- BULGAR
- Dec 12, 2023
ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | December 12, 2023
Dear Sister Isabel,
Advance Merry Christmas sa inyo r’yan.
Gusto kong sumangguni sa inyo, kasi alam kong kayo lang ang makakapagpalubag ng loob ko ngayon. Nawawala ang anak ko at hindi namin siya makita. Kung saan-saan na namin siya hinanap at nag-report na rin kami sa pulis, pero hindi pa rin namin siya makita. Kade-debut pa lang niya nu'ng nawala siya. Simula nang mawala siya, ‘di na ko nakakain at nakatulog. Malaki na rin ang pinayat ko. May alam ba kayong orasyon para magbalik ang isang taong nawawala? Kung meron, tulungan n’yo ako.
Nagpapasalamat,
Grace ng Masbate
Sa iyo, Grace,
Ikalma mo ang iyong kalooban. Ang pinakamaganda mong gawin ay magdasal ng taimtim na walang halong alinlangan upang dinggin ng Diyos ang panalangin mo na bumalik na ang nawawala mong anak. Humingi ka ng tulong sa Diyos. Walang imposible sa Diyos basta’t manalig ka lang sa kanyang kapangyarihan. Mag-novena ka kung kinakailangan. 9 days novena kung sino man ang patrong pinananaligan mo.
Sa tanong mo kung may alam akong orasyon o dasal para bumalik ang anak mo, dasalin mo ang Sumasampalataya at tumigil ka sa salitang “paririto” bigkasin mo ang iyong kahilingan sabay banggit ng buong pangalan ng iyong anak. Ang sunod mong bigkasin ay “bumalik ka na sa amin, pumarito ka na muli sa bahay natin. Hinihintay ka na namin.” Dasalin mo ito ng 49 days. Mabisa ang dasal na ‘yan. Marami nang lumayas o nawala ang nakabalik dahil sa dasal na ‘yan. Subukan mo, wala namang mawawala kung susubukan mo ito. Nawa makabalik na sa lalong madaling panahon ang anak mo.
Martes o Biyernes mo umpisahan ang dasal na walang patlang, hihina ang bisa ng dasal kapag napatlangan. Hanggang dito na lang. Huwag kang mawalan ng pag-asa. Habang may buhay, may pag-asa. Isang araw magugulat ka na lang, nasa harapan mo na ang nawawala mong anak.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo





