top of page
Search

ni Lolet Abania | February 2, 2022



Muling nagpositibo sa test sa COVID-19 sa ikalawang pagkakataon si Baguio City Mayor Benjamin Magalong.


Sa kasalukuyan, si Magalong ay sumasailalim na sa home isolation.


“Actually, tinamaan ako ngayon. Nasa home isolation ako. Very mild. This is my second time na na-hit ako ng COVID,” ani Magalong sa isang radio interview ngayong Miyerkules.


Ayon kay Magalong, na nakatanggap na rin ng booster shot ng COVID-19 vaccine, na sa ikalawang araw ng kanyang isolation ay nakarekober siya agad sa mga sintomas ng virus, habang aniya, nasa ikaapat na araw na siya ngayon ng isolation.


Matatandaan noong Abril 2021, si Magalong ay unang nagpositibo sa test sa COVID-19.


Nanawagan naman ang alkalde sa ibang mga local government units (LGUs) at mayors na sinasabing minamanipula umano ang bilang ng kanilang COVID-19 cases sa pamamagitan ng paglilimita umano ng kanilang testing efforts.


“’Yung ibang LGUs, mayors ayaw nilang lumabas na mataas ang kaso nila dahil ang pananaw nila it will reflect on their performance. Of course, with this forthcoming elections, talagang maapektuhan sila,” sabi ni Magalong.


Tinanong naman ang alkalde hinggil sa pag-scrap ng alert level system para sa pag-classify sa mga lugar na may panganib ng COVID-19 at pumabor si Magalong sa naturang proposal.


“Ako pabor talaga kung puwede tanggalin na. We’re just waiting for the experts to give that advice,” sabi pa niya.

 
 

ni Lolet Abania | January 31, 2022



Sisimulan na rin sa mga piling botika at 3 klinika sa mga lungsod sa Visayas ang pagbibigay ng mga COVID-19 vaccine, ayon sa Malacañang ngayong Lunes.


Una nang inumpisahan ng gobyerno nitong kalagitnaan ng Enero, sa mga katulad na establisimyento sa Metro Manila, ang pagbabakuna ng COVID-19 booster jabs, kung saan ang programa ay pinalawig na rin hanggang sa Baguio City noong nakaraang linggo.


“Inaasahan natin na ang programang ito ay ilulunsad na rin sa piling botika at clinic ngayong linggo sa Bacolod City, Cebu City at Iloilo City,” sabi ni acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles.


Aniya pa, nasa tinatayang 58.7 milyong Pinoy na ang fully vaccinated sa bansa, mula sa 109 milyong populasyon nito. Tinatayang 7.3 milyong indibidwal naman ang nakatanggap na ng booster shots.


 
 

ni Lolet Abania | January 31, 2022



Inanunsiyo ng Malacañang na ang pagbabakuna kontra-COVID-19 sa mga kabataang edad 5 hanggang 11 ay isasagawa sa anim na vaccination sites sa Biyernes, Pebrero 4.


Ayon kay acting Presidential Spokesperson Karlo Nograles, ang pagbabakuna sa naturang age group ay sabay-sabay na gagawin sa sumusunod na vax sites:

• The Philippine Heart Center

• Philippine Children’s Medical Center

• National Children’s Hospital

• Manila Zoo

• SM North Edsa (Skydome)

• Fil Oil Gym in San Juan City


“Mahalaga po ito sa ating paghahanda sa muling pagbabalik ng face-to-face classes, pisikal na balik eskwela,” ani Nograles sa Palace briefing ngayong Lunes. Sinabi ng opisyal na ang Pfizer vaccines para sa nasabing grupo ng menor-de-edad ay inaasahang darating ngayong linggo.


Una nang sinabi ng Department of Health (DOH) na may kabuuang 168,355 kabataan edad 5 hanggang 11 ang nagparehistro na para sa pagbabakuna kontra-COVID-19 sa kanilang mga local government units (LGUs).


Binanggit din ni National Task Force Against COVID-19 medical adviser Dr. Ted Herbosa na tinatayang 780,000 doses ng COVID-19 vaccine para sa mga minors ang darating sa Enero 31.


Samantala, ayon kay Nograles nasa tinatayang 7.5 milyon o 59% ng mga adolescents, edad 12 hanggang 17 ang fully vaccinated na laban sa COVID-19 hanggang nitong Enero 28.


“Tinitiyak natin na ligtas at epektibo ang mga bakunang gagamitin sa mga bata. Walang dapat ipangamba ang mga magulang. The doses for minors have been reformulated so that these are appropriate for them,” giit ni Nograles.


“Ibig sabihin, mas mababa po ang doses na ituturok sa kanila. Kaya’t kung available na ito sa inyong mga lugar, dalhin niyo na po ang inyong mga anak sa vaccination sites,” sabi pa ni Nograles.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page