by Info @Editorial | November 10, 2025

Sa tuwing may kalamidad, tila hindi rin nawawala ang isa pang uri ng delubyo: ang pagbaha ng fake news.
Sa halip na makatulong, may mga indibidwal at grupo na sadyang nagpapakalat ng maling impormasyon sa social media, na nagdudulot ng takot, kalituhan, at minsan pa’y panganib sa buhay.Nakababahala na sa panahon ng krisis, imbes na pagkakaisa at tamang impormasyon ang manaig, ay kasinungalingan at panlilinlang ang lumalaganap.
May mga nagpo-post ng pekeng balita — bilang ng namatay, video ng pinsala ng bagyo, kanselasyon ng klase, trabaho — mga bagay na dapat lamang manggaling sa mga opisyal na ahensya tulad ng PAGASA, NDRRMC, o lokal na pamahalaan.
Ang mga ganitong gawa ay hindi simpleng kalokohan, ito ay krimen na maaaring magdulot ng panic at maling desisyon ng publiko.Bilang mamamayan, may pananagutan tayong maging mapanuri.
Sa panahon ngayon, ang pag-share ng hindi beripikadong post ay maaaring kasing delikado ng bagyong ating kinatatakutan. Bago magbahagi ng impormasyon, suriin muna ang pinagmulan. Kung walang kumpirmasyon mula sa mga awtoridad, mas mabuting manahimik.
Panahon na upang managot ang mga nagpapakalat ng fake news. Dapat ding paigtingin ng mga ahensya ng gobyerno ang kampanya kontra-fake news.




