top of page
Search
  • BULGAR
  • Feb 5, 2024

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Pebrero 5, 2024



ree

Habang nagmamartsa si Princess palapit kay Gabriel, namamayani pa rin ang takot sa kanyang dibdib.


Feel niya, anumang sandali ay mayroong sisigaw na "itigil ang kasal". Tiyak kasi niyang hindi pa nakaka-move on sina Baninay at Glaiza. Pakiramdam niya, anumang oras ay darating ang mga ito at guguluhin ang kanyang kasal.

 

Ngunit, walang pa rin ang mga ‘mang-aagaw’. Ang nakikiusyoso ay ang mga showbiz reporters na nakatunog sa kanilang kasal. Hindi nila ipinagsabi ang kanilang kasal, pero mayroon pa rin talagang nakaalam. Talaga ngang may tenga ang lupa, may pakpak ang balita. 


Mula sa malayo, nakangisi si Baninay, paano ba namang hindi siya masisiyahan, eh sa sandaling magpakasal sina Gabriel at Princess, babalik na siya sa kanyang katawan at magiging maligaya na sila ni Gabriel habambuhay. 


“I do,” wika nina Gabriel at Princess. 


Doon ay nakaramdam ang dalaga ng panlalamig. Pakiramdam niya, may ipu-ipo na lumalapit sa kanya para siya'y tangayin. Hindi niya napigilan ang mapatili dahil talaga ngang umangat siya sa lupa. 


Samantalang hindi napigilan ni Princess na makaramdam ng takot. Matapos kasing maglapat ang kanilang labi ni Gabriel at ideklara ng pari na sila’y mag-asawa na ay may kakaiba siyang naramdaman. Pakiwari niya ay gusto siyang liparin ng hangin. Mabuti na lang at niyakap siya ni Gabriel kaya hindi siya natangay. 


“Princess?”


Nakangiting bigkas ni Gabriel. Ngunit ang dalaga ay nabalot ng kalungkutan. Batid niya kasing hindi na ang Princess na minahal nito ang nakikita ni Gabriel. 


“Bumalik na ang iyong hitsura,” wika nito. 


“Ano?” 


Ang mga tao sa paligid ay nagbubulungan na para bang hindi makapaniwala sa nangyari. Maski siya ay ganundin, hindi siya makapaniwala sa kanyang nakita. 


Tama nga ang sinabi ng matanda sa kanyang panaginip? Sabi kasi nito, babalik lamang ang kanyang hitsura kung mababasbasan na ang pagmamahalan nila ni Gabriel at nangyari nga iyon. Dahil mas nangibabaw ang kanilang pag-iibigan. 



Wakas.

 
 
  • BULGAR
  • Feb 4, 2024

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Pebrero 4, 2024



ree

Natigilan sa pag-iimpake si Princess nang biglang bumukas ang pinto ng kanyang silid. 


Dahil sa pagbabago ng kanyang hitsura, nag-stay muna siya sa kanyang condo. Hindi rin kasi niya tiyak kung gusto nga ba siyang makasama ng kanyang magulang o baka naman masyado na itong naaalibadbaran sa kanyang mukha. 


“Ano ang ibig sabihin nito?” Gulat na tanong ni Gabriel. 


Saglit lang niya ito tinapunan ng tingin at sabay impake. Mahal na mahal niya si Gabriel at hindi niya alam kung hanggang kailan ito mananatili sa kanyang puso.  


“Aalis na ako.” 


“Iiwan mo na ako?” Hindi makapaniwalang tanong ng binata. 


“Palalayain na kita, para lumigaya ka na.” 


“Paano pa ‘ko liligaya, kung tuluyan mo na kong iiwan?”


“Si Glaiza ang tunay mong mahal, hindi ba?”


“At sinong nagsabi n’yan?” Manghang tanong nito. 


“Hindi ba totoo?”


“Hindi! Wala akong ibang minahal, kundi ikaw lamang.”


'Yun ang salitang nais na marinig ni Princess, kaya naman gilalas siyang napatingin dito. 


“Pero, si Glaiza ang mahal mo, bago kita gayumahin.”


“Sorry.”


Sa winika nito, parang nilamutak ang kanyang puso.


“Hindi mo kailangan mag-sorry. Mas malaki ang kasalanan ko sa’yo.”


“Hindi tatalab ang gayuma mo, kung wala akong pagmamahal sa’yo,” mariing sabi nito sa kanya.


Ang una tuloy niyang naisip ay gigil ito sa ginawa niyang panggagayuma, pero nang ulit-ulitin niya ang sinabi ng kanyang nobyo, namilog ang kanyang mga mata at sabay sabing, “Talaga? Mahal mo ako?” 


“Yes,” sagot ng binata sabay yakap at halik sa dalaga.


Tatapusin…

 
 
  • BULGAR
  • Feb 2, 2024

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Pebrero 2, 2024



ree

Alam ni Gabriel na masasaktan si Glaiza sa kanyang sinabi, pero ayaw na niyang magkunwari pa. 


“Ano'ng sinasabi mo riyan?” Gulat nitong tanong sa kanya. 


“Ginamit lang kita.” 


Hindi niya ito gustong ipagmalaki, pero sa palagay niya ay kailangan niya na itong sabihin dahil nabubuwisit na rin siya sa pangungulit ni Glaiza. 


“ Sa paanong paraan mo ko ginamit?” Hindi pa rin makapaniwalang tanong nito. 


“Gusto ko lang makita at malaman kung magseselos ba si Princess.” 


Walang anu't ano, agad na sinampal ni Glaiza ang binata,  pero hindi niya ito ininda.


Alam niya kasing mas nasaktan niya ang damdamin ng dalaga. 


“Hindi mo man lang ba ako minahal? Kaya ba napakadali lang sa iyo na iwanan ako?


Minahal kita, Gabriel!”


Hindi agad nakakibo ang binata, at para bang gusto na lamang niyang magsisi. Ngunit, ayaw naman niyang paniwalain pa ito sa kanyang naging kasinungalingan. Mas maiging itama na niya ang kanyang naging pagkakamali.  


“Makakatagpo ka rin naman ng mas better. Akala ko nga ay nagawa mo na akong kalimutan dahil sampung taon na rin naman ang nagdaan.”


“Mahirap kalimutan ang unang pag-ibig.”


“Hangad kong matagpuan mo ang kaligayahan na hangad at deserve mo. Glaiza, hindi mo sa akin matatagpuan ‘yun. Hindi kita mahal, at hindi ikaw ang makakapagpaligaya sa akin.”


“Nagkamali ako na bumalik pa ako sa’yo. Akala ko, magagawa pa kitang ipaglaban sa babaeng nanggayuma sa’yo.”


“Ang gayuma ay tumatalab lang kapag ang nanggayuma sa akin ay mahal ko rin. Ang gayuma ay nagsisilbing lakas ng loob para tanggapin ang katotohanan.”


“Hindi mo ba ginayuma ang babaeng iyon?”


“Hindi ko siya ginayuma st hindi ko rin alam kung paano ko sasabihin sa’yo noon na hindi talaga kita minahal. Glaiza, ginamit lang kita.”


“Isusumpa ko kayo ni Princess!” Galit nitong sigaw na nakakapangilabot, at para bang sinasabi nito na hindi ito papayag na ‘di makaganti. 


Itutuloy…

 
 
RECOMMENDED
bottom of page