top of page
Search

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | December 14, 2021



ree

Sinigurado nina Bianca Pagdanganan at Dottie Ardina na hindi lang si 2021 U.S. Open titlist Yuka Saso ang magdadala ng tatlong kulay ng Pilipinas sa malupit na golf tour ng mga kababaihan sa U.S. matapos nilang opisyal na makuha ang kani-kanilang pasaporte sa Ladies Professional Golf Association (LPGA) Season 2022.


Nakapasok si Pagdanganan, naka-2 gold medal sa SEAG sa top 10 ng kompetisyong nagsilbi ring patatagan ng pulso at patibayan ng resistensiya sa tinawag na LPGA Q-Series sa Alabama upang mapabilang sa 45 lady parbusters sa LPGA 2022.


Ang kanyang rekord na 75-69-66-69-70-71-69-71 (14-under-par 560 strokes) mula sa dalawang linggo, 8 rounds at 144 butas ng hatawan ng bola ang nagsilbing tiket niya para magkaroon ng regular status sa prestihiyosong professional golf tour. Ibig sabihin ay hindi na siya nakasalampak sa reserve list ng LPGA tournaments at kailangan pang umasa na may mababakante sa roster ng mga kalahok.


Sa kabilang dako, naisalba ni Ardina, dating premyadong jungolfer ng Pilipinas, ang huling upuan para sa full LPGA 2022 membership status, sa tulong ng 4-under-par 570 (73-72-69-73-69-73-70-71) sa torneong ginanap sa Mobile, Alabama noong Disyembre 2 - 5 at sa Dothan, Alabama noong Disyembre 9 - 12. Nakatabla niya ang limang iba pang lady parbusters.


Rumatsada sa huling round si South Korean Na Rin An (33-under-par 541) upang daigin si Pauline Roussin Bouchard (32-under par 542) ng France para sa low medalist honors ng mga 45 LPGA qualifiers. Malayong pangatlo si Atthaya Thitikul (26-under-par 548) ng Thailand sa paligsahang nilahukan lang ng 110 piling aspirante sa professional circuit.


Ang 110 na kalahok ay mga survivors ng LPGA Qualifying Tournaments I and II.


 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | December 13, 2021



ree

Pormal nang naipagtanggol ni GM Magnus Carlsen ang trono bilang world chess champion nang ilampaso ng Norwegian si Russian GM Ian Nepomniachtchi, 7.5-3.5, bagamat may tatlong laro pa ang natitira sa face-to-face na engkwentro sa Dubai.

Ang sagupaan ay naging dikdikan sa unang limang laro dahil sa fighting draws nina Carlsen at Nepomniachtchi. Pero sa Game 6, dinurog ni Carlsen ang Ruso. Simula noon, nagsimula nang gumuho ang hamon ng challenger sa nakatakda sanang 14-game na duwelo. Limang beses nang naging world champion si Carlsen simula nang agawan ng titulo si GM Vishwanathan Anand noong 2013.

Samantala, muling nakapasok sa semis ng Speed Chess Championships si GM Wesley So nang iposte ang dominanteng 17.5-9.5 laban kay dating world championship challenger at Italian-American GM Fabiano Caruana. Nauna rito, isang come-from-behind na 18.0-14.0 na panalo ang naitakas ni So, dating hari ng ahedres sa Pilipinas, mula kay GM Jeffrey Xiong (U.S.A).


Pagkatapos idispatsa si Caruana sa quarterfinals, haharapin ni So, kasalukuyang U.S. Chess titlist at FIDE World Random Fischer king, si GM Nihal Sarin ng India. Bukod kina So at Sarin, nasa semifinals na rin sina GM Ding Liren ng China at ang pre-favorite GM Hikaru Nakamura mula sa U.S.A Chess Federation.

Dito sa bansa, napanatili nina IM Daniel Quizon at IM Ricardo De Guzman ang 1-2 na puwesto sa Philippine National Chess Championships Grand Finals. Ang binatilyong si Quizon ay may perpektong marka (5 puntos sa limang laro) habang si De Guzman bagong hari ng National Seniors Chess, ay may naipong 4 puntos.

 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | November 13, 2021



ree


Hinablot ni dating World 8-Ball champion Dennis Orcullo ng Pilipinas ang pang-15 korona ngayong 2021 matapos makaakyat sa trono ng Action Palace Open Pool Tournament sa Michael’s Billiards sa Fairfield, Ohio.

Nakatakdang sumargo sina US Open king Carlo Biado at Oklahoma 9-Ball titlist Roland Garcia sa Abu Dhabi Open sa Power Break Billiards Hall ng United Arab Emirates. Halagang AED 20,000 ang naghihintay sa mangingibabaw sa event.

Nagsilbing angkla sa Ohio ang manlalarong kilala sa alyas na “Robocop” sa mga pool aficionados sa isang 1-3 na pagsasara nang pumangatlo ang minsan nang naging World 9-Ball Championships runner-up na si Roberto Gomez ng Zamboanga.

Pitong karibal ang nag-ambisyong humarang kay Orcullo pero lahat sila ay nganga sa dulo dahil sa husay ng 42-anyos na manunumbok. Ang ubod ng linis na 7-0 panalo-talo na rekord ang naging pasaporte niya sa pag-upo sa trono.

Napabilang sa mga biktima ni Orcullo sina Michael Brown (3-2), Shane Mcminn (3-2), Troy Jones (3-0), Dee Adkins (3-0), at si Woodward sa tulong ng kambal na 3-1 sa finals. Nasingitan ni “Superman” Gomez ng panalo sina Josh Lewis (3-2), Nathan Childress (3-1), McMinn (3-1), John Gabriel (3-1), Adkins (3-2), Josh Roberts (3-2) at Billy Thorpe (3-2) bago siya sumalpok at napauwi ni Woodward (2-3).


 
 
RECOMMENDED
bottom of page