top of page
Search

ni Lolet Abania | December 12, 2021



Ipinahayag ng Philippine Genome Center (PGC) ngayong Linggo na lahat ng samples sequenced noong Nobyembre at Disyembre mula sa mga biyahero na galing sa mga bansang apektado ng Omicron variant ay lumabas na mga kaso ng Delta COVID-19 variant, bukod sa isa na nagkaroon ng B.1.1.203 variant.


“Last week, we sequenced about 574 and doon sa ating nai-sequence na ‘yon, puros naman ‘yon Delta. Tapos, gumawa rin tayo ng kung baga emergency run kasi may mga samples na nanggaling sa airport, at sa ating lumabas na sequencing, halos lahat naman doon Delta except na merong B.1.1.203,” sabi ni PGC Executive Director Dr. Cynthia Saloma sa isang radio interview.


Gayunman, nilinaw ni Saloma na ang B.1.1.203 variant ay hindi isang variant of concern o kaya variant of interest, maliban sa ito ay nagmula sa “B lineage.”


“’Pag sinabi natin kasi na lineage na hindi naman variant of concern, most likely hindi naman siya nagko-contain ng mutations na concerning,” paliwanag ng opisyal.


“It’s a B.1.1.203, but it’s not classified as either a variant of concern or variant of interest sa dahilan na hindi naman siya nagkakaroon ng mga mutations kung saan parang you would think na meron siyang changes in transmissibility, wala namang ganoon,” dagdag niya.


Nitong Sabado, sinabi ng Department of Health (DOH) na wala sa mahigit 250 travelers mula sa South Africa na dumating sa bansa noong Nobyembre 15 hanggang 29 na nagpositibo sa test sa Omicron variant.


Giit naman ng DOH na ang naturang biyahero ay na-detect na may B.1.1.203 COVID-19 variant na dumating sa Pilipinas noong Nobyembre 16 at lumabas ang kanyang test result noong Nobyembre 21.


Ayon pa kay Saloma, ang sequencing ng PGC ay hindi lamang nanggagaling sa mga airports kundi sa mga rehiyon na mayroong clusters ng infections na aniya, karamihan ay Delta variants.


Matatandaang noong Agosto 16, sinabi ni Saloma na nalagpasan o nahigitan na ng mas nakahahawang Delta variant ang iba pang variants na na-detect sa Pilipinas at kinokonsidera na ngayon bilang dominant variant sa bansa.


Gayunman, ayon kay Saloma, hindi pa ligtas na sabihin na ang ibang variants na nag-e-evolve matapos ang Delta variant ay less severe hangga’t walang sapat na clinical data.


“Kaya kailangan talaga nating pag-aralan nang mabuti. That’s why nakita natin, for example, itong Omicron with so many mutations in the spike region. Ito ang sinasabi nating ‘the most evolved SARS-CoV-2 virus today’ itong Omicron kasi mga 50 mutations,” sabi pa ni Saloma.

 
 

ni Lolet Abania | December 12, 2021



Nagsumite na ang Pfizer noong nakaraang linggo ng aplikasyon para sa emergency use authorization (EUA) ng kanilang COVID-19 vaccine para sa mga batang edad 5 hanggang 11.


“Sa ngayon meron tayong application galing sa Pfizer for 5-11 years old. Sinubmit nila ito last week,” ani Food and Drug Administration Director General Eric Domingo sa isang radio interview ngayong Linggo.


“Ito ang ine-evaluate ngayon ng ating vaccine experts,” saad ng opisyal.


“So may possibility na baka mabigyan ng EUA before the end of the year,” sabi pa ni Domingo.


Plano ng gobyerno na palawakin ang pediatric vaccination kontra-COVID-19 sa mga batang edad 5 hanggang 11sa Enero 2022.


Sinabi naman ng FDA chief na ang Moderna ay hindi pa nakapag-apply ng kanilang EUA ng COVID-19 vaccine na magagamit para sa mga batang edad 5 hanggang 11.


"Sa ngayon wala pa tayong natatanggap na application from Moderna. Hindi pa sila nagbibigay ng clinical trial data nila on children below 12,” wika ni Domingo.


“Hanggang 12 years old pa lang ang sinubmit nila sa atin. Hindi pa natin mabibigyan ng permit ‘yan for use in children below 11 years old,” ani opisyal.


Ang Pfizer COVID-19 vaccine ay inaprubahan nang gamitin para sa edad 5 hanggang 11 sa mga bansang gaya ng US, Canada, Europe, and Australia.


“’Yun ang maganda, na nagagamit sa ibang bansa, at makakakita tayo ng real world data outside clinical trial at nakita natin ang safety at efficacy niya,” paliwanag ni Domingo.


Sa ngayon ayon kay Domingo, ang safety at monitoring data sa abroad na ipinapakita ng Pfizer COVID-19 vaccine ay wala namang serious adverse side effects sa mga nasabing kabataan.


“Maganda naman. In fact lower dose ang ginagamit sa mga bata dahil siyempre mas maliit 5-11 [years old]... Good, walang nakikita na anything unusual o signal na nakakangamba o nakakatakot. I’m quite confident na once ma-submit nila ang data, masa-satisfy ang mga experts,” sabi pa ni Domingo.

 
 

ni Lolet Abania | December 11, 2021



Pansamantalang maantala ang vaccination drive ng pamahalaan sa mga lugar na apektado ng masamang panahon, ayon sa National Task Force (NTF) Against COVID-19 official.


Sa isang radio interview kay NTF adviser Ted Herbosa ngayong Sabado, sinabi nitong mino-monitor nila ang weather disturbance na tatama sa Mindanao at makakaapekto sa ilang lugar sa bansa dahil sa gaganaping second round ng mass vaccination drive mula Disyembre 15 hanggang 17.


Alas-3:00 ng madaling-araw ngayong Sabado, namataan ang low pressure area (LPA) na matatagpuan sa layong 2,340 kilometro silangan ng Mindanao, kung saan nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility (PAR), batay sa ulat ng PAGASA.


Ayon sa PAGASA, ang LPA ay maaaring ma-develop na maging isang tropical cyclone sa loob ng 48 oras at posibleng pumasok sa PAR sa Martes. Bibigyan ito ng pangalang “Odette” kapag pumasok na sa bansa.


“In fact, may binabantayan kaming bagyo na baka pumasok sa PAR na sasabay doon sa ‘Bayanihan, Bakunahan’ so siyempre inaalagaan namin ‘yung supply ng mga bakuna at kung mawalan ng kuryente roon eh maging problema pa ‘yung cold storage,” paliwanag ni Herbosa.


“Baka i-hold namin para magprepara muna tayo para maprotektahan ‘yung mga bakuna.


Pangalawa, siyempre ‘yung safety ng mga gustong magpabakuna, kung baha ‘yan or malakas ang ulan eh, siyempre dapat ihinto ‘yung pagpapabakuna sa mga lugar na tatamaan at dadaanan nu’ng bagyo,” dagdag ni Herbosa.


Sinabi ni Herbosa na importante na ma-fully vaccinate ang pitong milyong indibidwal sa ikalawang round ng pagbabakuna kontra-COVID-19 sa gitna ng banta ng bagong Omicron COVID-19 variant.


Kaugnay nito, nakapagtala ang bansa ng 10.2 milyong indibidwal sa unang round ng vaccination drive mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 3.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page