top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | January 16, 2022



Kasalukuyang naka-isolate si Pasig City Mayor Vico Sotto matapos magpositibo sa COVID-19.


“Hi everyone, bad news, I’ve tested positive for covid-19. I have a sore throat, fever, and body aches, but please don’t worry!” ani Sotto sa isang Facebook announcement nitong Sabado.


Gayunman, sinuguro ni Sotto na patuloy siyang magtatrabaho kahit naka-isolate sa susunod na pitong araw.


Nagbabala naman ang alkalde sa publiko hinggil sa Omicron variant na mas mabilis kumalat kaysa sa Delta variant, na nagdulot din ng surge noong nakaraang taon.


“Naka ilan close call ako sa Delta (gaya nung sa driver ko mismo) pero di ako nahawaan. Matindi talaga ang pagkalat ng Omicron-- sabi nga ng ibang eksperto, LAHAT TAYO ay mae-expose sa variant na ito. Kaya lagi po tayong mag-iingat, palakasin natin ang ating mga resistensya, at maging responsable – kung may sintomas wag na munang lumabas,” pahayag pa ni Sotto.


Nitong Sabado, umabot na sa 280,813 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa.

 
 

ni Lolet Abania | January 15, 2022



Ipinahayag ng Department of Health (DOH) na nakararanas na ngayon ang National Capital Region ng community transmission ng mas nakahahawang COVID-19 Omicron variant.


Sa isang televised public briefing ngayong Sabado, sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na may local cases na ng variant of concern ang kanilang na-detect sa Metro Manila.


Ayon sa World Health Organization (WHO), “Community transmission happens when connections between local infections could no longer be established through the positive test results of routine sampling.”


Noong nakaraang linggo, isang eksperto ang nagsabi na ang Omicron’s community transmission ay nangyayari na sa bansa.


“Dito po sa National Capital Region, we are seeing the community transmission… Nitong Omicron variant. Bagama’t hindi po nakakahabol ang ating genome sequencing, we already have determined that there are local cases already,” paliwanag ni Vergeire.


“Sa nakikita nating trend ngayon, ito po ’yung characteristic talaga ng Omicron variant, na mabilis na pagkalat, ’yung very steep rise in the number of cases… And doubling time po na every 2 days,” ani pa ni Vergeire.


Ayon kay Vergeire, ang daily cases sa Metro Manila sa nakalipas na linggo ay nag-average ng tinatayang 17,124, habang aniya, higit sa doble ito ng 6,500 average na bilang ng kaso ng mas naunang nakaraang linggo.


Gayundin aniya, ang rehiyon ay may tinatayang 149,000 active COVID-19 infections, na halos kalahati ng kabuuang bilang ng aktibong kaso sa buong bansa.


Sinabi pa ng opisyal, nakikitaan na rin nila ng pagtaas ng mga bagong kaso sa ibang mga rehiyon, na maaaring dulot ng Omicron variant.


Bukod sa Metro Manila, ang Calabarzon, Central Luzon, Western Visayas, Eastern Visayas, Bicol Region ay kinakikitaan nila ng pagtaas in terms ng 2-week growth rate.


Ayon pa kay Vergeire, kapag nagpatuloy ang ganitong trend, posibleng dumating ang oras na palitan na ng Omicron strain ang Delta bilang isang dominant variant sa bansa.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page