top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast 2020 | August 25, 2020



Sa pagpapatuloy ng pagtalakay sa magiging kapalaran ng bawat animal sign, pag-usapan natin ang pangunahing ugali at kapalaran ng Tandang o Rooster ngayong Year of the Metal Rat.

Kung ikaw ay isinilang noong 1945, 1957, 1969, 1981, 1993, 2005 at 2017, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Rooster o Tandang. Ito ang ika-10 sa 12 animal signs sa Chinese Astrology kung saan ito rin ang zodiac sign na Virgo sa Western Astrology, na may kaakibat na planetang Mercury.


Ang mapalad na oras sa Tandang ay mula alas-5:00 ng hapon hanggang sa alas-7:00 ng gabi, sa mapalad na direksiyong west o kanluran.


Higit na mapagkawang-gawa, matapang at mahusay ang Tandang na isinilang sa panahon ng tag-araw o tag-init kung ikukumpara sa kapatid niyang Tandang na isinilang sa panahon ng tag-ulan o tag-lamig.


Bukod sa pagiging perfectionist at praktikal, isa rin sa pangunahing ugali ng Tandang ang pagiging pala-utos at organisado. Bagama’t ganu’n ang kanyang gusto, hindi naman niya ito palaging naipatutupad sa kanyang sarili, na ang kadalasang nangyayari ay natatagalan bago niya maipatupad ang mga diskarteng dapat niyang gawin.


Bukod sa pa rito, mapaghanap din siya ng mga pagkakamali ng kanyang kapwa, kaya minsan ay nasusuong siya sa pakikipagtalo at debate.


Inisip kasi niya at ng iba na siya ay matalino at mapamaraan, na kadalasan ay nagiging tama naman ang kanyang mga pagpapasya at desisyon, na hinahanggan ng mga taong natutulungan niya.


Kung hindi magiging perfectionist ang Tandang at hindi pipiliting ‘wag magkamali ang halos lahat ng ginagawa niya, mas marami sanang magaganda at positibong proyekto siyang matatapos na ikauunlad at ikatatagumpay ng kanyang buhay.


Ibig sabihin, kung ikaw ay isang tipikal na Tandang, mas mainam kung imbes na perpekin mo ang iyong mga proyekto at ginagawa, dapat na hayaan mong may kaunting pagkakamali o kapintasan upang may matapos ka kaysa matagal na nakabinbin ang proyekto na dapat sana’y nakagawa ka ng mas marami pang mga gawain kung tinapos mo agad ito.


Mahalaga sa tandang na tapusin agad ang mga prokyeto o anumang inaambisyon at pinaplano niya sa buhay upang mas madali niyang makamit ang mas matagumpay at maligayang buhay.


At dahil likas na matalino at mahilig sa debate, kadalasan ay nakakasamaan niya ng loob ang kanyang kausap dahil sa kapipilit niya ng tama at sa sobrang pangangatwiran.


Sinasabing kung magagawa lamang ng Tandang na higit na pairalin ang damdamin o emosyon kaysa sa pagiging sobrang rational at makatriwan, higit siyang mananaig sa interpersonal relationship, mas madali niyang mapapahinuhod at makukumbinsi ang kanyang mga kausap. Gayundin, mas madali niyang maisusulong at maipatutupad ang kanyang mga lihim na agenda at plano sa buhay.

Itutuloy

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast 2020 | August 22, 2020



Sa pagpapatuloy ng pagtalakay sa magiging kapalaran ng bawat animal sign, pag-usapan natin ang pangunahing ugali at kapalaran ng Monkey o Unggoy ngayong Year of the Metal Rat.

Alalahaning ang Unggoy o Monkey ay nahahati sa limang uri o klase, batay sa taglay nilang elemento at ito ay ang mga sumusunod:

  • Metal Monkey o Bakal na Unggoy - mga isinilang noong 1920 at 1980

  • Water Monkey o Tubig na Unggoy - mga isinilang noong 1932 at 1992

  • Wood Monkey o Kahoy na Unggoy - mga isinilang noong 1944 at 2004

  • Fire Monkey o Apoy na Unggoy - mga isinilang noong 1956 at 2016

  • Earth Monkey o Lupa na Unggoy - mga isinilang noong 1908 at 1968

Sa nakaraang mga isyu, tinalakay natin ang kapalaran ng Metal Monkey, Water Monkey, Wood Monkey at Fire Monkey, kaya sa pagkakataong ito, ang pag-uusapan naman natin ay ang huling uri ng Unggoy batay sa taglay niyang elemento at ito ay ang Earth Monkey o Lupa na Unggoy.


Kilala sa pagiging matapang, tuso, matalino at praktikal ang Earth Monkey, anumang mga pagsubok ang maganap sa kanyang buhay, sa panahong ito ng pandemya, walang duda, malulusutan niya ang lahat ng ito. Ang ikinaganda pa, kapag nanatili siyang matatag, sa mga panahon ng pagsubok at suliranin, malamang na lalo pa siyang sasagana at uunlad.


Dagdag pa rito, kahit ano ang mangyari ngayong may pandemya, magtutuluy-tuloy na uunlad at gaganda ang career ng Earth Monkey kung saan bukod sa patuloy na pagyabong at pag-unlad ng kanilang kabuhayan, ngayong 2020 hanggang 2021, may mga surpresang salapi o kayamanan silang matatanggap nang hindi naman nila gaanong pinaghirapan.


Ang mga kayamanan at malalaking halaga ng salapi na bigla-biglang darating ay dapat namang ingatan o mahalin ng mga Earth Monkey dahil alam nating sa panahon ngayon, mabilis maubos ang pera. Kaya tulad ng nasabi na, kung sakali mang biglang dumating ang bultong salapi na ihuhulog sa inyo ng langit, dapat itong itago, gawing savings o investment at ‘wag agad-agad na ubusuin upang sa future ay may madukot kayo kahit na paunti-unti lang bilang pangsuporta sa inyong maintenance o pamumuhay.


Sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, kung ang iyong kasuyo ay isa sa mga kaibigan, kabarkada, kasamahan sa trabaho o dati mong kakilala, ang ganitong klase ng relasyon ang ipinapalagay na maghahatid sa Earth Monkey sa maligaya, maunlad at panghabambuhay na relasyon.


Hindi inirerekomenda na makipagrelasyon agad ang isang Earth Monkey sa babae o lalaking hindi niya lubusang kakilala o love at first sight. Ang ganu’ng ugnayan ay hindi magdudulot ng tunay at wagas na ligaya sa isang Earth Monkey. Gayunman, kahit may edad na, inaasahan pa rin ngayong 2020 hanggang 2021, may mga biglaan at hindi inaasahang pag-ibig o relasyong uusbong na pansamantala namang magpapakilig at pupukaw ng natutulog na damdamin ng Earth Monkey.


Bagama’t masaya at masarap din ang pangako ng ganitong mga pakikipagrelasyon, ito naman ay tila bulalakaw lamang sa langit na biglang daraan subalit bigla ring mawawala at aalis.


Sa pangkalahatan, higit na magiging maligaya ngayong 2020 sa aspetong materyal at pandamdamin hanggang sa pagpasok ng 2021. Tandaan lamang na sa kabila ng kasaganaan at magandang kapalarang ito, hindi pa rin dapat maging kampante. Sa halip, ang pag-aalaga at pagpapahalaga sa kalusugan, lalo na sa panahon ng pandemya ay dapat pa ring isaalang-alang at iprayoridad. Ito ay dahil sa pag-usad ng susunod pang mga taon ay lalo ka pang kakamit ang mas maunlad, maligaya at mas matagumpay na karanasan.

Itutuloy

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast 2020 | August 20, 2020



Sa pagpapatuloy ng pagtalakay sa magiging kapalaran ng bawat animal sign, pag-usapan natin ang pangunahing ugali at kapalaran ng Monkey o Unggoy ngayong Year of the Metal Rat.


Alalahaning ang Unggoy o Monkey ay nahahati sa limang uri o klase, batay sa taglay nilang elemento at ito ay ang mga sumusunod:

  • Metal Monkey o Bakal na Unggoy - mga isinilang noong 1920 at 1980

  • Water Monkey o Tubig na Unggoy - mga isinilang noong 1932 at 1992

  • Wood Monkey o Kahoy na Unggoy - mga isinilang noong 1944 at 2004

  • Fire Monkey o Apoy na Unggoy - mga isinilang noong 1956 at 2016

  • Earth Monkey o Lupa na Unggoy - mga isinilang noong 1908 at 1968


Sa nakaraang mga araw, tinalakay na natin ang kapalaran ng Metal Monkey, Water Monkey at Wood Monkey, kaya sa pagkakataong ito, ang pag-uusapan naman natin ay ang magiging kapalaran ng Fire Monkey o Apoy na Unggoy.


Kung ikaw ay isinilang noong 1956, bagama’t masasabing halos nasa huling yugto ka na ng iyong buhay, mapapansin ngayong 2020 na patuloy pa ring madaragdagan ang iyong enerhiya at kasiglahan para harapin ang mga bagong hamon ng buhay na magpapatuloy hanggang 2021.


Sa katotohanan, kahit patuloy pa ring nananalasa ang COVID-19 pandemic sa buong mundo, ang iyong sigasig na magsimula at kumilos para sa mga bagong proyekto ay hindi pa rin humuhupa. Kaya naman, habang nakikita ng nasa itaas ang kakaibang determinasyon mong ito, umasa kang sa susunod na mga araw, linggo at buwan ng iyong buhay, mas maraming biyaya, suwerte at magagandang kapalaran ang ipagkakaloob sa iyo ng langit, lalo na sa mga bagay na may kaugnayan sa materyal na bagay.


‘Yun nga lang, dahil medyo tumatanda ka na at nagkaka-edad, dapat mo pa ring ingatan at iprayoridad ang iyong kalusugan. Sa panahong ito ng pandemya, upang magtuluy-tuloy ang iyong kakaibang sigasig at pagnanasang paramihin pa ang mga dati nang naipon at naitabi mong materyal na bagay, iwasan mo ang labis na pagpupuyat, mahalaga rin ang regular na ehersisyo at pagkain ng masusutansiyang pagkain. Tandaan mong kapag nanatili ang iyong lakas at kalusugan, sa buong 2020 hanggang 2021, tulad ng naipaliwanag na, mas maraming mga biyaya, kakaibang suwerte at magagandang kapalaran ang matatanggap mo, na talaga namang ikaliligaya at ikalulugod ng iyong puso, higit lalo sa aspetong materyal at pandamdamin.


Ang nakatutuwa, kung mapananatili mo ang iyong kalusugan, may mga posibilidad din ng malayuang paglalakbay sa panahong ito ng iyong buhay upang mag-relaks at magpasarap. Ang leisure trip na ito ay makadaragdag sa iyong espiritu upang lalo mo pang harapin ang bawat hamon ng buhay at madagdagan ang iyong ligaya at kasiglahan.


Tunay ngang ngayong 2020 hanggang 2021, hindi lang materyal na bagay ang inaasahang madaragdag at magpapaligaya sa iyong buhay, ganundin ang mga paglalakbay. Bagkus, may tsansa o pagkakataon ding pagkalooban ka ng nasa itaas ng surpresa at nakakikilig na love life o kakaibang damdamin na pupukaw sa iyong natutulog na pagnanasa. Aakalain mong ngayon mo lang ito mararamdaman at madarama sa buong kasaysayan ng buhay ang kakaibang init ng pagnanasang ito, na halos masasabi mo sa iyong sarili ang katagang ito, “Bakit ngayon ka lang dumating kung kailan ako nagka-edad?”


Sa pangkalahatan, tunay ngang ang mga pagpapala at suwerteng darating sa iyo ngayong 2020 hanggang 2021 ay hindi matatawaran o halos walang kapantay ang halaga at ligayang idudulot sa iyo. Kaya bilang paalala, tulad ng paulit-ulit na nasabi na, ingatan mong mahigpit ang iyong kalusugan sa bawat araw ngayong Year of the Metal Rat upang ang lahat ng mga suwerte at biyayang darating sa iyo ay talaga namang ma-enjoy mo nang labis at buong said at sarap mong mapakinabangan.

Itutuloy

 
 
RECOMMENDED
bottom of page