top of page
Search

ni Lolet Abania | June 16, 2022



Nagpositibo sa test sa COVID-19 si Supreme Court Associate Justice Maria Filomena Singh, ayon sa SC Public Information Office (PIO) ngayong Huwebes.


Batay sa SC PIO, si Singh, na fully vaccinated at natanggap na rin ang kanyang booster dose, ay nakaranas ng mild COVID-19 symptoms. Lumabas naman ang resulta ng kanyang test nitong Miyerkules, Hunyo 15.


Ayon din sa SC PIO, nananatiling nagtatrabaho si Singh habang nasa isolation. Ipinabatid naman ito ni Singh sa kanyang mga kasamahan at staff upang maisagawa ang kinakailangang pag-iingat.


Samantala, ang mga dumalo sa ginanap na SC en banc nitong Martes, Hunyo 14 ay sumailalim na sa self-quarantine at nakatakdang i-test matapos ang incubation period mula sa pagkakaroon ng exposure sa may COVID-19. Sa ngayon, sinabi pa ng SC PIO wala namang kinakikitaan sa mga ito ng mga sintomas.


 
 

ni Lolet Abania | June 15, 2022



Tuloy pa rin ang face-to-face classes para sa susunod na academic year kahit na ang alert status sa ilang mga lugar sa bansa ay itaas sa Alert Level 2, ayon sa Department of Education (DepEd) ngayong Miyerkules.


“Doon sa protocol natin, safe pa rin ang face-to-face classes as long as Alert Level 1 and 2. ‘Pag tayo ay nag-Alert Level 3, automatic na sususpendihin natin ang ating in-person classes,” pahayag ni DepEd Assistant Secretary Malcolm Garma sa isang radio interview.


Sa ngayon, ang National Capital Region (NCR) at marami pang lugar sa bansa ay isinailalim sa Alert Level 1 hanggang Hunyo 15.


Para sa “progressive expansion” phase ng face-to-face classes sa mga pampubliko at pribadong paaralan, ayon sa DepEd, dapat na ma-validate ang mga eskuwelahan bilang pagsunod sa standards ng School Safety Assessment Tool (SSAT) at matatagpuan ang mga ito sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Levels 1 at 2, base sa periodic risk assessment ng Department of Health (DOH).


Una nang sinabi ni DepEd Secretary Leonor Briones na inaasahan ng DepEd na lahat ng paaralan sa bansa ay magsasagawa na ng face-to-face classes ng Hunyo sa gitna ng COVID-19 pandemic.


Gayunman, binanggit ni Garma na ang opisyal na petsa ng pagpapatuloy o resumption ng face-to-face classes para sa susunod na school year ay iaanunsiyo pa ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. “Sa ating inilabas na pahayag, ang ating indicative phase na opening of schools ay August 24 pero hindi pa final date ‘yan,” saad ni Garma.


“Pero ‘yung mga private schools natin, pwede sila magbukas ng klase nang mas maaga doon sa takdang araw ng idedeklara ng ating Pangulo basta hindi ito mas maaga sa Hunyo at hindi magiging later than September,” dagdag ni Garma.


Sinabi naman ng opisyal na ang COVID-19 vaccination ay hindi required sa mga estudyante na lalahok sa in-person classes, subalit hinihikayat ang mga ito na magpabakuna.


Samantala, iginiit ni Garma na mga bakunadong mga guro lamang ang pinapayagan na magsagawa ng face-to-face classes, na may tinatayang 90% nila ay nakakumpleto na ng kanilang primary vaccine series.


 
 

ni Lolet Abania | June 15, 2022



Nagpositibo sa test sa COVID-19 si re-elected Ilocos Norte Governor Matthew Marcos Manotoc, ayon sa kanyang ina na si Senator Imee Marcos.


“My son, the governor of Ilocos Norte, has fallen ill with COVID once again,” ani Imee sa isang interview ng mga reporters ngayong Miyerkules.


Sinabi ng senadora na na-diagnosed si Manotoc ng naturang respiratory disease nitong Lunes, habang nasa maayos na kondisyon naman ang gobernador.


Kaugnay nito, kahit na may bahagyang pagtaas ng mga bagong nai-report na kaso ng COVID-19, ayon kay Sen. Marcos hindi dapat magpatupad ng bagong mga lockdowns, sa halip ipaalala sa publiko ang mahigpit na pagsunod sa minimum public health standards.


“No more lockdowns. Utang na loob. Ingat-ingat na lamang,” giit ng senadora. Gayundin, apela niya sa mga senior citizens na i-avail na ang mga booster shots na ibinibigay ng gobyerno upang maiwasan ang pagkalat pa ng coronavirus.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page