top of page
Search

by Info @Editorial | November 7, 2025



Editorial


Sa pananalasa ng Bagyong Tino, nalantad na naman ang katotohanang hindi bagyo ang tunay na pumapatay sa ating mga kababayan, kundi kapabayaan at korupsiyon.


Habang dumadaing ang mga biktima at nagluluksa ang mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay, mga dokumento naman ang tiyak na maglulutangan — mga ghost at substandard flood control projects na ginastusan ng bilyones.


Nakalaan ang pondo para sa mga proyektong magbibigay-proteksyon sa mga komunidad. Ngunit bakit tuwing may bagyo ay lagi tayong nalulunod sa parehong trahedya? 


Ang sagot ay malinaw: dahil may mga opisyal na ginawang negosyo ang kaligtasan ng taumbayan. Ang pondo para sa mga dike, kanal, at pumping station ay nilustay, at ang mga proyektong dapat ay nagligtas ng buhay ay nanatiling plano sa papel.


Hindi sapat ang pakikiramay at pangakong imbestigasyon. Kailangang may managot. Ang mga sangkot sa mga palpak at ghost flood control projects ay dapat sampahan ng kaso at mabulok sa kulungan.


Hindi na dapat maging normal ang paglubog sa baha at pagluha sa trahedya. Ang mga mamamayan ay may karapatang humingi ng hustisya.


Ngayon ang panahon para ipakita ng pamahalaan na seryoso ito kontra-korupsiyon. 


 
 

by Info @Editorial | November 6, 2025



Editorial


Muling sinalanta ng kalamidad ang ilang bahagi ng bansa matapos ang pananalasa ng Bagyong Tino. 


Maraming pamilya ang nawalan ng tirahan, kabuhayan, at pag-asa. 

Sa ganitong sitwasyon, hindi sapat ang awa — ang kailangan ay mabilis at konkretong aksyon. Dapat tiyakin ng pamahalaan na maagap ang pag-abot ng tulong sa mga apektadong lugar.


Kailangang maayos ang koordinasyon ng mga lokal na opisyal upang hindi maantala ang relief goods, gamot, at serbisyong medikal.


Hindi dapat maulit ang mga pagkakataong may mga komunidad na napapabayaan dahil sa kakulangan ng plano o pondo. Gayundin, tungkulin ng bawat mamamayan na makiisa. Magbigay ng anumang donasyon, magboluntaryo, o magpalaganap ng tamang impormasyon.


Ang simpleng pag-share ng mga post ng aktuwal na kalagayan ng mga binagyo ay malaking tulong. Sa pamamagitan nito, mababatid kung saan dapat makarating agad ang pagsaklolo.


Ang Bagyong Tino ay paalala na sa oras ng sakuna, kailangan natin ng pagkakaisa at mabilis na pagtugon. 


Ang tunay na malasakit ay nakikita sa gawa, hindi sa salita. Sa pagtutulungan ng gobyerno at mamamayan, muling babangon ang mga naapektuhan ng bagyo.

 
 

by Info @Editorial | November 5, 2025



Editorial


Ang mga kawani ng pamahalaan ay tinaguriang “lingkod-bayan”. 

Sa kasamaang-palad, hindi ito laging nasusunod. Marami pa rin ang mga reklamo laban sa ilang empleyado ng gobyerno na masungit, suplado, o tila walang malasakit sa mga mamamayang kanilang pinagsisilbihan.


Ayon sa Republic Act No. 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, tungkulin ng bawat kawani ng gobyerno na maging courteous, responsive, at efficient sa pakikitungo sa publiko. 


Hindi maikakaila na mabigat din ang pasanin ng mga empleyado ng gobyerno — mahabang pila, kulang na pondo, at minsan ay hindi sapat ang sahod. Subalit hindi ito dahilan upang maging malamig o bastos sa pakikitungo sa publiko. 


Ang tunay na sukatan ng serbisyo-publiko ay paggalang, malasakit, at tapat na paglilingkod. 


Dapat ding maging aktibo ang mga pinuno sa pagpapatupad ng maayos na customer service training at sa pagdisiplina sa mga empleyadong lumalabag sa Code of Conduct.


Ang gobyerno ay para sa tao — hindi laban sa tao. Ang bawat ngiti, maayos na sagot, at magalang na serbisyo ng isang kawani ay hakbang patungo sa tiwala ng mamamayan sa pamahalaan. 


 
 
RECOMMENDED
bottom of page