top of page
Search

ni Lolet Abania | June 26, 2022



Ipinagpaliban ng pamahalaan ang administrasyon ng unang COVID-19 booster dose para sa non-immunocompromised na kabataan edad 12 hanggang 17 dahil sa ilang “glitches” sa Health Technology Assessment Council (HTAC), ayon sa Department of Health (DOH) ngayong Linggo.


Sa isang interview, ipinaliwanag ni National Vaccination Operations Center (NVOC) chairperson at DOH Undersecretary Dr. Myrna Cabotaje na nagbaba ng kondisyon ang HTAC na ang mga healthy adolescents na 12-anyos hanggang 17-anyos ay maaari lamang bigyan ng kanilang booster shot kung ang booster coverage para sa mga senior citizens sa kani-kanilang mga lugar ay umabot na sa 40%.


“We were confident sana na after the immunocompromised, sisimulan na ang rest of the 12 to 17 booster. Kaya nga lang po, may isang recommendation ang HTAC na nakiki-bargain kami. Ang gusto nila, at least 40% ng first booster ng area ay sa senior citizen.


Alam naman natin na mababa ang first booster. Scientifically, may basis sila, pero operationally, nahihirapan kami,” pahayag ni Cabotaje. Nagsimula ang rollout ng unang COVID-19 booster dose para sa immunocompromised minors sa naturang age group nitong Miyerkules, subalit ginawa lamang ito sa mga ospital para na rin sa safety ng mga kabataan.


Ayon kay Cabotaje, sinusubukan pa rin nilang makipag-negotiate sa HTAC kaugnay sa nasabing kondisyon, habang umaasa silang makakapagdesisyon na ang mga ito ngayong araw, kung ang pagbabakuna ng booster shot para sa mga non-immunocompromised minors o mga kabataan edad 12 hanggang 17 ay magpapatuloy hangga’t naabot nila ang 5-buwang interval.


Base sa mga guidelines ng DOH, ang immunocompromised adolescents edad 12-17 ay maaaring makatanggap ng kanilang first booster kapag nasa tinatayang 28 araw nang na-administered ang second dose ng COVID-19.


Habang ang mga non-immunocompromised minors mula sa parehong age group ay kailangang maghintay ng tinatayang limang buwan matapos ang administrasyon ng kanilang second COVID-19 dose bago nila makuha ang unang booster shot.


 
 

ni Lolet Abania | June 25, 2022



Limang lugar sa National Capital Region (NCR) ang idineklara ng Department of Health (DOH) na nasa moderate risk matapos ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga COVID-19 cases.


Sa interview sa Laging Handa briefing ngayong Sabado, inanunsiyo ni DOH spokesperson at Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang mga sumusunod na lugar na isinailalim ngayon sa moderate risk classification:


• Pasig

• San Juan

• Quezon City

• Marikina

• Pateros


Ayon sa DOH, ang isang lugar na naka-classified bilang moderate risk kung ito ay may positive two-week growth rate sa bilang ng mga COVID-19 cases at average daily attack rate (ADAR) sa pagitan ng 1 hanggang 7.


Ang ADAR ay insidente na nagpapakita ng average number ng mga bagong kaso sa isang period kada 100,000 katao.


“Kapag tiningnan natin, ang kanilang mga growth rate ay lumalagpas ng 200% kasi nanggagaling sa mababang numero, biglang nagkaroon ng kaso kaya tumaas ang growth rate,” paliwanag ni Vergeire.


Gayunman, sinabi ni Vergeire na isa lamang sa limang nabanggit na lugar ang mayroong bahagyang pagtaas sa kanilang hospital utilization na may mild at asymptomatic admissions.


“Even though these five areas are under moderate risk classification, only one of them had a slight increase in hospital admissions and the rest are less than 50%,” pahayag ni Vergeire na pinaghalong Filipino at Ingles.


Subalit aniya, sa kabila na ang NCR ay mayroong tinatawag na “slightly high” positivity rate ng mahigit sa 5%, hindi pa nakikita ng DOH na kailangan na ng rehiyon na i-escalate ito sa mas mataas na alert level dahil mas tinitinggan ng gobyerno ang mga naire-record na hospital admissions. “Escalation to Alert Level 2, hindi pa ho natin nakikita,” ani Vergeire.


“Even though the positivity rate is increasing, as long as we can maintain our hospitals not getting overwhelmed, as long as there are less severe and critical [cases], our system is okay,” dagdag niya.


Ayon pa sa opisyal, hindi rin kailangan na maalarma sa pagtaas ng kaso ng COVID-19. “Hindi po kailangan mabahala, pero kailangan vigilant tayong lahat,” sabi ni Vergeire.


Nitong Miyerkules, sinabi ng DOH na ang Pilipinas ay nasa low risk pa rin ng COVID-19 kahit pa nakapag- record ng kapansin-pansing pagtaas ng coronavirus cases.


Paliwanag ni Vergeire, ang low risk ay ang ADAR na nananatiling mas mababa sa 1 kada 100,000 populasyon.


 
 

ni Lolet Abania | June 22, 2022



Nakapagtala ng 32 bagong kaso ng mas nakahahawang Omicron subvariant BA.5, kaya umabot na ito sa kabuuang 43 cases sa bansa.


Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang 21 ay mula sa Western Visayas, apat sa Calabarzon, apat sa National Capital Region (NCR) at tatlo sa Central Luzon.


Ang mga kaso sa Western Visayas, ani Vergeire, siyam dito ay mula sa workplace cluster at tatlo mula sa household cluster.


Sinabi rin ni Vergeire, 30 sa mga kaso ay fully vaccinated na laban sa COVID-19, isa ang nakatanggap ng first dose habang ang vaccination status ng isang kaso ay bineberipika pa.


“Sa kasalukuyan hindi pa natutukoy ang exposure ng mga individuals at inaalam pa natin ang mga travel history ng mga ito,” saad ni Vergeire sa media briefing ngayong Miyerkules.


Binanggit naman ni Vergeire na 22 sa mga pasyente ay naka-develop ng mild symptoms, 5 ang asymptomatic, habang ang status ng natitirang kaso ay bineberipika pa.


Gayundin aniya, 16 sa mga kaso ang nakarekober na, 14 ay nananatili sa isolation, habang inaalam pa ng ahensiya ang quarantine status ng dalawang kaso. Ayon pa kay Vergiere, wala namang bagong kaso ng BA.2.12.1 Omicron subvariant na na-detect sa bansa.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page