top of page
Search

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | July 07, 2021


ree

“Kami naman!” Tila ito ang mensahe ng mga kabataang chess warriors ng bansa sa pangunguna nina untitled Neil Chester Reyes at International Master Michael Concio Jr. nang makapasok sa winners’ circle ang apat na mga binatilyo sa salpukan ng Southeast Asian Games Selection Semifinals Blitz Tournament.

Sumulong si Reyes, 16, at may rating na 2131, sa 7 panalo at isang tabla upang kontrahin ang nag-iisang pagkatalo at makaipon ng kabuuang 7.5 puntos pagkatapos ng online na sagupaang tumagal ng siyam na yugto. Pinakamalaking pangalang nabiktima niya paakyat sa trono ay si IM Ricky De Guzman.

Humataw papunta sa pangalawang puwesto si Concio, 16-anyos na runner-up sa Asian Zonals 3.3 at sa SEAG Rapid Chess Selection tourney kamakailan, tangan ang 7 puntos at mas mataas na tiebreak performance mula sa anim na panalo, dalawang tabla at isang talo. Nasipa ng kinatawan ng bansa sa FIDE World Cup papunta sa pangatlong si De Guzman na nakaipon din ng 7 puntos.

Si IM Daniel Quizon, 17-anyos na hari sa Asian Zonals 3.3 at nagdadala rin ng tatlong kulay ng bansa sa World Cup, ang nanguna sa apat na kataong pulutong na may 6.5 puntos. Mas maangas na tiebreak din ang naging puhunan ni Quizon, tumersera sa SEAG Rapid Semis para makuha ang pang-apat na baytang. Kay Roel Abelgas napunta ang pang-5 posisyon habang isa pang binatilyo, si Mark Jay Bacojo, ang bumuntot kay Abelgas.

Nagkita-kita sa unahan ng pulutong sa kababaihan sina Mary Joy Tan (rating:1958), Kylen Joy Mordido (rating: 2147), Francois Magpily (rating: 2101) at Christy Lamiel Bernales (rating: 2116) pagkatapos ng siyam na rounds dahil sa markang tig-7 puntos. Pero nang pairalin ang tuntunin para sa mga nagtabla, swak si Tan sa unang puwesto, naangkin ni Mordido ang runner-up honors at si Magpily ang pumangatlo.

 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | July 04, 2021



ree

Sumulong ang binatilyong si FIDE Master Alekhine Nouri sa unang puwesto upang puwersahin ang mga bigating karibal na sina International Master Michael Concio Jr. at IM Daniel Quizon na makuntento na lang sa 2nd at 3rd place nang magsara ang bakbakang rapid chess sa Southeast Asian Games Selection - Semifinals tournament.


Ang trio nina Ma. Elayza Villa, Rowelyn Joy Acedo at Christy Lamiel Bernales ang mga bumandera sa sulungan sa kababaihan.


Anim na panalo at isang tabla (kabuuang 6.5 puntos) ang ginawang armas ni Nouri, 15-anyos, may rating na 2263 at minsan nang naghari sa USM Individual Chess Open sa Malaysia, upang dominahin ang oposisyong kinabibilangan ng mahigit 60 mandirigma ng paspasang ahedres. Napabilang sa mga naging biktima si topseed IM Ronald Dableo (round 5, rating: 2417) at ang batikang IM Ricardo De Guzman (round 6, rating:2330).


Hinugutan niya ng kalahating puntos sa huling yugto si Concio, runner-up sa Asian Zonals 3.3. chess tilt at kinatawan ng bansa sa nalalapit na FIDE World Cup sa Sochi, Russia, upang kandaduhan ang unang puwesto. Kagaya ni Nouri, hindi nakatikim ng pagkatalo sa paligsahan si Concio pero hanggang 6 na puntos lang ang inirehistro niya dahil sa 5 panalo at dalawang tabla. Gayunpaman, sapat na ito para sa pangalawang posisyon.


Ang naging marka ni Quizon, may rating na 2406 at isa pang kinatawan ng Pilipinas sa FIDE World Cup matapos na magkampeon sa Asian Zonal 3.3, ay 5.5. puntos naman (galing sa limang panalo, isang tabla at isang talo) kaya hanggang tersera lang ito nakasampa. Dinaig niya sa posisyong ito dahil sa mas mainam na tiebreak output sina Mark Jay Bacojo, Felrod Cyril Telesforo at Dilan Janmil Tisado.


 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | July 03, 2021



ree

Winakasan ni Pinoy cue artist Zorren James “Dodong Diamond” Aranas ang kanyang uhaw sa korona ngayong taong ito matapos na daigin sa finals si dating World 9-Ball king Alex “The Lion” Pagulayan at hiranging kampeon ng 2021 TTMD 10-Ball Open Championship sa tumbukan sa Cue Sports Bar and Grill ng Front Royal, Virginia.

Hindi nagpakaldag si Aranas sa harap ng pangdaigdigang kalibre ng karibal mula sa Isabela na isa ring Billiards Congress of America (BCA) Hall of Famer at sumibad sa isang maalwang 13-6 na panalo sa championship face-off nila ni Pagulayan. Ang kampeonato ay nagkakahalaga ng USD 6,000 para kay “Dodong Diamond” samantalang USD 3,000 naman ang pakunswelo kay Pagulayan na nakabase na ngayon sa Canada. Ang Amerikanong si Jeremy Sossei ay pinagkalooban ng USD 1,000 matapos na mahablot ang pangatlong puwesto.

Kasama sa mga biniktima ng pambato ng Pilipinas sa torneo bukod kay Pagulayan sina Jesus Atencio (11-10), Kyle Dilly (11-7), Arcadia VG Battle of the Sexes champion Tyler Styler (11-10), Josh Burbul (9-4), Brian Brekke (9-5) at Tuan Chau (9-2).

Sina Warren “The Warrior” Kiamco, Manny Chau, Tyler Styler, Shane Wolford at si Sossei naman ang ilan sa mga ginawang tuntungan ni Pagulayan papunta sa finals ng torneong sa unang bahagi ay double elimination ang format bago naging “isang-kurap, uwi” na ang panuntunan nang 16 na lang ang natitirang nakatayo.





 
 
RECOMMENDED
bottom of page