ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Sep. 28, 2024
Sadyang hindi natin alam kung kailan tayo papanaw at hindi rin natin hawak o kontrolado ang nalalabi nating araw, oras o segundo.
Kung tayo ay papalarin, tiyak na mahabang buhay ang ating tatahakin. Subalit, lubos na nakalulungkot kung iadya ng tadhana na tayo’y mawala na lamang. Pero, higit na nakalulungkot kung papanaw tayo ng walang kalaban-laban.
Tila ganito ang nangyari sa biktima sa kaso na aming ibabahagi sa araw na ito, ang People of the Philippines vs. Winifredo Roldan y Agtay, Accused, William Roldan y Agtay, Accused-Appellant (CA-G.R. CR-HC No. 17879, April 5, 2024), sa panulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Raymond Reynold R. Lauigan [Special Seventeenth Division]).
Ang naturang biktima ay si David. Tunghayan natin kung paano siya binawian ng buhay, at kung ano ang naging pinal na hatol sa kanyang pagkamatay.Sina William at Winifredo ay nadawit at nasampahan ng kasong murder sa Regional Trial Court (RTC) ng Gumaca, Quezon.
Sa paratang na inihain laban sa kanila, nagtulungan at nagsabwatan diumano sila upang paslangin, gamit ang isang de-motor na bangka, ang noon ay walang depensa na biktima na si David.
Naganap diumano ang pamamaslang noong ikalawa ng Marso 2018, ala-1:30 ng tanghali sa Munisipalidad ng Gumaca, Probinsya ng Quezon.
Si William lamang ang sumailalim sa arraignment, sapagkat si Winifredo ay nanatiling at large. “Not guilty” naman ang naging pagsamo ni William sa hukuman.
Batay sa bersyon ng tagausig, nangingisda umano ang magkapatid na sina Danny at David noong araw na naganap ang malagim na insidente.
Diumano, sakay sila ng kani-kanilang bangka at gumamit ng troll line para sa isdang tuna bilang kanilang pain. Bigla diumanong dumating sina William at Winifredo, sakay ng kani-kanilang bangka, at dinaanan ang naturang linya ng magkapatid.
Malapit sila Danny sa kawan ng mga isda, habang sila William ay may 15 metro ang layo, nang bigla umanong bumalik si William at iniitsa ang kawit nito. Ang naturang kawit ay sumabit diumano sa pang-ibabang kasuotan o shorts ni Danny.
Hindi umano itinigil ni William ang kanyang bangka, bagkus tiningnan lamang diumano nito si Danny at pinaandar nang mabilis ang nasabing bangka na naging dahilan diumano upang mahila at mahulog si Danny sa dagat. Gayunman, nagawa umanong makaalpas ni Danny sa pagkakakawit sa kanya. Nang makita umano ito ni Winifredo ay galit niyang pinuntahan at pinalibutan si Danny gamit ang kanyang bangka. Agad naman umanong sinabihan ni Danny si David na lumayo, subalit agad din umanong bumaling si Winifredo sa bangka ni David at inihampas ang bangka nito sa bangka ng huli.
Nakita ni Danny na tumilapon sa dagat si David. Agad naman umanong umalis sina William at Winifredo, habang hinintay ni Danny na lumutang ang kapatid.
Nakita umano ni Danny na walang malay si David at lumubog sa ilalim ng dagat. Sinubukan niya umanong sagipin ang kapatid ngunit hindi na siya nakalangoy pa nang pailalim. Kaya agad umanong humingi ng saklolo si Danny at ang isa sa tumugon sa kanya ay si Joselito, bagaman sinubukan nilang hanapin si David, nabigo pa rin sila.
Ayon naman sa testimonya ni Patrolman Pusao, siya umano ang nakatanggap ng ulat ukol sa naturang insidente. Nang makarating umano sa pinangyarihan, nakita niya ang isang dilaw na bangka na sira ang outrigger at mayroong tama ang gilid na tila dulot ng pagkakatama ng matalim na bagay. Nang magsagawa umano ng follow-up operation ay sumuko si William.
Para naman sa panig ng depensa, mariin na iginiit ni William na walang katotohanan ang mga paratang laban sa kanya. Kapwa umano nilang hinahabol ang kawan ng mga isda nang bigla na lamang sumabit ang bangka ni Danny sa kanilang linya ng pain. Hindi umano totoo ang paratang na iniitsa niya ang kanyang kawad na sumabit sa shorts ni Danny, dahil kung totoo umano iyon ay higit na malubhang kondisyon ang inabot ni Danny.
Nakita rin umano ni William na pinaandar nang mabilis ni David ang bangka nito sa mga alon at nilampasan ang bangka ni Winifredo. Umangat diumano ang harap na bahagi ng bangka ni Winifredo nang ikabig nito ang kanyang bangka upang maiwasan ang pagtama sa bangka ni David.
Nakita umano ni William na tinamaan si David ng likod na bahagi ng bangka ni Winifredo at umalis na si Winifredo habang ang biktima ay duguan na nasa likurang bahagi ng bangka.Nakita rin umano ni William na humingi ng saklolo si Danny, ngunit umalis umano siya sa pinangyarihan ng insidente upang habulin si Winifredo.
Sa ibinabang desisyon ng RTC, hinatulan na may sala sina William at Winifredo para sa krimeng murder. Ang sabwatan sa pagitan ng dalawa ay napatunayan diumano ng kanilang kapwa na presensya nang maganap ang krimen. Dahil malapit umano si William kay Winifredo nang gawin ng huli ang krimen, masasabi umano na ang presensya ni William ang humikayat sa huli upang isakatuparan nito ang pamamaslang. Parusang reclusion perpetua at pagbabayad ng sibil na pinsala at danyos sa mga naulila ng biktima ang ipinataw sa mga inakusahan.
Agad namang naghain ng apela si William sa Court of Appeals (CA). Iginiit niya na hindi umano napatunayan sa hukuman ang lahat ng mga elemento ng krimen at hindi umano napatunayan na mayroong sabwatan sa pagitan nila ni Winifredo.
Masusing inaral muli ang kaso na inihain laban kay William. Ipinaalala ng CA na sa tuwing mayroong iniaakyat na apela, binubusisi ng appellate court kung mayroon bang katibayan sa kriminal na responsibilidad ng akusado nang higit sa makatwirang pagdududa.
Sa apela ni William, hindi umano nakumbinsi ang CA na napatunayan ng tagausig ang kanyang pagkakasala nang higit sa makatwirang pagdududa.
Binigyang-diin ng appellate court ang konsepto ng conspiracy, alinsunod sa desisyon ng Korte Suprema sa kasong People v. Escobal (G.R. No. 206292, October 11, 2017 [Honorable Chief Justice Lucas P. Bersamin (na noon ay Associate Justice), Third Division]). Ang bahagi ng naturang desisyon ay nagsasaad:
“Conspiracy exists when two or more persons come to an agreement concerning the commission of a felony, and decide to commit it; hence, the agreement concerning the commission of the crime must be shown to precede the decision to commit it. Indeed, the acts of Abaño adverted to did not necessarily reflect his community of purpose with Escobal in the killing of the victim. The former's mere passive presence at the scene of the crime did not constitute proof of concerted action between him and Escobal.
Knowledge of, or acquiescence in, or agreement to cooperate is not enough to constitute one a party to a conspiracy, absent any active participation in the commission of the crime with a view to the furtherance of the common design and purpose.”
Sa kaso umano ni William, naroon lamang siya noong naganap ang krimen, subalit wala umanong malinaw na ebidensiya na naroon siya bunsod ng naunang plano na paslangin ang biktima. Sa katunayan, naroon na umano sina William at Winifredo nang dumating ang magkapatid na Danny at David, bagay na kinumpirma umano mismo ni Danny sa hukuman.
Sa pag-uunahan umano nila sa kawan ng mga isda ay sumabit diumano ang kawit ni William sa shorts ni Danny, o ayon sa pahayag ni William ay sa bangka mismo umano ni Danny ito sumabit.
Nang putulin umano ni Danny ang linya kung saan nakakabit ang kawit ni William ay doon lamang umano gumawa ng mga hakbang si Winifredo na nauwi sa pagkasawi ni David.
Para umano sa CA, ang mga biglaang pangyayari bunsod ng mga naging reaksyon ni Winifredo ay nagpapakita ng kawalan ng kasunduan o sabwatan sa pagitan nila ni William.
Wala rin umanong ebidensiya na ipinrisinta ang tagausig patungkol sa aktibong partisipasyon ni William sa sinapit ni David.
Ipinaalala ng CA na kinakailangan na mapatunayan ang sabwatan sa pagitan ng mga pinararatangan ng krimen, at ito ay sa pamamagitan ng positibo at tiyak na ebidensiya, at hindi haka-haka.
Binigyang-diin pa ng appellate court, sa panulat ni Honorable Associate Justice Lauigan ng Special Seventeenth Division:
“Conspiracy transcends mere companionship, and mere presence at the scene of the crime does not in itself amount to conspiracy. Even knowledge of, or acquiescence in, or agreement to cooperate is not enough to constitute one party to a conspiracy, absent any active participation in the commission of the crime with a view to the furtherance of the common design and purpose.”
Dahil umano sa kakulangan ng ebidensiya na sumusuporta sa alegasyon ng sabwatan sa pagitan ng mga inakusahan, hatol na pagpapawalang-sala ang iginawad ng CA kay William. Ang naturang desisyon ay naging final and executory noong Abril 5, 2024.
Nakamit man ni William ang hustisya, hanggang ngayon ay tila kasama na ng mga alon na inanod ang katarungan para sa hindi inaasahan na pagpanaw ng biktima na si David.
Gayunman, umaasa pa rin kami na sana sumuko o madakip na si Winifredo upang maipaliwanag niya ang kanyang bahagi sa naganap na gulo. At kung sadyang siya nga ang may kagagawan sa pagkahulog ni David sa karagatan, panagutan niya sana lahat ng kanyang kasalanan. Nang sa gayun, ang daing ni David mula sa hukay na umabot sa karagatan, at baon hanggang sa kabilang buhay ay matuldukan.