top of page
Search
  • BULGAR
  • Mar 24, 2025

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Mar. 24, 2025



ISSUE #350


Kasama sa pag-usad ng panahon ang hindi maiiwasang pag-unlad sa larangan ng agham at teknolohiya. 


Maging ang pamamaraan ng paglutas ng krimen ay ginagamitan na rin ng mga modernong teknolohiya at teknik upang makatulong. 


Gayunpaman, kasabay sa paggamit ng mga nasabing modernong pamamaraan ay ang katanungan, “Gaano ba katumpak at maaasahan ang nasabing modernong pamamaraan?”

Sa araw na ito, ating suriin ang naging paglilinaw ng hukuman para sa mga apela o Court of Appeals, sa nasabing katanungan kaugnay sa isa sa mga kasong nahawakan ng ating tanggapan.


Sa kasong People v. Sevilla (CA-G.R. CR HC No. 041, Enero 31, 2025) sa panulat ni Honorable Associate Justice Rogelio G. Lagro, ating tingnan kung paano ang daing ng isa sa ating mga kliyente na itago na lamang natin sa pangalang ‘Danny’, ay pinal na natuldukan nang siya ay mapawalang-sala mula sa kasong nagmula sa akusasyon ng pagpaslang o murder. 


Bilang pagbabahagi ng mga pangyayari, ating suriin ang naging paglalahad mula sa bersyon ng tagausig. 


Sa buod ng nag-iisang testigo ng tagausig, noong ika- 22 ng Abril 2017, bandang alas-8:00 ng gabi, si Grasya, hindi nito tunay na pangalan, ay lulan ng isang sasakyan kasama ang kanyang lolo, at ang biktima na itatago na lamang natin sa pangalan na ‘Joping’. 

Ang naturang biktima na si Joping ang nagmamaneho ng sasakyan, habang nasa likurang bahagi naman si Grasya.


Paalis na mula sa tindahan ng kanyang tito sila Grasya nang bigla umano silang nilapitan nang hindi pa nakikilalang lalaki na kinalaunan ay tinuturo ng tagausig na si Danny.


Ayon kay Grasya, hindi nagtagal ay binaril umano ni Danny ang biktima na si Joping. Nagawa pang makatakbo ni Joping, subalit nang makita ito ni Danny ay muli niyang pinaputukan ang biktima na nauwi sa pagkakabangga ng sasakyan sa poste.


Matapos ang pamamaril, ayon kay Grasya ay sumakay sa isang motor si Danny at agad namang itinakbo sa ospital si Joping, subalit ito ay idineklarang dead-on-arrival o DOA. 

Noong Mayo 1, 2017, si Grasya ay nagtungo sa Regional Crime Laboratory upang ilarawan sa mga pulis ang namaril kay Joping sa tulong na tinatawag na computerized facial composite o CFC. Ang CFC ay isang kagamitan na ginagamit sa mga kriminal na pagsisiyasat upang makabuo ng larawan batay sa saksi, at karaniwang gumagamit ng software upang lumikha ng isang pinagsama-samang larawan.


Noong Mayo 8, 2017, nagtungo ang mga pulis sa tahanan ni Grasya upang magpakita ng mga larawan ng iba’t ibang tao. 


Matapos ituro ni Grasya ang larawan ng akusado bilang aniya’y bumaril kay Joping, ipinaalam ng mga pulis kay Grasya ang pagkakakilanlan ng lalaki sa larawan ni Danny. 

Laban sa mga nabanggit na alegasyon ay mariing itinanggi ni Danny ang akusasyon na pagpaslang kay Joping.


Matapos ang paglilitis, hinatulan ng Regional Trial Court o RTC sa akusasyon ng pagpaslang o murder si Danny. Ayon sa RTC, napatunayan ang lahat ng rekisito sa krimeng murder at ang saksi ng tagausig ay positibong natukoy ang pagkakakilanlan ng akusado.


Inakyat sa Court of Appeals o CA sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan Lyerra Palutke mula sa aming PAO-Regional Special and Appealed Cases Unit (PAO-RSACU) Visayas ang kaso ni Danny. 


Muling itinanggi ni Danny ang akusasyon laban sa kanya at muling iginiit na hindi malinaw na natukoy ng tagausig ang pagkakakilanlan ng salarin bilang aktor sa pamamaril kay Joping.


Tulad ng ating unang nabanggit, sa desisyon na may petsang Enero 31, 2025, pinal na tinuldukan ng CA ang daing ni Danny nang siya ay mapawalang-sala.


Ayon sa CA, nakatakda ang tuntunin na ang isang kasong kriminal ay umaangat at bumabagsak sa lakas ng ebidensiya ng tagausig at hindi sa kahinaan ng depensa. Obligasyon ng tagausig na mapatunayan ang pagkakakilanlan ng akusado, at ang pagpalya sa gampanin na ito ay nagbibigay katuwiran sa hatol ng pagpapawalang-sala.


May mga pagkakataon kung saan pinanatili ng Korte Suprema ang isang hatol batay sa "positibong pagkilala" ng isang saksi sa salarin. Gayunpaman, sa pagtatalaga ng mga testimonya ng mga saksi na tumutukoy sa mga salarin, kinikilala ng Korte Suprema ang posibilidad ng pagkakamali ng alaala ng tao at ang pagiging sensitibo nito sa mga nakakaimpluwensiyang salik, na maaaring makaapekto sa pagiging maaasahan at katumpakan ng alaala ng isang saksi.


Dahil dito, ang Totality of Circumstances Test o pagsusuri ng kabuuan ng mga pangyayari ay pinagtibay na isinasaalang-alang ang mga sumusunod sa panuri kung maaasahan at katanggap-tanggap ang isang pagkilala sa labas ng korte:

(1) Ang pagkakataon ng saksi na makita ang kriminal sa oras ng krimen;

(2) Ang antas ng atensiyon ng saksi sa oras na iyon;

(3) Ang katumpakan ng anumang naunang paglalarawan na ibinigay ng saksi;

(4) Ang antas ng katiyakan na ipinakita ng saksi sa pagkilala;

(5) Ang tagal ng panahon sa pagitan ng krimen at pagkilala; at 

(6) Ang pagiging mapanlikha ng pamamaraan ng pagkilala.


Gamit ang nasabing pamantayan sa kasong ito ni Danny, hindi napatunayan ng tagausig ang pagkakakilanlan ng akusado nang lampas sa makatuwirang pagdududa.

Una, hindi nagbigay si Grasya ng paglalarawan sa sinasabing salarin alinman sa mga panahon pagkatapos ng insidente, o bago ang pagkilala sa labas ng korte. Ang buong testimonya niya ay walang anumang detalye tungkol sa pisikal na katangian, damit, o asal ng salarin, at wala ring kahit pangkalahatang paglalarawan.


Pangalawa, hindi rin binanggit ni Grasya ang anumang paglalarawan ng sinasabing salarin sa kanyang sinumpaang salaysay na may petsang Mayo 14, 2017.


Pangatlo, malinaw na maging ang testimonya ng pulisya ay tahimik sa paglalarawan sa mukha na ibinigay ni Grasya tungkol sa akusado. Sa katunayan, walang testimonya kung paano inilarawan ni Grasya ang ulo, mata, tainga, ilong o damit ng akusado, bukod sa iba pang detalye. Sa kasong ito, inilarawan lamang ang pamamaraan sa pagkuha ng computerized facial composite o CFC. Kaya ayon sa CA, ang nasabing CFC ay hindi sumunod sa tamang proseso dahil nakalimutan ni Grasya na suriin ang isang indicator para sa kanyang pagsusuri.


Ibinahagi ng CA ang kasong People v. Torres, kung saan nagpasya ang Korte Suprema na sa kabila ng mga cartographic sketches o kartograpikong guhit na maaaring nakatulong sa pagkilala sa salarin, ang kawalan ng anumang karagdagang naunang paglalarawan ng salarin ay naging sanhi ng pagkabigo sa pagkilalang ginawa sa labas ng hukuman o out-of-court identification ng akusado.


Idinagdag din ng CA na kapansin-pansin na bagaman ang krimen ay nangyari noong Abril 20, 2017, tumulong lamang si Grasya sa paghahanda ng facial composite sketch noong Mayo 1, 2017, at gumawa ng out-of-court identification noong Mayo 7, 2017. Sa madaling salita, may makabuluhang tagal ng panahon ang lumipas sa pagitan ng pagsasagawa ng krimen at ng out-of-court identification na nagdudulot ng seryosong pagdududa sa alaala ni Grasya tungkol sa pagkakakilanlan ng salarin. 


Dahil dito, ang positibong pagkilala ni Grasya sa akusado ay hindi makatutugon sa dami ng ebidensiyang kinakailangan na lampas sa makatuwirang pagdududa upang magbigay ng hatol sa may sala.


Bilang panghuli, binigyang-diin ng CA na kahit tunay na nagsisikap ang mga saksi upang makita ang mukha ng salarin, ang kanilang mga testimonya ay dapat pa ring kunin nang may pag-iingat at isaalang-alang sa mga kalagayan na kaakibat ng kaso.


Kaya, sa paglalapat ng pagsusuri ng kabuuan sa mga pangyayari sa kasong ito, natuklasan ng hukuman na walang positibo at tiyak na pagkakakilanlan ang inakusahan bilang salarin ng krimen. Ang pagkakakilanlan na ginawa ni Grasya ay hindi mapagkakatiwalaan, at dahil dito, hindi ito dapat bigyan ng buong timbang at kredibilidad.


Samakatuwid, pinahihintulutan man ng ating mga hukuman ang paggamit ng mga modernong pamamaraan at teknolohiya tulad ng computerized facial composite o maging ang cartographic sketches sa paglutas ng mga krimen, binigyang-linaw naman sa kasong ito na hindi maaaring panindigan ng Korte ang pagkakasala ng inakusahan batay lamang sa produkto ng nasabing pamamaraan, lalo na kung may makatuwirang pagdududa. Sapagkat, pamamaraan lang sa pagsisiyasat ang maaaring mabago at hindi ang rekisito na sa bawat kasong kriminal, ang salarin at pagkakasala ay nararapat na mapatunayan ng panig ng tagausig, gamit ang patunay na lampas sa makatuwirang pagdududa.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Mar. 17, 2025



ISSUE #349


Hangad ng bawat isa sa atin na ang bawat krimen ay malutas upang makamit ang hustisya na inaasam. Subalit, ang paghahangad ng hustisya para sa biktima ay hindi nangangahulugan na ang karapatan ng inaakusahan ay mapabayaan.


Ano nga ba ang epekto sa kasong kriminal kung maisantabi ang karapatan ng inaakusahan? Sabay-sabay nating tunghayan ang kuwento ni Heneroso, ang biktima, at ni Anselmo, ang isa sa mga inakusahan, hango sa kasong People of the Philippines vs. Anselmo Edullantes y Fernandez and Peter Baranggan y Navarez (Accused), Anselmo Edullantes y Fernandez (Accused-Appellant) (CA-G.R. CR NO. 01565-MIN, January 24, 2019), upang ating maintindihan ang kahalagahan hindi lamang ng pakikipaglaban upang makamit ang hustisya para sa biktima, bagkus pati na rin ang pagkilala sa karapatan ng inaakusahan, nang sa gayun ay hindi mauwi sa wala ang daing at pakikipaglaban para sa katarungan.


Ang kasong ito ay mula sa panulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Edgardo A. Camello.Kasong murder ang kinaharap ni Anselmo sa Regional Trial Court (RTC) ng Tangub City. Siya ay pinaratangan na kasabwat diumano ng nagngangalang Peter sa pamamaslang sa biktima na si Heneroso. Naganap diumano ang malagim na krimen bandang alas-10:30 ng umaga, noong ika-31 ng Mayo 2014, sa Brgy. Taguite, Tangub City. 


Biglaan umanong sinalakay, sinaksak at tinaga nina Anselmo at Peter ang noon ay hindi-armado na biktima. Ang mga sugat na tinamo ng biktima ang naging sanhi ng daglian nitong pagpanaw.Gayunpaman, not guilty ang naging pagsamo ni Anselmo sa hukuman.


Batay sa bersyon ng panig ng tagausig, nakatanggap diumano ng ulat si Brgy. Chairman Cardenas, na nawawala si Heneroso. Agad na nagsagawa umano ng paghahanap kay Heneroso, subalit hindi siya natagpuan. Gayunpaman, nakatanggap umano ng ulat si Brgy. Chairman Cardenas mula sa kapatid ni Anselmo na pinaslang diumano ni Peter si Heneroso.


Nagsagawa umano ng imbestigasyon si Brgy. Chairman Cardenas, na kalaunan ay inamin umano ni Peter na pinaslang nila Anselmo si Heneroso. Inilahad din umano ni Peter kung saan matatagpuan ang katawan ng biktima. Hinukay diumano noong gabing iyon ang bangkay ng biktima na naroon mismo si Anselmo.


Matapos makuha ang naturang bangkay, nag-usap diumano sina Brgy. Chairman Cardenas at Anselmo sa bahay ng biktima. Dito ay inamin umano ni Anselmo na sila ni Peter ang may-akda sa pamamaslang sa biktima.


Sa isinagawa ni Dr. Tilao, Medical Officer III ng Doña Maria District Hospital, na post mortem examination sa nahukay na bangkay, napag-alaman na nagtamo ng maraming saksak ang biktima na siyang naging sanhi ng pagpanaw nito.


Matapos ang tatlong taon na pagdinig, nagbaba ng hatol ang RTC. Guilty sa paratang na pamamaslang si Anselmo. Siya ay pinatawan ng parusa na pagkakakulong na hindi bababa sa walong taon at isang araw hanggang labing-pitong taon at isang araw. Siya ay inutusan din ng hukuman na magbayad ng halagang P50,000.00 bilang civil indemnity at P50,000.00 bilang moral damages.


Nang dahil du’n, nananatiling at-large si Peter at ipinag-utos ng hukuman na mai-archive ang kaso laban sa kanya subalit maaaring buhaying muli sa oras na siya ay madakip.


Hindi tanggap ni Anselmo ang hatol sa kanya ng mababang hukuman, kung kaya’t agad siyang naghain ng kanyang apela. Siya ay inireprisinta sa Court of Appeals (CA) Cagayan de Oro City ni Manananggol Pambayan V.M.A.P. Villo-Murillo ng aming PAO-Regional Special and Appealed Cases Unit (PAO-RSACU) – Mindanao. 


Iginiit ng depensa na mali ang ibinabang desisyon ng mababang hukuman sapagkat hindi umano sapat ang circumstantial evidence na inihayag at inihain ng tagausig upang patunayan ang pagkakasala ni Anselmo nang higit pa sa makatuwirang pagdududa. Binigyang-diin pa ng depensa na hindi maaaring tanggapin ang ginawa na pag-amin ni Anselmo sa krimen, sapagkat siya ay hindi inasistihan ng abogado nang gawin niya ang nasabing pag-amin.


Mabusisi muling inaral ng hukuman ng mga apela ang kaso ni Anselmo. Sa inilabas na desisyon, ipinaliwanag ng CA Cagayan de Oro City na ang kawalan ng direktang ebidensiya ay hindi balakid upang mahatulan ng conviction ang isang akusado. Kahit ang circumstantial evidence ay maaaring magsilbi na patunay ng pagkakasala ng akusado, kinakailangan lamang na ang mga ito ay kapani-paniwala at sapat na tumutukoy sa naganap na krimen at sa partisipasyon ng taong inaakusahan.


Sa kaso umano ni Anselmo, naging kapuna-puna sa CA Cagayan de Oro City na walang nakakita sa krimen. Maliban sa pag-amin sa krimen na ginawa ni Anselmo, pawang circumstantial evidence na umano ang iniharap ng tagausig sa hukuman. Nahatulan diumano ng RTC si Anselmo, sapagkat kinonsidera ng mababang hukuman ang naturang pag-amin bilang kusang-loob na pahayag na ginawa sa ordinaryo na pamamaraan at hindi dahil hiningi o kinuha ito kay Anselmo ng kapulisan o otoridad.


Subalit, binigyang-diin ng appellate court na ang barangay chairman, sa ilalim ng Section 389, Chapter 3, Title One, Book III, Local Government Code of 1991, as amended, ay tagapagpatupad ng mga batas at ordinansa sa barangay na nasasakupan nito upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lahat ng oras. Kaugnay nito, itinuturing diumano ang barangay chairman na person in authority sa ilalim ng Artikulo 152 ng Revised Penal Code.


Kung kaya’t noong kausapin diumano ni Brgy. Chairman Cardenas si Anselmo kaugnay sa partisipasyon nito sa pamamaslang kay Heneroso, sa presensiya rin ng mga kapulisan, sumailalim na diumano si Anselmo sa custodial investigation, na kung saan dapat siya ay inasistihan at pinayuhan ng abogado na kanyang mismong napili.


Ang right to counsel ay isa sa mga karapatan ng akusado na ginagarantiyahan sa ilalim ng ating Saligang Batas, at ang hindi pagkilala at pagpapatupad sa nasabing karapatan ay maaaring magbunga sa hindi pagtanggap ng anumang ebidensiya na makuha laban sa kanya.


Partikular sa Artikulo III, Section 12 ng ating 1987 Philippine Constitution:

“Section 12. (1) Any person under investigation for the commission of an offense shall have the right to be informed of his right to remain silent and to have competent and independent counsel preferably his own choice. If the person cannot afford the services of counsel, he must be provided with one. These rights cannot be waived except in writing and in the presence of counsel.Any confession or admission obtained in violation of this or Section 17 hereof shall be inadmissible in evidence against him.”


Dagdag pa ng CA Cagayan de Oro City, ang pagkilala sa right to counsel ng isang akusado ay dapat ipatupad sa bawat yugto ng imbestigasyon – mula sa simula hanggang sa matapos ito. At ang abogado niya ay dapat independent at competent. Ang patuloy na presensiya ng nasabing abogado ay mahalaga upang masiguro na mapoprotektahan ang karapatan ng akusado at anumang pag-amin o kanyang sabihin ay malaya at kusang-loob niyang ginawa.


Ipinaalala ng appellate court, sa panulat ni Honorable Court of Appeals – Cagayan de Oro City Associate Justice Edgardo A. Camello ng Twenty-First Division: 

“An extra-judicial confession to be admissible in evidence must be express and voluntarily executed in writing with the assistance of an independent and competent counsel and a person under custodial investigation must be continuously assisted by counsel from the very start thereof. The presence of counsel is intended to secure the voluntariness of the extra-judicial confession. The presence of a lawyer alone, will not suffice to fulfill the requirement of the constitutional provision. The assistance of counsel must be independent and competent, that is, providing full protection to the constitutional rights of the accused. A lawyer who simply goes through the motions of reciting the rights of the accused, or acts as a witness to a prepared document containing the extra-judicial confession of the accused or holds an interest contrary to that of the accused does not qualify as independent and competent counsel.” 


Sa kaso umano ni Anselmo, siya ay umamin kay Brgy. Chairman Cardenas at sa presensiya ng mga kapulisan ukol sa pamamaslang nila ni Peter sa biktima, hanggang sa naganap na paghuhukay sa bangkay ng biktima, nang walang presensiya at tulong ng isang abogado. Dahil dito, ayon sa CA Cagayan de Oro City, hindi maaaring tanggapin bilang ebidensiya, o inadmissible as evidence, ang ginawang pag-amin ni Anselmo. Kahit pa umano isapantaha na totoo na ginawa nila ang krimen at malaya nila na inamin ito.


Gayundin, ayon sa appellate court, ang mga nakalap sa isinagawa na paghuhukay sa bangkay ng biktima ay hindi maaaring tanggapin bilang ebidensiya laban kay Anselmo. Bahagi ng naging pag-amin ni Anselmo ay ang pagtukoy ng lugar kung saan natagpuan ang bangkay ng biktima.  Dahil ang ginawa na pag-amin ni Anselmo ay labag sa kanyang karapatan, lahat ng bunga nito ay hindi maaaring gamitin laban sa kanya o itinuturing bilang fruit of the poisonous tree at hindi rin maaaring tanggapin ang pag-amin ni Anselmo at ang mga ebidensiya na nakalap kaugnay nito. Lumalabas na wala umano kahit na anong ebidensiya ang naihain ng panig ng tagausig laban kay Anselmo.


Kung kaya’t, sa ibinaba na desisyon ng CA Cagayan de Oro City na may petsa ika-24 ng Enero 2019, minarapat ng hukuman ng mga apela na ipawalang-sala si Anselmo. 


Binigyang-diin ng appellate court na hindi sila bulag sa hinagpis ng mga naulila ng biktima bunsod ng hindi inaasahan na pagpanaw ng huli. Gayunpaman, kinakailangan umano na kilalanin at ipatupad ang karapatan ng inakusahan na ginagarantiyahan ng ating Saligang Batas. Nawa ay magsilbi umanong aral ito para sa ating mga kapulisan at iba pang mga tagapagpatupad ng batas, maging sa mga tagausig na gampanan ang kanilang mga sinumpaang tungkulin nang merong lubos na pagsasaalang-alang sa mandato ng ating Saligang Batas.


Marahil ay wala nang sasakit pa na mawalay nang tuluyan sa iyong mahal sa buhay, lalo’t higit kung kinitil ang kanyang buhay sa isang marahas na krimen. Walang maaaring sumisi sa mga naulila ni Heneroso kung sumagi man sa kanilang isipan na sila ay napagkaitan ng inaasam na katarungan dahil sa naging pagpapawalang-sala kay Anselmo. Subalit sana ay maintindihan din nila na tungkulin ng hukuman ng mga apela na masinsinang pag-aralan ang bawat kaso na iniaakyat sa kanila at siguraduhin na maihatid ang akmang hustisya.


Nawa rin, tulad ng ipinahayag ng CA Cagayan de Oro City, maging higit na maingat ang ating mga otoridad sa pagpapatupad ng batas, lalo na sa karapatan ng bawat mamamayan upang hindi masayang at mawalan ng saysay ang daing at pakikipaglaban ng biktima o ng kanyang pamilya para sa hustisya.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Mar. 10, 2025



ISSUE #348


Paano kung bigla kang nakarinig ng mga sigaw na, “Magnanakaw, magnanakaw!” At kasunod ay may mga komosyon at habulan na nasaksihan mo, kung saan kinuyog ng maraming tao ang pinaghihinalaang kawatan? At paano kung ang sitwasyon ay nauwi pa sa hindi inaasahang kasawian ng naturang pinaghihinalaang kawatan? 


Maaari nga bang managot sa pagkamatay ng naturang kawatan ang sinumang naiturong nakisuntok?


Sa araw na ito, ating suriin ang naging paglilinaw ng hukuman para sa mga apela o Court of Appeals, sa nasabing katanungan kaugnay sa isa sa mga kasong nahawakan ng ating tanggapan.


Sa kasong People v. Ligalig, et al. (CA-G.R. CR HC No. 019xx-MIN, Hunyo 18, 2020), sa panulat ni Honorable Associate Justice Angelene Mary W. Quimpo-Sale, ating tingnan kung paano ang daing ng isa sa ating mga kliyente na itago na lamang natin sa pangalang “Caloy,” ay pinal na natuldukan nang siya ay mapawalang-sala mula sa kasong nagmula sa akusasyon ng pagpaslang o murder.


Bilang pagbabahagi ng mga pangyayari, ating suriin ang naging paglalahad mula sa bersyon ng panig ng tagausig.


Sa buod ng mga testigo ng tagausig, noong ika-2 ng Marso 2010, bandang alas-2:00 ng hapon, sa loob ng bus terminal, namataan ang biktima na itago na lamang natin sa pangalang Boogie, na may kausap na isang Maranao trader. Narinig ng saksi na sinabihan ng Maranao trader si Boogie na ibalik ang isang bagay, subalit tumakbo ang huli at dito na nag-umpisang sumigaw ang mga tao ng, “Magnanakaw, magnanakaw!”


Si Boogie ay hinabol ng ilang bystanders, na kalaunan ay nakilalang si Caloy. Tumakbo si Boogie palabas ng bus terminal patungo sa pampublikong palengke, kung saan na-corner siya ni Caloy at ng kanyang mga kapwa-akusado. Naabutan nila at nilapitan ang biktima at pinaghahampas hanggang sa matumba.


Dahil sa awa, nilapitan ni Pedro, hindi nito tunay na pangalan, si Boogie at nang makitang umaagos ang dugo sa noo, agad itong umalis sa takot na baka madamay siya sa krimen.


Iniligtas ni Ricky, hindi nito tunay na pangalan, ang biktima at itinago sa loob ng isang hardware store. Iniulat niya ang insidente sa mga otoridad na dumating at agad na dinala ang biktima sa ospital kung saan siya namatay.


Kinasuhan si Caloy, habang hindi pa nahuhuli ang ilan sa mga kapwa pinaghihinalaang kasamahan sa krimeng pagpaslang o murder kaugnay sa pagkamatay ni Boogie.

 

Hindi agad naaresto si Caloy at siya’y nadakip na lamang habang nililitis na ang kaso ng ilan pa sa kapwa niya akusado. Dahil dito, hindi nabigyan ng maayos na pagkakakilanlan si Caloy bilang isa sa mga salarin sa hukuman.Gayunpaman, iginiit ni Caloy na wala siyang kinalaman sa pagkamatay ni Boogie at naghahanapbuhay lamang siya noong mga panahong iyon.Matapos ang paglilitis, hinatulan ng Regional Trial Court (RTC) si Caloy sa krimeng pagpaslang o murder.


Kaugnay sa nabanggit, inakyat sa Court of Appeals o CA sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan Soraya Laut mula sa aming PAO-Regional Special and Appealed Cases Unit (PAO-RSACU) Mindanao ang kaso ni Caloy.


Iginiit ni Caloy na ‘di malinaw na natukoy ng tagausig ang pagkakakilanlan ng salarin bilang aktor sa pambubugbog kay Boogie at ang salarin sa kanyang pagkasawi.

Tulad ng ating unang nabanggit, sa desisyon na may petsang ika-18 ng Hunyo 2020, pinal na tinuldukan ng CA ang daing ni Caloy nang siya ay mapawalang-sala. 


Ayon sa CA, habang ang parehong mga saksi ng tagausig na sina Pedro at Ricky ay nagpahayag na kilala nila ang lahat ng akusado sa kasong ito dahil sila ay mga bystanders sa terminal ng bus, hindi malinaw sa kanilang mga testimonya na si Caloy ay isa nga sa mga naging sanhi ng pagkamatay ng biktimang si Boogie.


Ayon sa salaysay ni Pedro, tumakbo ang biktima patungo sa Taboan Market at nakita niya ang Maranao na hinahabol ang biktima. 


Sa kanyang direktang pagsusuri, kinilala ni Pedro ang mga Maranao bilang kapwa akusado ni Caloy. Gayunpaman, hindi talaga nakita ni Pedro kung si Caloy ang mismong humabol sa biktima at kung ipinagpatuloy ang pambubugbog sa kanya dahil umalis si Pedro sa eksena nang siya ay bumalik sa terminal ng bus.


Sa kabilang banda, tahasang pinangalanan ni Ricky si Caloy bilang isa sa mga nanakit sa biktima sa Taboan Market. Sa kabila ng testimonya na ito, nabigo ang prosekusyon na gumawa ng tamang pagkakakilanlan kay Caloy bilang isa sa mga may kasalanan ng krimen sa kanyang paglilitis. Ang wastong pagkakakilanlan na ito ay mahalaga kung isasaalang-alang na sa panahong iyon si Caloy ay nasa labas at hindi pa nahuhuli, kaya naman hindi pa nasa ilalim ng hurisdiksyon ng korte.


Samakatuwid, bigo upang maitaguyod ang isa sa mahahalagang elemento ng krimen, ang pagkakakilanlan ng pumaslang at kung si Caloy ba mismo ang lumahok at naging sanhi ng pagkamatay ng biktimang si Boogie. Sa madaling salita, ang pagkakakilanlan ng akusado bilang isa sa mga naging sanhi ng pagkamatay ng biktima ay hindi napatunayan.


Muli at upang bigyang-diin, sa pamamagitan ng tagausig ay may pasanin na patunayan ang pagkakakilanlan ng akusado at ang kanyang aktuwal na paggawa ng pagkakasala.


Ang mga katotohanang ito ay dapat patunayan ng pag-uusig nang lampas sa makatuwirang pagdududa sa lakas ng ebidensiya nito at hindi sa kahinaan ng depensa.


Sa maraming pagkakataon ay nabanggit na hindi sagot sa isang pagkakamali ang isa pang pagkakamali. Tunay man o hindi na nagawa ni Boogie ang krimeng pagnanakaw, malinaw na mali na dalhin sa sariling mga kamay sa pamamagitan ng pambubugbog ang kaparusahan at hustisya. Sa katunayan, ang kinatatakutan kung bakit hindi ito pinapahintulutan ay nangyari gawa sa nangyaring pagkamatay ng aniya ay nagnakaw at naging biktima na si Boogie.


Gayunpaman, naiwasan ang potensiyal na karagdagang daing at pagkakamali nang mapawalang-sala si Caloy sa kasalanang ibinintang sa kanya na base lamang sa pagtuturo at ayon lamang sa espekulasyon.


Lumabas sa mga inihaing ebidensiya na hindi naman mismong nasaksihan ng mga saksi ng tagausig ang espisipikong akto ng pananakit na siya umanong naging sanhi ng pinaghihinalaang pagkapaslang kay Boogie.


Sa kabila ng natugunang daing ni Caloy na siyang naging aral, patuloy ang ating mga dasal para sa kaluluwa ni Boogie na siyang dumadaing magpahanggang sa ngayon.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page