top of page
Search

ni Lolet Abania | January 20, 2022



Inihayag ng Department of Health (DOH) ngayong Huwebes na ang pagbabakuna laban sa COVID-19 para sa edad 0 hanggang 4 ay maaaring magsimula sa Abril o Mayo ngayong taon.


Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni DOH Undersecretary Myrna Cabotaje, kinokonsidera ng gobyerno na sa ganitong panahon ito gawin at kapag mayroon nang pag-aaral at rekomendasyon ng pagbabakuna sa grupo ng mga pinakabatang edad.


“Titingnan natin, baka by second quarter, mga April or May, kung mayroon nang bakuna na puwede sa 0-4 at may mga pag-aaral na at recommendation na,” sabi ni Cabotaje.


Una nang sinabi ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. na target ng gobyerno na makapagbakuna laban sa COVID-19 ng tinatayang 11.11 milyong kabataang edad 0 hanggang 4-anyos bago matapos ang Hunyo.


Ayon kay Galvez, nagsasagawa na sila ng contingencies upang matiyak ang suplay ng mga doses para sa 0-4 years old dahil ang COVID-19 vaccine brands na may formulation para sa mga bata ay limitado lamang, kung saan aniya, maaaring magdulot ng kakulangan nito sa unang quarter ng taon.


Ito na lamang ang natitirang age group na hindi pa nasisimulan ang COVID-19 vaccination rollout sa bansa. Ayon kay Cabotaje, hanggang nitong Miyerkules, tinatayang nasa 66.4 milyong Pilipino na ang fully vaccinated kontra-COVID-19.


 
 

ni Lolet Abania | January 20, 2022



Inanunsiyo ng Department of Transportation (DOTr) at ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ngayong Huwebes na magsasagawa sila ng 5-day mobile vaccination drive para sa mga transportation workers na nais na magpabakuna kontra-COVID-19 sa susunod na linggo habang anila, ang “no vaccination, no ride” policy ay magpapatuloy.


Sa isang pahayag, sinabi ng DOTr na gaganapin ang vaccination drive sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) mula Enero 24 hanggang 28, kung saan target nilang makapag-administer ng 500 shots araw-araw.


Ayon sa mga awtoridad, ang AstraZeneca COVID-19 vaccine ang kanilang gagamitin para sa unang dose, ikalawang dose at booster shots.


Gayundin, sinabi ng ahensiya na ang mga gustong makatanggap ng booster shots ay kanila ring babakunahan. Binanggit naman ni DOTr Secretary Arthur Tugade na layon ng vaccination drive na mabigyan ang mga transport workers ng proteksyon laban sa COVID-19.


Ani pa ng ahensiya, tatanggap din sila ng mga walk-in na gustong magpabakuna. Magsisimula ang programa ng alas-8:00 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali na gagawin sa Gate 4 ng PITX’s 2nd floor.


 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | January 20, 2022



Nakapagtala ng 68 bagong kaso ng COVID-19 sa Subic Bay Freeport nitong Miyerkules, Jan. 19, kung saan umabot na ng kabuuang 101 ang active cases kabilang ang mga free port workers, mga residente, at mga empleyado ng Subic Bay Metropoligan Authority (SBMA).


Sa isang advisory nitong Miyerkules, sinabi ng SBMA na 54 sa mga infected ay free port residents, 8 guests o transient workers, at 6 government employees.


Ang pinakabata sa mga nagpositibo ay isang 1-year-old na batang lalaki habang ang pinakamatanda ay 54-anyos na babae na pawang mga residente sa lugar.


Karamihan sa mga pasyente ay nakararanas ng mild symptoms at kasalukuyang naka-quarantine. Isasagawa na rin ang contact tracing.


Kahapon din ay na-clear na sa virus ang 16 residente at mga empleyado ng SBMA.


Mula nang magsimula ang pandemya ay nakapagtala na ng 720 confirmed COVID-19 cases ang free port kung saan 584 ang naka-recover at 12 ang nasawi.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page