top of page
Search

ni Lolet Abania | January 29, 2022



Halos 900 empleyado ng Southern Philippines Medical Center (SPMC) sa Davao, ang nagpositibo sa test sa COVID-19 ngayong buwan.


Ito ang kinumpirma ng medical chief ng SPMC na si Dr. Ricardo Audan na karamihan sa 891 empleyado na tinamaan ng virus ay sumailalim sa home isolation, habang 30 lamang ang na-admit sa healthcare facility. “I think it’s the work of Omicron.


Ang mabuti lang dito, ’yung lahat ng nag-positive, fully vaccinated. And I think, karamihan din, naka-booster na,” sabi ni Audan sa isang interview. Sinabi ni Audan na dahil sa kakulangan ng mga staff ng ospital, binawasan ng SPMC ang quarantine period ng mga infected na empleyado na mula sa 7 araw ay ginawang 5 araw na lamang.


“Bale sinunod din namin ’yung guidelines ng IATF na 7 days fully vaccinated, ginawa na naming 5 days (ang quarantine) kasi talagang medyo ma-paralyze ang operation. But then, hindi kami nag-close, patuloy pa rin ‘yung serbisyo namin sa mga tao,” sabi ni Audan.


Gayundin, humingi na ang pamunuan ng ospital ng karagdagang personnel mula sa Department of Health (DOH), subalit ani Audan, ang ahensiya ay wala ring sapat na staff para ibigay sa kanila.


Ayon kay Audan, sumulat na rin ang ospital kay National Task Force Against COVID-19 chief implementer Carlito Galvez Jr., hinggil sa request nila na mga health workers na mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at sa Bureau of Fire Protection (BFP).


Una nang natugunan ng mga naturang ahensiya ang kakulangan ng staff sa SPMC nang maitala ang unang surge ng COVID-19 sa Davao Region noong nakaraang taon. Subalit, bumalik din ang mga personnel na ito matapos na lumuwag ang sitwasyon sa lugar.


Samantala, parehong ang ICU at ward bed utilization rates sa SPMC ay umabot na sa 100 percent, kung saan ang lahat ng kanilang 87 ICU beds at 473 ward beds ay okupado na.


“Wala kaming problema mag-expand. In fact, mayroon kaming waiting na another 60 beds for expansion. The problem is ’yung staffing talaga,” sabi pa ni Audan.


Ang SPMC, isa sa pinakamalalaking mga ospital sa bansa, ay pangunahing ginagamot ang mga moderate hanggang critical COVID-19 cases dahil na rin ito sa pagdami ng mga pasyenteng tinatamaan ng coronavirus.


Gayundin, pansamantalang isinara ng ospital ang kanilang outpatient department na face-to-face services, habang pinayuhan ang mga pasyenteng mag-virtual consultation na lamang sa ngayon.


 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | January 28, 2022



Nagpositibo sa COVID-19 si Senator Joel Villanueva.


Inanunsiyo ito ni Villanueva ngayong Biyernes matapos matanggap ang resulta ng kanyang RT-PCR test noong Huwebes ng gabi. Ayon sa senador, siya ay kasalukuyan nang naka-isolate.


“Nag-positive po tayo sa COVID sa resulta ng RT-PCR test nitong Huwebes ng gabi, pagkatapos kong makaramdam ng lagnat at pananakit ng ulo noong Miyerkules,” ani Villanueva sa isang Viber message.


“Inabisuhan ko na po ang lahat ng aking nakasalamuha noong mga nagdaang araw tungkol sa aking kalagayan, at kasalukuyan po tayong naka-isolate,” dagdag pa ng senador.


Ayon pa kay Villanueva, siya ay fully vaccinated at nakatanggap na rin ng kanyang booster shot.

“Dahil bakunado at boosted po tayo, at sa tulong ng panalangin sa Diyos, malaki po ang tiwala ko na malalampasan natin itong balakid na magpatuloy ang trabaho natin sa Senado,” dagdag niya.


Nakapagtala ang Pilipinas ng 18,191 new COVID-19 cases nitong Huwebes, kung saan umabot na sa total na 3,493,447 ang kaso sa bansa.

 
 

ni Lolet Abania | January 26, 2022



Bibigyan na lamang ang mga hindi bakunado at partially vaccinated na mga manggagawa sa National Capital Region (NCR) ng 30 araw simula Enero 26, upang magpatuloy sa pagsakay sa mga pampublikong transportasyon para sa pagpunta nila sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila, ayon sa isang joint statement na inilabas ng Departments of Labor and Employment, Transportation, at Interior and Local Government ngayong Miyerkules.


Batay sa statement, hindi na papayagan ang mga ito na sumakay sa mga public utility vehicles (PUV) kung sila ay hindi pa rin fully vaccinated hanggang sa pagtatapos ng 30-day period.


Ayon kay DOTr Undersecretary Artemio Tuazon Jr., ang gawaing ito ay sumusuporta sa gobyerno sa pagsisikap nitong mapataas ang COVID-19 vaccination rate ng bansa sa gitna ng banta ng mas nakahahawang Omicron variant.


“This joint decision is also meant to support the vaccination drive of the entire government. We want our workers to get fully vaccinated especially now that there is no longer a shortage of COVID-19 vaccines, and there is a threat of highly transmissible variants of the virus,” ani Tuazon.


“We are giving our workers the time to get themselves vaccinated,” dagdag pa niya. Nilinaw naman ng DOTr official, na hindi aniya ito matatawag na discriminatory.


“As jointly decided by the DOLE, DILG and DOTr, workers who will remain unvaccinated 30 days after the announcement are not being barred from their workplaces,” giit ni Tuazon.


“They are simply not allowed to use public transportation, but can still use other means such as active transport, private vehicles, or company shuttle services,” paliwanag niya.


Matatandaang nagpahayag ang mga transport rights groups at human rights advocates ng kanilang posisyon hinggil sa “no vax, no ride” policy, kung saan anila, mas organisado at mas sistematikong pamamaraan ang kailangan para mapigilan ang pagkalat ng virus.


Paliwanag naman ng DOTr, ang kanilang polisiya ay para maprotektahan ang mga unvaccinated na tamaan ng naturang respiratory disease, at upang mapigilan ang ekonomiya na tuluyang bumagsak dahil sa pagsasara ng maraming establisimyento.


“If we do not act now, all industries and business sectors will be severely affected,” ayon pa sa statement.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page