top of page
Search

ni Lolet Abania | March 22, 2022



Hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso na huwag nang galawin ang hindi nagamit na P4.99 bilyon pondo sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2) dahil maaari itong magamit sakaling magkaroon ng isa pang COVID-19 surge sa Pilipinas.


Sa Talk to the People na ipinalabas ngayong Martes, sinabi ni Pangulong Duterte na ang P4.99 bilyon o 54.96% na nai-release nang budget sa ilalim ng Bayanihan 2, kung saan nananatiling hindi nagamit noong Hunyo 2021 ay naibalik na sa Bureau of the Treasury.


Ayon sa Commission on Audit (COA) report, ang naturang budget ay sinasabing dapat umano aid o tulong para sa mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs).


“Sabi ko nga, ‘yung Bayanihan [2], nagtatanong bakit hindi pa naubos, sinauli na sa Treasury,” sabi ni P-Duterte. Binigyan-diin ng Pangulo na ang katulad na mga unused funds ay maaaring magamit sakaling magkaroon ng resurgence o muling pagtaas ng COVID-19 infections sa bansa, kung saan may bagong coronavirus variant na na-detect sa Israel.


“Whether we like it or not, kung totoo ‘yan, it will reach again the shores of our country,” saad ng Punong Ehekutibo. “Sana ‘wag na lang galawin ng Congress. If they want to legislate it, so be it. ‘Wag galawin ‘yan kasi that is in preparation for another surge of another variant.


Nagmu-mutate itong monster na ito at hindi natin malaman kung ano talaga ang katapusan nito. I guess it will be there or here for the longest time,” giit pa ni Pangulong Duterte.


Kamakailan, inihain nina Representatives Carlos Zarate, Eufemia Cullamat, at Ferdinand Gaite ang House Resolution 2519, na naghihimok sa House Committee on Good Government and Public Accountability para magsagawa ng isang inquiry o pagsisiyasat hinggil sa sinasabing P4.99 billion unused Bayanihan 2 funds.


 
 

ni Lolet Abania | March 20, 2022



Binigyan na ang Pilipinas ng rate na “very low risk” sa COVID-19 sa kabila na ang mga kalapit na bansa gaya ng Vietnam, Malaysia, Singapore, at Brunei ay nakararanas ng pagtaas ng impeksyon, ayon sa independent monitoring group na OCTA Research ngayong Linggo.


Sa isang tweet, ipinaliwanag ni OCTA Research fellow Dr. Guido David na ang Pilipinas ay nakapag-record ng average daily attack rate (ADAR) ng 0.47 noong Marso 18, na mayroong seven-day average na 527 cases.


Ang ADAR ay patungkol sa insidente na nagpapakita ng average na bilang ng mga bagong kaso batay sa isang period bawat 100,000 katao. Ang growth rate naman ng bansa sa mga bagong kaso mula sa naunang linggo kumpara sa kasalukuyang linggo ay nasa -22%. Nitong Martes, inianunsiyo ng Department of Health (DOH) na lahat ng lugar sa Pilipinas sa ngayon ay kinokonsidera nang low risk sa COVID-19.


Ini-report din ng OCTA na ang Timor Leste, Taiwan, Cambodia, at China ay nasa “very low risk” na rin sa viral disease na may ADAR na nagre-range mula 0.13 hanggang 0.86.


Gayunman, ang South Korea, Vietnam, Hong Kong, Malaysia, Singapore, at Brunei, silang lahat ay isinailalim sa “severe” category, kung saan ang South Korea ang nakapag-record ng may pinakamataas na ADAR sa mga bansa sa East Asia na nasa 788.15.


Ang Japan at Thailand naman ay isinailalim sa “very high” category na may ADAR ng 39.68 at 34.18, batay sa pagkakasunod.


Ini-report pa ng OCTA na ang Indonesia at Laos ay kapwa isinailalim sa “moderate” risk sa COVID-19, habang ang Myanmar ay isinailalim naman sa “low” risk na mayroong 1.08 ADAR. Samantala, nasa Alert Level 1 pa rin ang National Capital Region (NCR) at 47 ibang lugar sa bansa hanggang Marso 31.


Nakapagtala naman ang Pilipinas nitong Sabado ng 525 bagong COVID-19 infections, na umabot na sa 3,673,717 ang nationwide tally.


Sinabi rin ng DOH na wala pang nade-detect na hybrid coronavirus mutation na “Deltacron” sa bansa, habang patuloy ang kanilang pagbabantay at pagtutok sa mga surveillance systems sa gitna ng nadiskubreng bagong COVID-19 variant sa Israel.


 
 

ni Lolet Abania | March 20, 2022



Umabot sa kabuuang 119,175 o 92.18 porsiyento ng mga persons deprived of liberty (PDLs) na naka-detained sa mga kulungan at hawak ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang fully vaccinated na kontra-COVID-19.


Sa isang radio interview ngayong Linggo kay BJMP spokesperson Jail Superintendent Xavier Solda, sinabi nitong ang mga naghihintay naman ng kanilang second dose ay nasa 6.54%, habang 6,215 o 4.81% ang hindi pa nabakunahan.


“Ito ang sinasabi ng DOH [Department of Health] na maisasama sa mga papabakunahan,” ani Solda.


Ayon kay Solda, nakikipag-ugnayan na ang BJMP sa mga local government units (LGUs) para isama ang mga PDLs sa alokasyon ng mga bakuna ng mga LGUs. “Simula noong nag-start ang COVID-19 pandemic, may 5,019 cases ang naitala sa mga PDL,” pahayag niya.


Gayunman aniya, sa nasabing bilang, 4,886 ang nakarekober na, 54 ang nasawi, habang siyam na lamang ang active cases sa ngayon.


Sinabi rin ni Solda na sa kasalukuyan ay mayroong 129,283 inmates sa BJMP jails. Patuloy naman ang BJMP na nagpapatupad ng mga health at safety protocols para maiwasan ang hawahan at pagkalat ng COVID-19 sa mga ito, ayon pa kay Solda.


Gayundin aniya, nakatuon ang BJMP sa kalusugan ng mga PDLs, kaya bumili na sila ng mga medisina at karagdagang electric fans at exhaust fans, habang palagiang tsini-check ang suplay ng tubig at nagsasagawa ng daily disinfection at paglilinis sa lugar.


Inamin naman ni Solda na 340 mula sa 475 pasilidad ng BJMP ay sadyang congested na, subalit ang natitirang 135 ay hindi.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page