top of page
Search

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | May 26, 2021



ree

Muling naramdaman ang husay ni Fil-Japanese Yuka Saso sa malupit na Japan Ladies Professional Golf Association (JLPGA) Tour matapos itong makapasok sa unang sampung performers ng Chukyo TV Bridgestone Ladies Open na ginanap sa Chukyo Golf Course ng Ishino, Aichi, Japan.

Inangkin ni Saso, minsan nang sinabitan ng dalawang Asian Games gold medals at nakakuha na rin ng dalawang korona sa JLPGA noong 2020, ang pangsiyam na puwesto sa torneo sa tulong ng kanyang kabuuang iskor na 4-under-par 140 strokes. Nagpakawala ito ng limang birdies na nagsilbing pangontra sa isang bogey noong huling round ng pinaikling paligsahang dahil sa sungit ng panahon. Nakahati niya sa puwesto ang 10 iba pang mga karibal mula sa Japan na may katulad ding rekord. Dahil dito, ibinulsa ni Saso bilang pabuya mula sa mga organizers ang halagang JPY 781,772.


Nasa sa huling bahagi na si Saso ng kanyang paghahanda para sa nabinbing Tokyo Olympics. Bagamat hindi pa ipinapalabas ang opisyal na listahan ng mga kalahok sa Olimpiyada, halos swak na si Saso sa pagtitipon dahil 60 ang papayagang lumahok dito at nasa pang-22 baytang siya sa talaan. Isa pang Pinay golf star, si Southeast Asian Games champion Bianca Pagdanganan, ay tiyak ring makakasama ni Saso sa Tokyo event suot ang tatlong kulay ng Pilipinas dahil nasa pang-43 puwesto ito sa listahan. Ito na ang pangalawang pagkakataon na nakapasok si Saso, dating Youth Olympic Games silver medalist, sa top 10 ngayong 2021.


Kamakailan, nagsumite si Saso ng kanyang unang top 10 finish ngayong taong ito sa malupit na tour ng Ladies’ Professional Golf Association matapos siyang pumang-anim sa Lotte Championship na nasaksihan sa palaruan ng Kapiolei Golf Club sa isla ng Oahu, Hawaii. Halagang USD 54,848 ang ipinagkaloob na gantimpala sa 19-taong-gulang na kalahok.



 
 

ni VA / Eddie M. Paez Jr. - @Sports | May 25, 2021



ree

Nagkampeon si Filipino cue master Warren Kiamco sa 9-Ball mini event ng 2021 Racks On The Rocks Classic na ginanap noong Linggo sa West Peoria, Illinois

Ipinoste ni Kiamco ang dikit na 9-7 panalo kontra sa kababayang si Roland Garcia sa naganap na All-Filipino championship match para maangkin ang titulo. Nakopo ni Kiamco ang top prize na $3,300 habang nakamit naman ni Garcia ang runner-up prize na $2,200. Hindi naman sinuwerte sa 8-Ball event si Kiamco makaraang tumapos lang na pangwalo para sa karagdagang premyong $300 habang nagtapos pang-apat si Garcia at nag-uwi ng dagdag na $700 premyo. Ang panalo ikalawang sunod na panalo ni Kiamco sa buwang ito kasunod ng panalo nya sa Diveney Cues Bar Box Classic 10-Ball Division sa East Moline, Illinois noong sinundang linggo at ikatlo sa taong ito kabilang na ang naunang 5th Annual Barry Behrman Memorial Spring Open 9-Ball noong nakalipas na buwan.



 
 
  • BULGAR
  • May 23, 2021

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | May 23, 2021



ree

Napanatili ni Angelo Que ng Pilipinas ang kanyang puwesto sa top 10 na naging susi upang maalwan itong makapasok sa weekend play ng ginaganap na Japan Golf Tour (JGT) - Partner Pro-Am Tournament sa Toride Kokusai Golf Club ng Tsukubamirai, Japan.

Kwalipikado na rin sa homestretch ng Pure Silk Championship sa prestihiyosong LPGA sa Williamsburg, Virginia ang mga Pinay na sina Bianca Pagdanganan at Dottie Ardina.

Kumartada si Que ng 9-under-par 133 pagkatapos ng 36 na butas upang maipagpatuloy ang paghawak sa pampitong baytang. Malinaw pa ang kanyang landas papunta sa isang podium wind-up dahil tatlong hataw lang ang layo sa kanya ng sumesegundang si Shaun Norris ng South Africa.

Tumatrangko sa paligsahan si Tomoharu Otsuki ng Japan na naglabas ng nagliliyab na 60-64 para sa kabuuang 124 strokes. Magkakahati sa pangatlong puwesto ang mga kapwa Hapones na sina Ryo Ishikawa, Junya Kameshiro at Hirotaro Naito. Ang tatlong local bets ay may bitbit na 129 strokes. Solo sa pang-anim na baytang si Todd Baek ng South Korea (130).

Umuusok si Que, nanalo sa tour noong 2004 (Carlsberg Masters sa Vietnam), 2008 (Philippine Open) at 2010 (Worldwide Holdings Masters sa Malaysia) noong unang round nang magpakawala ito ng 7 birdies sa isang bogey-less na arangkada (63). Bahagyang bumagal sa pangalawang araw ang Pinoy nang magsuko ng 68 sa tulong ng isang eagle at tatlong birdies na naging pangontra sa tatlong bogeys.

Nabigo namang sundan ng kababayang si Juvic Pagunsan ang kanyang runner-up performance sa tour noong nakaraang linggo (Asia Pacific Diamond Cup, Kaganawa, Japan) matapos itong makalos ng mga organizers dahil sa hindi siya umabot sa cut-off. Malupit ang kompetisyon dahil sa kabila ng disenteng 2-under-par na iskor (138 strokes), naobliga pa rin siyang mag-empake.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page