top of page
Search

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | December 9, 2023



ree

Shhhh….” 

 

Hindi alam ni Mark ang tamang salita na dapat niyang hagilapin. Basta kailangan niyang maiparamdam kay Maritoni na mahal niya ito. Wala naman kasi sa plano niya ang mahalin ito, pero ‘yun ang nangyari. 

 

“Puwede bang yakapin mo na lang muna ako?” Malambing na sambit ni Maritoni. 

 

Pinagbigyan niya ito. ‘Yun naman talaga ang gusto niyang gawin, ramdam niya kasi ang bigat na mayroon sa dibdib nito. 

 

“Sana makatulong sa’yo.”

 

Napangiti si Maritoni sa sinabi ni Mark. Pakiwari niya ang salita nito ay may kakayahang magtago ng negatibong pakiramdam. 

 

“Parang magiging okey lagi ang pakiramdam ko kung lagi mo akong yayakapin,” wika niya. 

“Ganu’n ang gawin natin,” wika niya. 

 

“Magpakasal na tayo,” wika nito. 

 

Ang plano lang sana niya ay mapalapit nang husto kay Maritoni para malaman niya kung ano ang iniisip at nararamdaman nito. Ibig din niyang malaman ang mga plano nito. Kahit na sinasabi nitong isa siyang agent, hindi pa rin buo ang ipinapakilala ni Maritoni sa kanya. Kaya, nagdesisyon siyang pasukin ang buhay nito para mas makilala niya ang dalaga. 

 

“Seryoso ka?” 

 

“Kaya nga pinagtagpo tayo ng tadhana, para magmahalan habambuhay.” Sagot niya habang nakatitig kay Maritoni.  “Nasaan ang parents mo?”

 

“Ha?”

 

Kumunot ang noo niya, at para bang bigla itong nailang sa kanya. 

 

“Bakit?”

 

“Pinatay sila.”

 

“Ha?”

 

Alam niyang ibig magtanong ni Mark, pero hindi niya alam kung paano ito sasagutin kaya idinaan na lamang niya sa pag-iyak na para bang kapag ginawa niya iyon ay mabubuhay muli ang kanyang mga magulang. 

 

Itutuloy…

 

 

 

 
 

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | December 8, 2023



ree

First time magmahal ni Maritoni kaya naman pakiramdam niya pati ang kanyang utak ay lumilipad. Maski ang kanyang misyon ay nakalimutan niya.


“Shit!”


“Bakit?”


“Kailangan na nating bumalik.” Nagpa-panic niyang sabi.


Kumunot ang noo ni Mark at sabay tanong na, “saan?”


Hindi na muna siya kumibo dahil minabuti muna niyang pagmasdan ito. Talaga namang napakaguwapo ni Mark. Ang puso tuloy niya’y dumagundong sa pagtibok.


“Maritoni…”


“Sa Sitio Madasalin.”


Hindi dahil gusto niyang maligtas si Mark, kundi dahil may mga buhay din siyang kailangang iligtas. Kung hindi nga lang masyadong seryoso ang kaba na kanyang nararamdaman, baka magawa pa niyang magbiro at magsabi na nakakabaliw talaga ang pagmamahal. Totoo naman kasi, hindi ba?


“Sana, hindi pa tayo huli,”


Kung nakahandusay at duguan na ang mga madre, tiyak na sisisihin niya ang kanyang sarili dahil sa kanyang kapabayaan.


“Huwag kang mawalan ng pag-asa. Sorry.”


“Bakit ka humihingi ng tawad?” Nagtataka niyang tanong.


“Dahil sa akin napabayaan mo ang misyon mo.”


“Hindi naman kasi talaga ako magaling. Puro lang ako porma, wala akong kuwenta. Matagal ko nang inaasam na magkaroon ng ganitong klaseng misyon. Pero, ngayong hawak ko na ang misyon na ganito, parang gusto namang tumakas dahil…”


“Ano?” Wika ni Mark dahil hindi siya agad nakakibo.


“Parang pamilyar sa akin ang mga eksena ng pagpatay sa mga madre.”


Gilalas niyang sabi bago sumakit nang matindi ang kanyang ulo na para bang may eksena siyang gustong balikan sa nakaraan.

Itutuloy…


 
 

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | December 8, 2023


Dear Sister Isabel,


Wala na yatang katapusan ang problema ko. Solo parent ako, may isa akong anak na 5-taong gulang at sobrang kulit. Bukod du’n ay nananakit din paminsan-minsan. Hindi tuloy nakapagpigil ‘yung yaya niya at noong saktan niya ito, sinaktan din siya ng kanyang yaya at binatukan niya ang anak ko. Sa galit ko nasampal ko nang malakas ang yaya namin.


Nagdemanda siya at humihingi ng malaking halaga para iurong ang kasong isinampa niya laban sa akin. Hindi ako nagbigay ng pera sa halip, nag-file ako ng counter demand na child abuse.


Nanalo ako sa kasong sinampa niya dahil wala siyang testigo na sinaktan ko siya.


Hindi rin siya nakapag-medical at nahalata ng mediator namin na gusto niya lang akong pagkakitaan.


Pinagbayad siya ng malaking halaga para sa danyos perwisyo. Wala siyang maibayad kaya nakiusap na lang siya na ‘wag ko nang ituloy ang kasong sinampa ko sa kanya dahil malaki ang tsansang matalo na naman siya. Hindi ako pumayag kahit naaawa ako sa kanya. Tinuloy ko pa rin ang kaso.


Tama ba ang ginawa ko? Kahit humingi na ng tawad ‘yung katulong ko at wala ring pera maibigay sa akin du’n sa unang kaso namin? Hihintayin ko ang payo n’yo.

Nagpapasalamat,

Dorris ng East Avenue, Quezon City.

Sa iyo, Dorris,


Ang maawain at mahabaging puso ay pinagpapala at buhus-buhos na biyaya ang dumarating. Ang maipapayo ko sa iyo ay patawarin mo na ang katulong mo.


Sa umpisa parang mahirap gawin, pero kung isasaalang-alang mo na malapit na ang Pasko, give love on Christmas. Iminumungkahi kong patawarin mo na siya. Ang makagawa ka ng kabutihan sa iyong kapwa ngayong Pasko ay kalugud-lugod sa Diyos.


Huwag mo nang ituloy ang sinampa mong kaso sa katulong mo. Patawarin mo na siya.


Natitiyak ko, malulugod sa iyo ang Diyos ‘pag ginawa mo ‘yun. Sasaiyo rin ang walang hanggang pagpapala at mga biyaya ng Dakilang Lumikha.


Gagaan din ang loob mo at napakasarap ng magiging pakiramdam mo sa sandaling napatawad mo na siya. Hanggang dito na lang. Maligayang Pasko sa inyong lahat.

Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 
RECOMMENDED
bottom of page