top of page
Search

ni Eddie M. Paez, Jr. - @Sports | April 19, 2022


ree

Binulabog si Pinay jungolfer Rianne Malixi ng apat na bogeys sa huling round ngunit nagawa niyang papasukin ang dalawang birdies sa huling mga butas upang isalba ang runner-up honors sa 2022 American Junior Golf Association (AJGA): Ping Heather Farr Classic sa palaruan ng Longbow Golf Club sa Mesa, Arizona.


Kumartada si Malixi, 15-anyos at magdadala ng tatlong kulay ng bansa sa nalalapit na Southeast Asian Games sa Vietnam, ng kabuuang 6-under-par 207 na palo pagkatapos ng 54 holes at tatlong araw ng kompetisyon. Naging sapat na ito para makasosyo niya si Kelly Xu ng USA sa pangalawang baytang sa paligsahang pinagwagian ni Jasmine Koo (205 strokes).


Ito na ang pangalawang sunod na impresibong laro ni Malixi sa U.S. ngayong 2022. Kamakailan, humabol siya sa trangko sa huling 18 butas upang makaakyat sa trono ng AJGA: Thunderbird Junior All-Star Tournament sa Arizona pa rin.


Tatlong mga kalahok ang nagpatas pagkatapos ng regulation play sa Thunderbird. Bukod kay Malixi na nakaipon ng 207 strokes mula sa markang 69-68-70, pumasok din sa playoff si round 1 at 2 pacesetter Nikki Oh (65-71-71) mula sa Torrance, California at Scarlett Schemmer (72-66-69) ng Birmingham, Alabama. Laglag para sa karera sa titulo sa unang playoff hole si Oh bago naselyuhan ni Malixi ang trono sa pangatlong butas.


Matatandaang nagkampeon si Malixi sa Se Ri Pak Desert Junior, pang-apat sa AJGA Juniors sa San Jose, panglima sa Girls Junior PGA at pangsampu sa Rolex Tournament of Champions noong isang taon. Siya rin ang nagwagi sa isang event sa Professional Golf Tour noong isang taon sa Midland. Swak din siya sa pang-25 na upuan noong huling Asian Amateur Championships.


 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | March 27, 2022



ree

Pinangunahan nina 2021 US Open 9-Ball king Carlo Biado at dating World 9-Ball Championships runner-up Ronald Garcia ang lima-kataong pangkat ng mga Pinoy cue artists na nakapasok sa gitgitang knockout stage ng Predator US Pro Billiards Series: 2022 Alfa Las Vegas Open na nasasaksihan sa Rio All-Suite Hotel and Casino ng Nevada.


Bukod sa dalawa, may tsansa pa rin para sa korona ng torneong nagsisilbi ring panghimagas ng 2022 World 10-Ball Championship sa susunod na linggo sina “The Slayer” Lee Van Corteza, “Superman” Roberto Gomez at Joven Bustamante.


Hindi naging solido ang paglalakbay ni Biado, 2017 World Games gold medalist sa qualifying stage at muntik pa itong mapauwi nang maaga. Matapos ang opening round bye, pinaluhod niya si Mohammad Almuhanna 4-0, 4-2, pero nasipa siya ni Darren Appleton ng Great Britain papuntang losers’ bracket, 1-4, 4-1, 5-4. Pero nakabalikwas ang Pinoy sa pamamagitan ng panalo kontra kay Avinash Pandoy, 4-0, 2-4, 4-3, kaya ito nakausad sa sumunod na yugto.


Kalmante si Garcia sa kanyang kampanya papunta sa knockout stage. Bukod sa bye, dinaig niya sina Billy Thorpe 3-4, 4-2, 2-0, at Ian Castello, 4-2, 4-1. Ganito rin ang kuwento ng mga pagtumbok nina Corteza, Gomez at Bustamante. Sinuwerte si Corteza sa bye bago iginupo sina Daniel Maciol 4-3, 4-0, at Sharik Syed, 4-3, 4-1; bonus na pahinga sa unang round ang natanggap ni Gomez para maging buwelo niya kontra sa kapwa Pinoy na si Edgie Geronimo, 4-0, 4-0, at UK bet Kelly Fisher 4-1, 4-1; samantalang wala ring galaw ang tako ni Bustamante sa round 1 ng qualifiers bago niya pininahan si Ping Han Ko 4-3, 4-3 at Oscar Dominguez 4-1, 4-3.


Mga salpukang Biado - Alexander Kazakis (Greece), Garcia kontra kay Jesus Atencio (Venezuela), Corteza - Nicholas De Leon (USA), Gomez vs. Vilmos Foldes (Hungary), at Bustamante laban kay Shane Wolford (USA) ang susunod na masasaksihan ng mga sumusubaybay na billiards aficionados ng bansa.


 
 

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | March 13, 2022



ree

Nangibabaw ang husay nina “Superman” Roberto Gomez at “The Black Tiger” Carlo Biado sa 2022 Diamond Oklahoma Winter Classic One Pocket matapos na iposte ang isang 1-2 na resulta para sa Pilipinas sa sarguhang nasaksihan sa Deep Pockets ng Tulsa, Oklahoma.

Sa All-Pinoy finals na may tuntuning race-to-5 at alternate break, dinaig ni Gomez si Biado sa gitgitang salpukan na nagtapos sa iskor na 5-3. Ito ang unang korona ng tubong Zamboanga na manunumbok ngayong kasalukuyang taon. Nakuha ni Charlie Bryant ang huling puwesto sa podium ng paligsahan.

Tatlong paglalampaso ang naging panimula ni Gomez, no. 8 sa US Pro Billiards Series, sa torneo. Binokya niya si Austin Summers (4-0) bago inilampaso sina John Reynolds (4-1) at Greg Hogue (4-1). Sa hotseat match, luhod siya kay 2021 US Open 9-Ball champion Biado, 1-4, kaya nasipa siya sa one-loss side. Sa loser's bracket, hindi naman pinaporma ni Gomez si Charlie Bryant (4-0) para makapasok sa finals kung saan sinilat niya ang dating World Games gold medalist at dating World 9-Ball Championship winner na si Biado.

Samantala, nakuntento sa runner-up honors si Biado. Ito na ang pangatlong podium finish niya ngayong 2022 matapos na pumangatlo sa Scotty Townsend One Pocket at matapos na makuha ang unang puwesto sa Texas Open Scotch Doubles sa tulong ng pinagsanib-puwersa nila ng isang lady cue artist mula sa Amerika.

Sa Oklahoma One Pocket, sinagasaan ni Biado sina Mark Dimick (4-2), John Gabriel (4-3), Steve Smith (4-1) at Gomez (4-1) sa hotseat match para makarating sa championship round.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page