ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Sep. 22, 2025
ISSUE #367
Ang pagkakaroon ng kapatid ay isang napakagandang biyaya mula sa ating Ama na Maylikha.
Sa piling ng kapatid, ang buhay ay higit na masaya; lalo na kung siya ay lagi mong kasa-kasama. Kahit na minsan ay merong hindi pagkakaunawaan, tiyak na walang sinuman ang magnanais na ang kanyang kapatid ay malagay sa kapahamakan.
Ang kuwento na aming ibabahagi sa araw na ito na hango sa kasong People of the Philippines vs. Jose Tagyamon Jordio, a.k.a. Alfredo Jordio and “John Doe,” Criminal Case Nos. 1998-13510 and 1998-13512, March 4, 2024, ay tungkol sa magkapatid na Elebeb at Emmalou.
Sa murang edad, sila ay hindi inaasahang pinaghiwalay dahil sa isang malagim na krimen. Krimen na nagdala kay Emmalou sa kabilang buhay. Ganunpaman, kahit higit sa dalawang dekada na ang dumaan, hindi sumuko si Elebeb sa legal na pakikipaglaban. Samahan ninyo kami sa pagbabahagi ng kanilang kuwento.
Isang malagim na gabi ang tumambad sa magkapatid na Elebeb at Emmalou noong ika-7 ng Pebrero 1998, nang walang kaabug-abog na sila ay pagbabarilin ng isang lalaki.
Noong panahon na iyon ay 12-anyos lamang si Elebeb, habang 13-anyos naman si Emmalou. Naganap ang nasabing insidente bandang alas-7:00 o alas-8:00 ng gabing iyon sa kanila mismong tahanan sa isang barangay sa Dumaguete City.
Ang mga inakusahan sa nasabing pamamaril ay sina Jose alyas “Alfredo” at “John Doe”. Magkahiwalay na paratang para sa krimen na Murder at Frustrated Murder ang inihain laban sa kanila sa Regional Trial Court ng Negros Oriental (RTC Negros Oriental).
Sa kabila ng pagpapalabas ng hukuman ng warrant of arrest noong ika-25 ng Mayo 1998 ay nanatiling at-large ang dalawang akusado, dahilan upang mai-archive ang kaso laban sa kanila.
Gayunpaman, sa hindi inaasahang pagbaling ng mga kaganapan, nadakip si Alfredo sa Caloocan noong ika-7 ng Pebrero 2023, o 25 taon mula nang maganap ang malagim na krimen.
Ang pithaya para sa hustisya ng mga biktima ay nasimulan na rin nang ma-arraign si Alfredo noong ika-14 ng Marso 2023.
Batay sa testimonya ni Elebeb, siya at si Emmalou ay nanonood ng telebisyon sa sala ng kanilang bahay nang biglang may dumating na isang lalaki na hinahanap ang kanilang ina. Diumano, sinagot ni Elebeb ang lalaking iyon na hindi niya alam kung saan naroon ang kanilang ina. Laking gulat na lamang nilang magkapatid nang bigla umanong bumunot ng baril ang naturang lalaki at sila ay pinagbabaril. Sinipa umano si Elebeb ni Emmalou mula sa sofa, dahilan upang siya ay makagapang sa sahig at makalabas sa kanilang likod na pinto. Habang siya’y nagtatago sa mga puno ng saging at niyog, patuloy ang pagputok ng baril sa loob ng kanilang bahay.
Nakita umano ni Elebeb na lumabas ang nasabing lalaki at hinahanap siya, ngunit pumasok din itong muli sa kanilang bahay. Ilang sandali pa, nakita umano ni Elebeb na nakasalubong ng naturang lalaki sa loob ng kanilang bahay si Casio, kapitbahay nila Elebeb na isang pipi at bingi. Muling nakarinig ng mga putok ng baril si Elebeb. Pagkatapos noon ay narinig diumano ni Elebeb ang tunog ng motorsiklo na umalis. Agad diumano siyang tumakbo at nakita si Casio na duguan at nakahawak sa sariling tiyan.
Sa kanyang paghingi ng saklolo, dumating ang tiyahin ni Elebeb at tinulungan siya na maisugod sa ospital sina Emmalou at Casio. Binawian ng buhay si Emmalou, habang si Casio naman ay nagtamo ng matinding kapinsalaan sa katawan; ang malaking bituka at atay ni Casio ay malubha ring nasugatan.
Batay sa paglalarawan na ibinigay ni Elebeb sa mga pulis, ang lalaki na walang-awa na namaril sa kanila ay merong pangkaraniwang taas, kulot ang buhok, katamtaman ang laki ng katawan, nakasuot ng itim na t-shirt at camouflage na short at merong peklat sa mukha.
Kinabukasan, habang kasama umano ni Elebeb sa isang sasakyan ang dalawang pulis ay bigla niyang nakita diumano ang nasabing lalaki na namaril pagkahinto nila sa isang tindahan sa Colon Extension sa Dumaguete City.
Naglalakad lamang diumano sa kalsada ang nabanggit na lalaki. Agad niya umano itong ipinaalam sa kasama niya na pulis, subalit walang ginawa ang naturang pulis.
Makalipas ang mahigit dalawang dekada, o noong ika-2 ng Pebrero 2023, nakatanggap diumano si Elebeb ng mensahe mula sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na merong larawan ng isang lalaki ang naaresto sa Ilocos. Subalit, ayon kay Elebeb, hindi umano ito ang lalaki na walang-awang namaril sa kanila.
Makalipas ang halos isang linggo, nakatanggap muli si Elebeb ng mensahe mula sa CIDG na merong larawan ni Alfredo. Positibo na kinilala ni Elebeb na ito ang lalaki na bumaril sa kanilang magkapatid at kay Casio.
Sa paglilitis sa hukuman, positibo na kinilala ni Elebeb na si Alfredo ang siyang bumaril sa kanila.
Samantala, nagsumamo ng kawalang kasalanan si Alfredo. Sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan R.O. Laurente ng PAO-Dumaguete City South District Office, iginiit niya na wala siya sa Dumaguete City noong araw ng insidente; bagkus siya ay nasa Caloocan. Mula pa umano taong 1995 o 1996 ay naninirahan na siya sa Bagong Silang, Caloocan at hindi pa umano siya muling nakababalik sa Dumaguete City dahil sa kakulangan sa pera.
Pinatotohanan ng kapatid ni Alfredo na si Ponciano ang naturang alibi. Mula pa umano sa taong 1995 ay naninirahan na si Alfredo sa Caloocan. Kinumpirma rin ni Barangay Clerk Adduru ng Barangay 176, Bagong Silang, Caloocan, ang katotohanan ng sertipikasyon na ipinalabas ng kanilang barangay na si Jose alyas “Alfredo” ay kilala sa kanilang komunidad mula pa taong 1995 at na wala itong derogatory record.
Matapos ang mabusising pag-aaral ng hukuman ng paglilitis sa bawat alegasyon at ebidensya ng magkabilang panig, hatol ng pagpapawalang-sala ang iginawad kay Alfredo.
Unang ipinaalala ng RTC Negros Oriental ang garantiya sa ilalim ng ating batas, pangunahin na sa ating Saligang Batas, na ipinagpapalagay na inosente ang isang akusado hanggang ang kanyang pagkakasala ay mapatunayan nang higit pa sa makatuwirang pagdududa. At ang pasanin ng pagpapatunay sa bawat elemento ng krimen at sa pagkakakilanlan ng salarin, nang higit pa sa makatuwirang pagdududa ay nasa panig ng nag-uusig.
Sa kaso ni Alfredo, hindi nakumbinsi ang RTC Negros Oriental na merong moral na katiyakan na siya ang may-akda ng mga krimen na ibinibintang laban sa kanya. Bagaman hindi umano mapag-aalinlanganan na naganap ang pamamaril at nagbunga ito ng pagkasawi ni Emmalou at ng matinding pinsala sa katawan ni Casio, nabahiran naman diumano ng pagdududa ang pagkilala ni Elebeb kay Alfredo bilang salarin sa naganap na mga krimen dahil sa napakahaba na panahon na ang lumipas nang maganap ang naturang insidente.
Ipinaliwanag ng hukuman ng paglilitis na ang isa sa mga “danger signals” ng “out-of-court identification” o pagkilala ng saksi sa akusado sa labas ng hukuman ay ang malaking patlang ng panahon na lumipas mula nang makita ng saksi ang salarin na ginawa ang krimen at ang kanyang pagkilala rito.
Hindi maisantabi ng hukuman ng paglilitis ang napakahaba na panahon na lumipas - 25 taon mula nang maganap ang krimen ng pamamaril nang kilalanin ni Elebeb si Alfredo sa pamamagitan ng ipinadala na larawan ng CIDG.
Binigyang-konsiderasyon din ng hukuman ng paglilitis na ang muling pagtatatag ni Elebeb ng mga naganap noong 12-anyos pa lamang siya ay maaaring naapektuhan, nabahiran o nasira ng matinding hilakbot at tensyon bunga ng pagkakasaksi sa matinding krimen.
Naging kapuna-puna rin sa hukuman ng paglilitis ang kawalan ng katibayan na sumailalim si Elebeb sa counselling at therapy sa kabila ng matindi niyang pinagdaanan noong gabi ng insidente, pati na ang mga taon na lumipas na bitbit niya ang responsibilidad bilang natatanging saksi sa walang-awang pamamaril na kumitil sa buhay ng kanyang kapatid. Kung kaya’t, hindi rin maisantabi ng hukuman ng paglilitis ang posibilidad na nalimitahan ang pagkilala ni Elebeb sa salarin ng mga normal na pagkakamali ng isang tao pati na ng mga impluwensya na pahiwatig sa kanya.
Para sa hukuman ng paglilitis, magiging kapabayaan diumano ng tungkulin kung ang pagdedesisyon sa kaso na ito ay ibabatay lamang ng hukuman sa natatangi na muling paggunita ni Elebeb ng mga pangyayari.
Sa panuri din ng RTC Negros Oriental sa mga naging pahayag ni Elebeb, napakalimitado lamang diumano ng kanyang pagkakakita sa lalaki na namaril kung isasaalang-alang ang bilis ng mga pangyayari at ang kanyang ginawa na pagtago. Meron ding hindi pagkakaayon diumano ang inisyal na paglalarawan ni Elebeb noong ipinatala ang insidente ng krimen noong taong 1998 sa kanyang naging paglalarawan noong taong 2023 ukol sa itsura ng salarin.
Ang naturang hindi pagkakaayon ay nagdulot ng pagdududa sa isipan ng hukuman kung ang akusado nga ba ang salarin sa naganap na pamamaril.
Dagdag pa sa mga ito ay ang kawalan ng iba pang ebidensya na maaaring mag-ugnay kay Alfredo sa krimen.
Pagpapaalala ng hukuman ng paglilitis na mahina man na uri ng ebidensya ang pagdadahilan o alibi ng akusado, kikiling pa rin sa kawalan ng kasalanan ng akusado ang hukuman kung hindi maitaguyod ng panig ng tagausig ang pagkakasala ng akusado nang higit pa sa makatuwirang pagdududa.
Sa kaso ni Alfredo, merong makatuwirang pagdududa na nabuo sa isipan ng hukuman kung siya nga ba ang totoong salarin sa naturang pamamaril.
Batay na rin sa mga dahilan na nabanggit, hatol na pagpapawalang-sala ang iginawad kay Alfredo ng RTC Negros Oriental noong ika-4 ng Marso 2024.
Wala nang naihain na petition for review on certiorari o apela na nagkukuwestiyon sa naturang desisyon ng hukuman.
Hindi man nagbunga ng pagkapanalo kay Elebeb ang isinampa niyang kaso, ang mahalaga ay napatunayan nilang magkapatid ang lalim ng pagmamahal nila para sa isa’t isa.
Sa murang edad na 13, ang pagmamahal ni Emmalou sa kanyang kapatid ang namutawi nang unang pumasok sa kanyang isipan noong sila ay pagbabarilin ay ang iligtas si Elebeb sa tiyak na kapahamakan, gayung ito ang naging daan ng kanyang kamatayan.
Si Elebeb naman, ipinakita ang pagmamahal sa pamamagitan ng patuloy na pakikipaglaban upang sana ay makamit ng namayapang kapatid ang katarungan. Kahit lumipas na ang higit sa dalawang dekada, hindi siya sumuko sa pagnanais na makamit ng kaluluwa ni Emmalou ang karampatang hustisya.
Sana ay nakapulutan natin ng aral at inspirasyon ang kuwento na aming ibinahagi sa araw na ito.






