top of page
Search

ni Lolet Abania | January 14, 2022



Nasa tinatayang 70 personnel ng House of Representatives ang nagpositibo sa test sa COVID-19.


Ito ang inihayag ni House of Representatives Secretary General Mark Llandro Mendoza, tatlong araw bago mag-resume ang lower chamber sa kanilang plenary sessions na may limitadong physical attendance sa Batasang Pambansa. Sa Lunes, nakatakdang magbalik sa sesyon ang mga mambabatas.


“So far ang updated, nasa 70 pero karamihan naman nasa labas ‘yun, wala sa House. ‘Di naman kami nagpapapasok kasi ‘pag may nag-positive na staffer [na] pinapasok sa amin, nire-record lang namin. So far nasa 70 as of today,” ani Mendoza sa sa isang phone interview.


Ayon kay Mendoza, inoobserbahan pa nila ang tinatawag na hybrid session set-up, kung saan papayagan lamang sa maximum na 30 mambabatas at 20 hanggang 25 congressional staff sa loob ng session hall para mapanatiling ligtas ang lahat sa gitna ng panganib ng COVID-19.


Gayundin aniya, ang mga congressional staff ay magre-resume ng kanilang operasyon matapos ang isang extended break.


Subalit, ayon sa secretary general, 20 porsiyento ng mga staff lamang ang papayagan para pisikal na maka-access sa complex, habang wala namang bisita na papayagang makapasok dito.


Giit ni Mendoza, ang mga papasok sa complex ay kailangang magdaan muna sa antigen testing.


Binanggit naman ni Mendoza na sa ngayon, ang House of Representatives ay nakapagbigay na ng booster shots sa tinatayang 400 personnel, habang plano nilang i-resume ang pag-administer ng booster shots sa loob ng dalawang linggo.


Aniya pa, halos 95 percent ng Secretariat staff ay mga fully vaccinated na kontra-COVID-19. Magbabalik ang session ng 18th Congress sa Enero 17 hanggang Pebrero 4, 2022.


Habang sa pagitan ng Pebrero 5 at Mayo 22, 2022, nasa kanilang usual break ang Congress para sa nakaiskedyul na election campaign at magbabalik muli sa Mayo 23 hanggang Hunyo 3, 2022.


 
 

ni Lolet Abania | January 14, 2022



Sinuspinde na ng Department of Education-National Capital Region ang mga klase nito mula Enero 15 hanggang 22, 2022 upang mabawasan ang pasanin ng mga titser at estudyante, kasabay pa ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.


Batay sa DepEd Regional Memorandum No. 017 s. 2022, na nilagdaan ngayong Biyernes ay nakasaad na ang mga klase sa NCR ay magbabalik mula Enero 24 hanggang 29, subalit para lamang sa asynchronous distance learning modalities.


“The Deped NCR suspends the conduct of classes starting Saturday, January 15, 2022, and on Monday, January 17 until Saturday, January 22, 2022,” base sa ibinabang memorandum.


Gayunman, ayon sa DepEd-NCR, kailangang gamitin ng mga estudyante ang kanilang “midyear break”, kung saan naka-iskedyul ito mula Enero 31 hanggang Pebrero 5, upang makumpleto ang kanilang backlogs sa mga learning outputs.


Gayundin, ang mga guro ay inaasahang dadalo sa kanilang mga aktibidad, kabilang na ang in-service trainings at iba pang kinakailangang pag-aaral sa panahon ng sinasabing break.


Ang mga estudyante naman ay dapat mag-submit ng kanilang learning outputs sa pagitan ng mga petsang Pebrero 7 at 12 sa pamamagitan ng online platforms.


Ang Quarter 2 examinations ay nakatakdang isagawa sa Pebrero 7 at 8.

Noong Miyerkules, hinimok ng DepEd ang mga regional at schools division offices na i-exercise ang kanilang deskrisyon sa pagsusupinde ng mga klase at iba pang teaching-related activities ngayong Enero sa gitna ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.


Ipinunto rin ng DepEd dito, ang nakaaalarma pagsirit ng COVID-19 cases na anila, mahalaga ang kapakanan ng mga guro at mga estudyante.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page