top of page
Search

ni Lolet Abania | May 20, 2022



Nasa tinatayang 18 home antigen test kits para sa COVID-19 ang inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA), base ito sa data mula sa regulatory body.


Ayon sa FDA data nitong Mayo 10, ang mga self-administered test kits ay mayroong 83 percent hanggang 97.5 percent sensitivity at 99.5 percent hanggang 100 percent specificity.


“Marami pa po tayong hinihintay sa RITM (Research Institute for Tropical Medicine),” pahayag ni FDA officer-in-charge Oscar Gutierrez sa isang televised briefing ngayong Biyernes.


Kaugnay nito, sinabi ni Gutierrez na walang COVID-19 vaccine manufacturer na nag-aplay sa ngayon para sa booster shots sa mga kabataan.


“Kung sakali mang may mag-a-apply, sa loob po ng 3 linggo susubukan po nating ma-evaluate ito agad,” saad ni Gutierrez. “Kakayanin po ‘yan kasi nagtutulungan po kami dito lahat kasama ang ating vaccine experts,” sabi pa ng opisyal.


 
 

ni Lolet Abania | May 19, 2022



Lahat ng tatlong pasyente na tinamaan ng Omicron subvariant BA.2.12.1 sa Iloilo City ay nakarekober na, ayon kay Mayor Jerry Treñas ngayong Huwebes.


“The Omicron subvariant [cases] all have travel history and they came from abroad and we have tested all the close contacts and they also tested negative,” saad ni Treñas sa interview ng ANC.


Binanggit naman ni Treñas na matagal ang kanilang ipinaghintay para sa naturang COVID-19 test results.


“These persons with Omicron subvariants came in last March and the results of the genome sequencing only came in this month. So it’s taking so long,” sabi ng alkalde.


Sa kabila ng presensiya ng mas nakahahawang Omicron subvariant, ayon kay Treñas sa ngayon, wala namang nai-report na surge ng COVID-19 cases sa lugar.


“Cases are low not only in Iloilo City but in the whole region. I think vaccination has really help a lot,” ani pa ni Treñas. Ayon pa kay Treñas, ang city government ay may sapat na doses para sa mga magpapabakuna ng kanilang booster shots.

 
 

ni Lolet Abania | May 17, 2022



May na-detect nang local transmission ng Omicron subvariant BA.2.12.1 sa bansa. Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire, tatlong bagong kaso ng subvariant ang na-detect sa Western Visayas region.


Sa press briefing ngayong Martes, sinabi ni Vergeire na isa sa tatlo ay fully vaccinated na returning overseas Filipino (ROF) mula sa United States, habang ang dalawa ay local cases.


Sinabi ni Vergeire na sa dalawang local cases, ang isa ay fully vaccinated habang bineberipika pa ang isa. Umabot naman sa kabuuang bilang na 17 ang BA.2.12.1 cases sa bansa.


Ayon sa DOH, sa naturang bilang, 16 ay local cases – dalawa sa National Capital Region, 12 sa Puerto Princesa City, at dalawang iba pa sa Western Visayas. Isa pang kaso ay ROF na naninirahan sa Western Visayas.


Sa naturang briefing, ipinaliwanag naman ni Vergeire na ang local transmission ay hindi kapareho ng community transmission.


“Hindi pa ho ito community transmission kung saan malawakan na ang pagkalat kung kaya’t hindi na matre-trace ang linkages ng bawat kaso,” sabi ng opisyal.


Binanggit din ni Vergeire na nakikipagtulungan na ang DOH sa mga local governments upang mapaigting ang tinatawag na four-door strategy laban sa COVID-19.


“Pinapaalala po namin sa ating publiko ang pagpapairal ng disiplina sa pagsunod sa minimum public health standards, lalo’t higit dapat magpabakuna at tumanggap na ng booster shots upang manatiling protektado,” giit pa ni Vergeire.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page