top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | January 8, 2022



Nag-positibo sa random COVID-19 antigen test ang ilang pasahero ng Philippine National Railways (PNR).


Ayon sa report, 3 sa 9 na pasahero ang nag-positibo sa antigen test.


Ang mga pasaherong nag-positive ay dinadala sa holding area habang nakikipag-coordinate sa kani-kanilang LGU.


Ilang pasahero rin ang pumayag na sumailalim sa random at free testing bunsod ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.


“Okay naman po makapagpaganyan para malaman kung may virus or wala,” pahayag ng isang pasahero.


“Wala ka naman sintomas bakit ka naman magpapa-test 'di ba? Ang laking abala po,” sabi naman ng isa pang pasahero.


Imposible umanong maisailalim sa antigen test ang lahat ng nagiging pasahero ng PNR, ngunit ang resulta ng random testing ay isa lamang indikasyon na posibleng makahalubilo ng isang commuter ang mga indibidwal na may Covid na walang nararanasang sintomas.


Dahil dito, mahalaga pa rin na sundin ang minimum public health protocols habang nasa pampublikong transportasyon.

 
 

ni Lolet Abania | January 7, 2022



Target ng gobyerno na gawin ang pagbabakuna kontra-COVID-19 sa mga kabataang edad 5 hanggang 11 sa unang linggo ng Pebrero ngayong taon.


Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Myrna Cabotaje, hinihintay na lamang ng pamahalaan ang delivery ng doses ng Pfizer vaccine na inorder para sa pagbabakuna ng nasabing age group.


“Ang tinitingnan nating date, earliest first week of February, maumpisahan natin ‘yung pagbabakuna ng ating 5 to 11,” ani Cabotaje sa Laging Handa briefing ngayong Biyernes.


Binanggit naman ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na posibleng dumating ang first tranche ng mga Pfizer vaccines sa katapusan ng Enero o sa unang linggo ng Pebrero.


“We have to understand there is a global shortage of these 5 to 11 years old na bakuna coming from this manufacturer, kaya nagkakaroon ng allocation per country sila ngayon,” paliwanag ni Vergeire.


“Hopefully, ‘yung commitment nila that they will provide us by the end of January until first week of February with the initial tranche for our vaccines [ay matuloy],” saad pa ni Vergeire.


Matatandaang na nito lamang huling bahagi ng Disyembre 2021 inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang emergency use authorization (EUA) ng Pfizer vaccine para sa edad 5 hanggang 11.


 
 

ni Lolet Abania | January 7, 2022



Si Bureau of Quarantine (BOQ) Deputy Director Dr. Roberto Salvador Jr. at karamihan sa kanilang personnel ay nagpositibo sa test sa COVID-19.


Sa isang interview ngayong Biyernes, sinabi ni Salvador na tinatayang nasa 60 personnel ng bureau ang tinamaan ng naturang sakit.


“Nasa 60 na po kami kasama na po ako,” ani Salvador.


Ayon kay Salvador, kasalukuyan na siyang naka-quarantine subalit ginagawa pa rin niya ang kanyang tungkulin bilang deputy director ng bureau.


Sinabi rin ni Salvador na nakaranas siya ng mataas na lagnat, sipon at ubo subalit nagsimula na rin naman na makarekober sa sakit.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page