top of page
Search

ni Lolet Abania | June 7, 2022



Pinayagan na ng gobyerno ang lahat ng establisimyento sa ilalim ng COVID Alert Level 1 na mag-operate ng 100 percent capacity kabilang na ang ibang mass gatherings, subalit para lamang sa mga full vaccination status.


Nitong Sabado, inamyendahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases ang ‘Guidelines on the Nationwide Implementation of Alert Level Systems for COVID-19’, kung saan aprubado na ang 100 percent capacity sa Alert Level 1, habang subject naman ito ng pagpapakita ng patunay ng full vaccination, “before participating in mass gatherings or entry into indoor establishments,” ayon kay acting Presidential Spokesperson Martin Andanar sa isang pahayag.


“[The IATF] recognizes the need to further identify the establishments and/or activities that are allowed to operate or be undertaken in Alert Level 1,” sabi pa ni Andanar.


Batay sa dating guidelines, ang mga indoor cinemas lamang ang pinapayagan na mag-operate nang full capacity ng IATF. Una nang inanunsiyo ng Malacañang na ang Metro Manila at marami pang lugar sa bansa ay mananatili sa ilalim ng Alert Level 1 hanggang sa kalagitnaan ng Hunyo.


 
 

ni Lolet Abania | June 4, 2022



Iminungkahi ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III sa papasok na administrasyong Marcos na huwag munang alisin ang ipinatutupad na face mask mandate kahit pa bumaba na ang bilang ng COVID-19 cases nang mas mababa sa 200 na naitala kamakailan.


Sa isang radio interview ngayong Sabado, sinabi ni Duque na maliban sa pagbabakuna ng tinatayang 70 milyong indibidwal laban sa COVID-19, ipapasa ng administrasyong Duterte sa susunod na administrasyon ang malawakang masking compliance ng mga Pilipino.


Batay ani Duque sa John Hopkins University, ang populasyon ng masking mandate compliance ay nasa 91% hanggang 96%.


“Huwag natin tanggalin ito muna. Premature eh,” diin ni Duque. “Let’s keep it at that. ‘Wag muna natin tanggalin ang ating mga mask lalo na nag-full capacity na ang transport sector, nag-full capacity na ang establishments,” sabi pa niya.


Giit naman ni Duque na sa kabila ng iba’t ibang super-spreader events sa katatapos na elections period at pagsulpot ng mga subvariants ng Omicron, hindi nagkaroon ng surge sa bilang ng mga daily cases ng virus.


“Nag-plateau tayo, mababa na ang mga kaso. Hopefully ay bumaba pa ito below 100 [cases] per day. Nakikita naman natin nasa less than 200 [per day] nitong mga nakaraang mga linggo,” saad ni Duque.


“Ibig sabihin niyan ‘yung masking mandate natin, pagsunod ng Pilipino sa minimum public health standards ay napakamataas,” pahayag pa niya.


Umaasa naman ni Duque na ipagpapatuloy pa rin ng susunod na administrasyon ang face mask mandate. Una nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang mandatong pagsusuot ng face masks ay ili-lift o aalisin sa Pilipinas kapag natapos na ang kanyang termino.


“Ipagpatuloy na lang ng susunod na administrasyon … ‘wag tanggalin completely,” pahayag ni Duque.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page