top of page
Search

by Info @Editorial | November 4, 2025



Editorial


Habang papalapit ang Pasko, sunud-sunod naman ang sunog sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Imbes na kasiyahan, takot at kawalan ang nararanasan ng maraming pamilya. 

Kadalasan, sanhi ng sunog ang mga sirang kable, kandilang napabayaan, o sobrang daming nakasaksak sa kuryente. 


Nakakaawa ang mga pamilyang nawawalan ng tirahan lalo na ng mahal sa buhay. Nito lang, magkapatid na edad isa at dalawa ang nasawi sa sunog. May isa ring namatay sa isang planta.


Sa panahong dapat ay pag-asa at kabutihan ang nangingibabaw, nawawalan naman ng pangarap ang ilan.Panahon nang maging mas responsable tayong lahat — mula sa mga mamamayan hanggang sa mga opisyal. Ang kaligtasan ay hindi dapat nakakalimutan kahit abala.


Kung may sapat na fire safety campaign at regular na pag-iinspeksyon, kahit paano ay maiiwasan ang ganitong pangyayari.


 
 

by Info @Editorial | November 3, 2025



Editorial


Inaasahan ang mahigit pisong pagsirit sa presyo ng petrolyo. 

Sa balitang halos lingguhan na ang pagmahal ng presyo ng gasoline at diesel, hindi na alam ng karaniwang Pilipino kung saan pa huhugot ng dagdag-panggastos. 


Para sa mga tsuper ng pampublikong sasakyan at delivery rider, bawat sentimong taas ay katumbas ng bawas sa kita.Hindi na bago ang ganitong balita, tila walang katapusang taas-baba — ngunit mas madalas, taas lang nang taas.


At habang nagtataas ang mga kumpanya ng langis, tahimik at kamot-ulo namang nagbabayad ang mamamayan, walang magawa kundi magtiis. 


Ang masaklap pa, tila walang matibay na hakbang mula sa pamahalaan upang maibsan ang epekto nito.‘Di kaya panahon na upang repasuhin ang batas na nagbigay ng sobrang laya sa mga kumpanya ng langis sa pagtatakda ng presyo ayon sa galaw ng pandaigdigang merkado?


Oo, may mga pagkakataon na hindi natin kontrolado — tulad ng giyera o pagbabago sa presyo ng krudo sa ibang bansa — ngunit bakit tila walang sapat na paraan upang protektahan ang mga mamimili? 


Nasaan ang malinaw na plano para sa energy independence? Nasaan ang mga alternatibong mapagkukunan ng enerhiya?


Sana ay dumating ang araw na hindi na tayo matakot tuwing Martes ng umaga, kapag epektibo na naman ang “bigtime oil price hike”.

 
 

by Info @Editorial | November 2, 2025



Editorial


Tuwing Undas, dagsa ang mga tao sa mga sementeryo upang alalahanin ang mga yumaong mahal sa buhay. 


Isa itong magandang tradisyon na nagpapakita ng ating pagmamahal, paggalang, at pagpapahalaga sa pamilya. 


Gayunman sa kabila ng diwang ito, kadalasan ay nag-iiwan tayo ng isang malungkot na tanawin pagkatapos ng paggunita — mga tambak ng basura sa loob at labas ng mga sementeryo.Ang kalinisan ay hindi lamang usapin ng kaayusan, kundi isang repleksyon ng ating disiplina at paggalang — hindi lamang sa mga patay kundi pati na rin sa mga buhay. 


Sa bawat kandilang tinatanggal, sa bawat plastik na bote o lalagyan ng pagkain na iniiwan, tayo ay nag-aambag sa polusyon at panganib sa kalusugan. Ang mga basurang ito ay maaaring pagmulan ng sakit, magbara sa mga kanal, at makasira sa kapaligiran.Kaya naman, dapat maging responsable ang bawat isa. 


Kailangang paigtingin ng mga lokal na pamahalaan at pamunuan ng sementeryo ang pagpapatupad ng mga patakaran sa kalinisan, maglagay ng sapat na basurahan, at magtalaga ng mga tauhang magpapanatili ng kaayusan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page