top of page
Search

ni Lolet Abania | December 4, 2021



Isinailalim ang mga guro mula sa pampublikong paaralan sa Quezon City na nakatakdang makibahagi sa pilot run ng limitadong face-to-face classes sa susunod na linggo, sa antigen tests sa COVID-19 ngayong Sabado.


Nasa tinatayang 200 guro mula sa Payatas B Annex Elementary Schools ang na-tests ng Sabado ng umaga. Sa ngayon, wala ni isa sa mga guro ang nagpositibo sa virus matapos ang kanilang COVID-19 testing.


Sa hapon naman ng Sabado, ang mga guro mula sa Bagong Silangan Elementary School sa Quezon City ang isinailalim din sa antigen tests sa COVID-19.


Ang pagsasailalim sa COVID-19 testing sa mga guro ay bahagi ng measures na isinasagawa para sa paghahanda sa pilot run ng limitadong face-to-face classes na nakatakdang simulan sa Lunes, Disyembre 6.


Gayundin, para masiguro na ang mga guro ay walang COVID-19 at tiyakin sa mga magulang na ang kanilang mga anak ay magiging ligtas sa pagpasok nila sa mga klase.


Sa Lunes, 28 paaralan sa Metro Manila ang makikibahagi sa pilot run ng face-to-face classes.


Nitong Huwebes, inanunsiyo ng Department of Education (DepEd) na 177 eskuwelahan, kabilang na ang 28 public schools sa Metro Manila, ang sasali sa pilot run ng in-person classes.


Ang karagdagang ito ang nanguna sa 118 paaralan na inisyal na inaprubahan ng DepEd para isagawa ang limitadong face-to-face classes noong Nobyembre.


Matatandaang sinimulan noong Nobyembre 15 ang pilot testing ng face-to-face classes sa maraming lugar sa bansa sa gitna ng COVID-19 pandemic, kung saan 100 public schools, na nagpatupad ng mahigpit na health protocols, ang nakibahagi.


Habang 18 private schools naman mula rin sa maraming lugar sa buong bansa na nasa low risk sa COVID-19 ang nagsimula ng kanilang pilot face-to-face classes noong Nobyembre 22.


Ayon sa DepEd, ang tinatawag na assessment period para sa initial run ng pilot face-to-face classes ay hanggang Disyembre 22, 2021. Ang pilot study naman ay nakatakdang magtapos sa Enero 31, 2022.


 
 

ni Lolet Abania | December 4, 2021



Umabot sa kabuuang 9,937,827 indibidwal ang nabakunahan kontra-COVID-19 sa ginawang pagpapalawig ng gobyerno sa nationwide vaccination drive hanggang Disyembre 3, ayon sa Department of Health.


Sa Laging Handa briefing ngayong Sabado, sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang 3-day vaccination drive na isinagawa mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1 ay nakapagtala ng 8.01 milyong indibidwal na nabakunahan laban sa COVID-19.


Habang ang 2-day extension na mula Disyembre 2 hanggang 3 ay nasa 1.9 milyong indibidwal na nakatanggap ng COVID-19 vaccine. Nakapagtala naman ng pinakamataas na bilang na 2.82 milyon ang nabakunahan laban sa COVID-19 sa isang araw.


“The national vaccination day was a huge success,” ani Vergeire. Ayon kay Vergeire, ang lahat ng lugar sa bansa na nasa ilalim ng Alert Level 2, sa mga rehiyon na nasa “low risk” o “minimal risk” ang tumanggap ng COVID-19 vaccine.


Samantala, plano ng gobyerno na magsagawa ng isa pang 3-araw na pagbabakuna kontra-COVID-19 na posibleng mangyari sa Disyembre 15 hanggang 17.


 
 

ni Lolet Abania | December 3, 2021



Nakapuwesto sa pang-apat ang Pilipinas mula sa mga bansang may pinakamataas na bilang ng COVID-19 vaccinations sa loob ng isang araw na may 2.7 milyon doses na na-administer, ayon sa Department of Health (DOH).


Base sa Our World in Data, sinabi ng DOH na nakapag-administer ang bansa ng tinatayang 2.7 milyon doses noong Nobyembre 29, kung saan tinalo ang Brazil na nakapagbigay ng 2.6 milyon doses sa isang araw.


Ang China ang nakakuha ng top spot na 22 milyon, kasunod ang India na 10 milyon at ang United States na may 3.4 milyon. “But if you’re going to look at this in terms of population, number one tayo kasi 110 million lang tayo… India and China na nasa one billion ang population.


Kaya I hope we are able to sustain the momentum,” sabi ni DOH Secretary Francisco Duque III sa isang statement.


Hinimok din ni Duque ang publiko na ipagpatuloy ang tinatawag na spirit of solidarity at Bayanihan.


“This is a strength. This is a value that we all need to cherish because it is what will inspire us. It is what will strengthen and energize all of us to finally win the war against COVID-19,” ani Duque.


Una nang sinabi ng National Vaccination Operations Center (NVOC) na ang gobyerno ay nakapagbakuna kontra-COVID-19 ng tinatayang 8 milyong indibidwal sa isinagawang 3-day national vaccination drive noong Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1.


Samantala, ayon kay vaccine czar Carlito Galvez Jr., nakamit ng gobyerno ang kanilang target na mabakunahan ang 70% ng populasyon ng bansa ng kahit isa dose lamang.


Sa datos ng National Task Force Against COVID-19, lumabas na nasa kabuuang 55,415,753 indibidwal o 71.84% ang nakatanggap ng tinatayang isang dose hanggang nitong Disyembre 1. Sa bilang na ito, 36,869,419 ay fully vaccinated na laban sa virus.


“Our new milestone is a testament to the strength and efficiency of our national vaccination program,” sabi ni Galvez.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page