top of page
Search

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | March 4, 2022


ree


Nakatakdang angkinin ng dalagitang si Riane Malixi ang nag-iisang upuang pinag-aagawan para sa Philippine Team na sasabak sa 2022 SEA Games women’s golf event sa Vietnam habang sisimulan na ni Pinay hopeful Pauline Del Rosario ang kampanya sa maigting na Epson Tour sa Florida.

Disenteng iskor ang naging marka ng arangkada ni Angelo Que sa Asian Golf Tour: International Series Thailand kung saan pumalo ng 4-under par 68 para makaposisyon sa loob ng top 30. Isang eagle (hole 13) at tatlong birdies (pang-2, -6 at -18 na mga butas) ang naging pangontra ng batikang Pinoy parbuster sa nag-iisang bogey (hole 10). Halagang $1,500,000 ang kabuuang gantimpala sa malupit na paligsahang nilalahukan ng golfers mula sa iba’t-ibang parte ng mundo.

Ang 14-anyos na si Malixi, kilala sa pagkopo ng korona sa Ladies Philippine Golf Tour sa Midland kamakailan at pag-upo sa pang-25 baytang sa Asian Amateur Golf Championships noong 2021, ay kumartada ng 294 strokes tungo sa pagtatayo ng matayog na 12-stroke na bentahe ngayong tutulak na sa homestretch ang kompetisyon sa Tarlac. Malayong segunda sina Mafy Singson (306) at Arnie Taguines (306).

Kasama si Del Rosario sa listahan ng golfers na gustong mapabilang sa Ladies Professional Golf Association (LPGA) sa pamamagitan ng Epson Tour na magdaraos ng kick-off event na Florida’s Natural Charity Classic sa Winter Haven, Florida simula Marso 04 hanggang 06. May cash pot na $200,000 ang naghihintay sa mga mamamayagpag dito.


 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | February 26, 2022


ree


Tinitingala ngayon ang Pilipinas at ang tatlong kulay nito sa buong kontinente dahil sa naglalagablab na mga palo ni Justin Quiban na nagtulak sa kanya sa pangalawang puwesto sa maigting na bakbakang 2022 Asian Golf Tour: Royal’s Cup sa palaruan ng Grand Prix Golf Club sa Thailand.

Isang 7-under-par 65 ang pinakawalan ng 25-anyos na pambato ng bansa sa unang 18 butas ng paligsahang umaakit ng ilan sa mga pinakamababangis na parbusters mula sa South Africa, Japan, U.S.A., India, Sweden, Taiwan, New Zealand, Singapore, England, South Korea, Argentina, Zimbabwe, China, France, Indonesia at punong-abalang Thailand.

Walong birdies ang swak sa pang-2, -8, -9, -10, -13, -15, -17 at -18 na mga butas para kontrahin ang nag-iisang bogey sa hole no. 1 ng nag-iisang kinatawan ng Pilipinas sa kompetisyong pinag-iinteresan din ng may 155 kalahok dahil sa $400,000 cash pot.


Isang hataw sa harap ni Quiban si Chinese-Taipei ace Chan Shih-Chang habang magkakasalo sa pangatlong baitang sina Bjorn Hellgren ng Sweden at local prides Sadom Kaewkanjana at Thitipan Pachuwayprakong dahil sa iskor nilang tig-66 strokes.

Malupit ang bakbakang nagaganap sa Thailand. May 70 golfers ang nakabasag ng par bilang patibay. Sa kabila nito, umaasa ang mga Pinoy golf fans na muling sasandal si Quiban sa pormang minsan ay nagbigay sa kanya ng tiket para makapaglaro sa prestihiyosong Professional Golf Association: 3M Open.

Ang nabanggit na porma ay nasaksihan noong isang taon nang pumangatlo siya sa Professional Golf Association (PGA) Tour Qualifier na TPC Twin Cities sa Blaine, Minnesota. Pasok din ang Pinoy parbuster sa unang sampu ng dalawang iba pang mga kaganapan sa Asya: ang Sarawak Championships (2019, 6th) at ang Resorts World Manila Masters (2017, 5th).

 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | January 13, 2022


ree


Kinatay ni "The Slayer" Lee Van Corteza ang mga humarang na manunumbok sa kanyang daanan sa pagpapatuloy ng mainit na kampanya sa 2022 U.S. Pro Billiards Series: APEX Wisconsin Open sa Ho-Chunk Wisconsin Dells sa Baraboo, Wisconsin.


Ramdam ang husay ni Corteza, dating hari ng World at US Straightpool Championships, kina 2014 Austrian Open at Slovenian Open winner Denis Grabe ng Estonia (4-1, 3-3, 3-2), South Korean Kang Lee (4-0, 4-3) na pumanglima sa Arizona Open noong Enero at ang Amerikanong si Deke Squier (4-1, 4-1) para sa maangas na 3-0 panalo-talo na rekord sa torneong nagreserba para sa magkakampeon ng isang upuan sa 2023 World 10-Ball Championships.


Dalawang Pinoy pa ang may malinis na sulyap pa sa titulo bukod kay Corteza matapos na kumayod mula sa losers' bracket si 2017 World 9-Ball Championships runner-up Roland Garcia. Nakapagposte siya ng mga panalo laban kina Tyler Styler (4-0, 4-2), Michael Yednak (4-2, 4-0) ng USA at kay dating World U17 Junior champion mula sa Bosnia Sanjin Pehlivanovic (4-3, 2-3) upang mapanatili ang tsansa sa pag-akyat sa trono.


Nagmintis sa unang hirit niya ang tubong Magalang, Pampanga na manunumbok matapos pumangalawa sa pambungad ng event ng malupit na cue series ngayong 2022 (Arizona Open na nasaksihan sa Casino Del Sol ng Tucson, Arizona noong Enero).

Hindi na nakaporma pa ang ibang mga kinatawan ng bansa na sina Roberto Gomez at Joven Bustamante matapos na makatikim ng tigalawang pagkatalo.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page