-bilyong piso sa mga flood control projects, ang mga mag-aaral naman ay araw-araw nagsisiksikan sa luma at sirang klasrum.


May pagkakataon pang wala na talagang magamit na silid-aralan at kung saan na lang pumupuwesto maitawid lang ang aralin.Ito ba ang tamang prayoridad?


Ang mga proyekto bang madaling pagkakitaan ang mas mahalaga kaysa sa kinabukasan ng kabataan?


Panahon nang itama ang kapalpakan at pang-aabuso ng kaban ng bayan. 

Malinaw na may pagpapabaya at kailangan nang baguhin ang sistema.


Ibigay na ang trabaho sa mga responsable at higit sa lahat, may konsensiya, nang sa gayon ay lubos na mapakinabangan ang pondo ng taumbayan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page