- BULGAR
- Dec 24, 2023
ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | December 24, 2023

Biglang natauhan si Gabriel sa ginawa ni Princess, pero hindi niya ito magawang itulak. Sa katunayan, masarap naman kasi talaga humalik ang kanyang nobya.
Para tuloy siyang nakalutang sa alapaap ng mga sandaling iyon.
“Hey,” wika niya pagkaraan. Hindi kasi niya maintindihan kung bakit ‘yun ginawa ng kanyang mahal.
“I love you,” wika nito habang nakangiti sa kanyang nobyo.
Hindi tuloy niya mapigilan ang mapangiti sabay tugon ng, “I love you too.”
‘Di niya alam kung bakit biglang gumaan ang pakiramdam niya, samantalang kanina ay ang bigat-bigat, at gusto na niyang isipin na kaya ganu’n ang kanyang pakiramdam ay dahil sa pagmamahal ni Princess. Kahit tuloy lalaki siya, nakaramdam pa rin siya ng matinding kilig.
“Napaka-sweet n’yo naman d’yan.”
Hindi na niya pinagkaabalahan pang lingunin ang mga ito dahil ang atensyon niya ay nakatuon lang kay Princess. Mahal na mahal niya ang kanyang kasintahan, kaya handa niyang gawin ang lahat para lang mapasaya ito. Kaya nga, pinili niyang pasukin din ang mundo ng showbiz. Masasabi naman niyang masaya siya. Bukod sa nasiyahan siya sa kanyang ginagawa, kasama pa niya lagi ang kanyang pinakamamahal. Wala na siyang gugustuhin pang makasama kundi si Princess lang. Habang sinasabi niya iyon sa kanyang sarili, hindi niya namamalayan na may tao rin palang nakakaramdam ng inis at galit dahil nakokontra ang kanyang mga ginagawang hakbang para makuha niya si Gabriel Monteverde.
Bigla tuloy naisip ni Baninay, dapat na ba niyang gamitin ang matinding ritwal para makuha ang kanyang senyorito?
Itutuloy…




