top of page
Search

ni Lolet Abania | March 1, 2022



Inanunsiyo ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ngayong Martes na magbibigay sila ng free one-day unlimited pass sa mga commuters na nagpabakuna kontra-COVID-19 sa iba’t ibang Light Rail Transit Line 2 (LRT2) vaccination sites.


Sa isang statement, ayon sa LRTA ang inisyatibong ito ay may kaugnayan sa ginagawang pagsisikap ng Department of Transportation (DOTr) para isulong ang ligtas na public transport system at makatulong sa COVID-19 vaccination drive ng gobyerno.


“This free ride program aims to encourage more commuters to get vaccinated and boosted. We need to step up our vaccination efforts in order to ensure the safety and protection of our commuting public,” pahayag ng LRTA Management.


Ang pass, kung saan valid para sa isang araw na unlimited use, ay agad na iiisyu matapos na mabakunahan ang pasahero sa LRT2 vax sites.


Ang pasahero na nais i-avail ang pagsakay sa LRT2 ay kailangang magprisinta ng kanyang pass at isang valid ID sa security o station personnel sa pagpasok ng mga gates para magamit ang nasabing free rides.


Noong nakaraang buwan, ang LRTA Recto at Antipolo Stations ay nagkaroon ng COVID-19 vaccination sites.


Sa Marso 7 naman, ayon sa pamunuan ng LRTA, magdadagdag sila ng vaccination site na gagawin sa LRT2 Araneta Center-Cubao station katuwang ang lokal na pamahalaan ng Quezon City.


Ang vaccination site sa Cubao ay bukas tuwing Lunes mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon kung saan magbibigay ng unang dose at booster shots.


Ang Recto Station vax site naman ay bukas tuwing Martes at Huwebes mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon habang ang Antipolo Station vax site ay bukas tuwing Miyerkules at Biyernes mula alas-8:30 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon.


Ayon pa sa pamunuan ng LRTA, dahil sa nararanasang pagdami ng bilang ng mga nagnanais na magpabakuna kontra-COVID-19 o tinatawag nang vaccinees sa mga LRT2 sites, ang lokal na gobyerno ng Manila, Antipolo at Quezon City ay handang magdagdag ng initial target ng 200 vaccinees sa isang araw kada vaccination site hangga’t ito ay kinakailangan.


 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | February 27, 2022



Umakyat na sa 140 ang bilang ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) na tinamaan ng COVID-19 sa Hong Kong.


Sa bilang na ito, 134 ang nananatili sa isolation habang anim ang nakabalik na sa trabaho matapos maka-recover, ayon kay Hong Kong Labor Attaché Melchor Dizon ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) nitong Sabado.


"Sixty three [OFWs] were at their employers' home, 18 were at quarantine facilities, and we have here a partner NGO providing isolation facility, they have 21 Filipinos," pahayag ni Dizon sa isang panayam.


Ayon pa kay Dizon, 18 dito ang nasa boarding houses, dalawa sa hotel facilities at 12 ang nasa hospital isolation.


Nauna nang ini-report ng POLO Hong Kong nitong February 21 na 60 OFWs ang nagpositibo sa COVID-19.


"The surge surprised Hong Kong in the beginning, and hospitals were overwhelmed. Our workers were not accommodated. That was highlighted, but we provided the necessary assistance to address their needs," ani Dizon.


Ibinulgar ng Philippine Consulate General in Hong Kong na mayroong mga COVID-19-positive OFWs ang pinilit ng kanilang employer na matulog sa public areas tulad ng mga park.


"Tatlo lang 'yung aming na-receive na complaints, tapos na-assist na namin. Tinatawagan ng ating welfare officers 'yung employer and na-reconsider naman 'yung kanilang decision," pahayag ni Dizon.

 
 

ni Lolet Abania | February 23, 2022



Nakatakdang i-report ng mga opisyal ng Pilipinas sa labor authorities ang mga Hong Kong employers na binitawan na ang kanilang mga tauhan matapos na magpositibo sa test sa COVID-19 ang mga ito, ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).


Sinabi ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac na sa ngayon mayroong 76 overseas Filipinos sa Hong Kong na nagpositibo sa test sa COVID-19 na karamihan sa kanila ay nasa isolation habang walo ang na-admit sa mga ospital.


Nakatanggap naman si Cacdac ng mga reports na ilan sa mga overseas Filipino workers (OFWs) ang hinayaan nang umalis ng kanilang mga employers, subalit nakumbinsi na ring i-rehire ang mga nasabing manggagawa.


“Sa talaan natin ay parang isa lang ang naka-record sa atin na hindi pa makumbinsi na employer, idudulog na natin ito sa Hong Kong labor authority,” sabi ni Cacdac sa Laging Handa virtual briefing ngayong Miyerkules.


“Under Hong Kong law ay hindi sila dapat i-terminate kasi puwede naman mag-SL (sick leave) o ‘di kaya makabalik after nila mag-recover,” paliwanag ng opisyal.


Ayon kay Cacdac, ang mga Hong Kong employers na itutuloy pa rin ang termination ng mga kontrata ng kanilang mga empleyado dahil sa nagpositibo sa test sa COVID-19 ay mahaharap sa labor cases, at iba-blacklist na sa Pilipinas.


“Kailangan lang siguro ipaliwanag sa mga Hong Kong employers itong sitwasyon na ito at in fairness, marami naman sa kanila ang nakukumbinsi na tanggapin muli ang ating mga OFWs,” sabi ni Cacdac.


Ayon naman kay Philippine Consul General Raly Tejada, aabot na sa 10 OFWs sa Hong Kong ang pinipilit ng kanilang mga employers na matulog sa mga pampublikong lugar matapos na magpositibo sa test sa COVID-19.


Gayunman, sinabi ni Cacdac na pinag-aaralan na ng local labor authorities na mag-deploy ng isang medical team na mag-aasikaso sa mga Pinoy workers na nasa Hong Kong, katuwang ang mga awtoridad sa naturang special administrative region.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page