top of page
Search

ni Lolet Abania | March 17, 2022



Magbibigay ang gobyerno ng libreng COVID-19 booster shots sa mga Japanese tourists na nagnanais at nasa Pilipinas sa ngayon, ayon sa Department of Tourism (DOT).


Sa isang radio interview ngayong Huwebes, sinabi ni DOT Secretary Bernadette Romulo-Puyat na nabuo ang naturang inisyatibo katuwang sina National Task Force (NTF) Against COVID-19 chief implementer at vaccine czar Secretary Carlito G. Galvez Jr. at NTF deputy chief implementer Vince Dizon.


“We also opened pala to our Japanese tourists. Kasi ngayon pa lang sila nagbo-booster program here in Japan. Together with Sec. Galvez and Sec. Vince Dizon, ang ating mga Japanese tourists, they can come [to the Philippines] and get their booster shots for free,” pahayag ni Puyat.


“They’re very happy about that because zero lang ang quarantine nila if they get their booster shots. So they’re quite happy with our announcement,” dagdag niya.


Ayon kay Puyat, kasalukuyan siyang nasa Japan, ang bansa na isa sa mga top source markets ng Pilipinas bago pa ang pandemya, upang himukin ang mga ito at ipaalam sa kanila na ligtas nang pumunta at mag-travel sa bansa.


Aniya, nakikipagpulong siya sa mga katulad din niyang opisyal doon at sa iba’t ibang tourism organizations sa Japan.


“Talagang importante sa kanila na vaccinated tayo, ‘yung ating mga tourism stakeholders. Nakuwento ko nga na 97% vaccinated na ang ating mga tourism stakeholders and 25% na booster,” sabi ni Puyat.


“Very important sa kanila ‘yung they found out the vaccination rate in the country at continuously bumababa ‘yung ating mga kaso. So they know and important din sa kanila na nu’ng September 2020 pa lamang, we received the World Travel and Tourism Council Safe Travels stamp,” saad ng kalihim.


Ang naturang stamp ay ipinagkakaloob sa mga gobyerno at kumpanya sa buong mundo na in-adopt ang health at hygiene global standardized protocols, at kung saan sinusunod ang mga guidelines na itinakda ng World Health Organization (WHO) at Centers for Disease Control and Prevention (CDC).


Gayundin, layon nitong maibalik ang kumpiyansa ng mga travelers at makatulong sa nalugmok na travel sector na makarekober.


Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay tumatanggap ng business at leisure travelers mula sa 157 visa-free countries simula pa noong Pebrero 10, 2022.


Ang mga fully vaccinated lamang na dayuhang turista mula sa visa-free countries ang pinapayagang makapasok sa bansa. Kailangan din nilang magprisinta ng negative COVID-19 RT-PCR test result na kinuha ng 48-oras bago pa ang kanilang biyahe.


Gayunman, ayon kay Puyat, simula sa Abril 1, muling bubuksan ng Pilipinas ang mga borders sa lahat ng foreign tourists, kabilang na ang galing sa mga visa countries.


 
 

ni Lolet Abania | March 16, 2022



Umabot sa kabuuang walong self-administered COVID-19 antigen test kits ang inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA).


Ayon kay FDA Director General Oscar Gutierrez, dalawa sa nasabing antigen test kits ay ginagamitan ng oral fluid o saliva bilang specimens habang ang natitirang iba pa ay ginagamit namang nasal swab.


Sinabi pa ng opisyal na ang JusChek COVID-19 Antigen Rapid Test Cassette na oral na ginagamit ay manufactured ng Hangzhou, subalit distributed o imported ito ng dalawang magkaibang kumpanya.


“So posible po ‘yun, inaaprubahan po ng FDA na dalawa po ang distributor,” pahayag ni Gutierrez sa Talk to the People ngayong Miyerkules. Ang Panbio COVID-19 Antigen Self-Test ng Abbot ay distributed o imported ng tatlong magkakaibang kumpanya.


Kabilang sa iba pang test kits ay SARS-CoV-2 Antigen Rapid Test kits ng Labnovation, One Step test for SARS-CoV-2 Antigen kits ng Getein, at SARS-CoV-2 Self-test ng SD.


Ayon naman sa Department of Health (DOH), ang mga self-test kits ay rekomendado lamang para sa mga symptomatic individuals sa loob ng pitong araw mula sa onset ng mga sintomas. Paliwanag ng DOH, “this is recommended, especially if the capacity for timely RT-PCR results is limited or not available.”


 
 

ni Lolet Abania | March 16, 2022



Ipinahayag ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na ang Omicron sub-variant na lubhang nakaapekto sa Hong Kong ay posibleng nakapasok na sa Pilipinas.


Ito ang naging tugon ni Duque nang tanungin ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa posibilidad ng BA.2.2 sub-variant na aniya, “bumisita” sa bansa.


“There is a possibility, Mr. President,” ani Duque sa Talk to the People na ipinalabas ngayong Miyerkules.


Gayunman, sinabi ni Duque na hindi siya nakatitiyak kung ang sub-variant ay labis na makakaapekto sa bansa katulad ng naunang surge na dahil sa BA.2 variant. “So hindi pa natin masabi kung ito ho ba ay magdudulot ng ganu’ng ka-seryosong pangyayari katulad sa Hong Kong,” dagdag ng kalihim.


Tiniyak naman ni Duque sa publiko na ang vaccination rate ng bansa ay mas mataas kumpara nang sa Hong Kong, partikular na sa mga senior citizens, kung saan ilang mga researchers ay iniuugnay ang pagtaas ng mga kaso ng virus sa ibang mga bansa sa mababang vaccination rate nito.


“On the other hand, ‘yun po kasing vaccination coverage ng citizens sa Hong Kong mababa... so tayo mas maganda ang ating protection level,” saad ni Duque.


“We have experienced five surges... so that has also rendered out population some degree of protection as well. So from natural immunity and also from vaccination,” paliwanag pa ng opisyal.


Ayon kay Duque, ang vaccination rate ng mga seniors sa Hong Kong ay nasa 33% lamang. Gayunman aniya, patuloy ang DOH na mino-monitor ang sitwasyon ng bansa.


“Sa ngayon... wala pang natutuklasan na BA.2.2 sublineage sa samples na na-sequence ng Philippine Genome Center (PGC) sa ating bansa, pero patuloy tayo nagbabantay,” sabi ni Duque.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page