top of page
Search

ni Fely Ng @Bulgarific | Mar. 6, 2025



PhilHealth

Hello, Bulgarians! Ang PhilHealth ay nakatuon sa holistikong pagtugon sa mga pangangailangan sa healthcare ng bawat Pilipino.


“Nais naming ipaabot na kahit hindi nakikita ang inyong daing, may PhilHealth na magbibigay ng suporta at alaga sa iyo. Ito po ay alinsunod sa mga prayoridad ng ating Pangulong Marcos,” saad ni Dr. Edwin M. Mercado, PhilHealth Acting President and CEO. 


Sa pamamagitan ng Outpatient Benefits Package ng PhilHealth para sa Mental Health [PhilHealth Circular 2023-0018], ang mga miyembro at dependent na may edad 10 pataas, ay maaari na ngayong ma-access ang mga serbisyong sumasaklaw sa mga paunang pagsusuri, follow-up na konsultasyon, diagnostic test, at psychosocial support. Sinasaklaw nito ang mga kondisyon tulad ng depression, psychosis, epilepsy, mga karamdaman sa pag-iisip at pag-uugali ng bata at kabataan, dementia, at mga panganib sa pananakit sa sarili o pagpapakamatay, bukod sa iba pa.


Dahil dito, ang mga nangangailangan ng espesyal na pangangalaga ay binibigyan ng access sa mga interbensyon mula sa mga psychiatrist, neurologist, at psychologist. Nagbibigay ang PhilHealth ng taunang coverage ng Php9,000 para sa pangkalahatang serbisyo sa kalusugan ng isip at Php16,000 para sa espesyal na pangangalaga.


Maaaring ma-access ng mga miyembro ang mga benepisyong ito sa anumang accredited facility na nagbibigay ng general mental health services. Kabilang sa mga pasilidad na ito ang mga rural health units (RHUs), city o municipal health offices, Level 1 at 2 hospitals, Department of Health (DOH) Medicine Access Program-mental health access sites, at stand alone mental health clinics.


Sa kabilang banda, ang mga espesyal na serbisyo sa mental health ay puwedeng ma-access sa mga akreditadong Level 2 at 3 hospital na may specialized staff, custodial care facilities, at mga national specialty center na identified ng DOH.


“We recognize the importance of accessible mental health services for every Filipino. Kaya naman, katuwang din natin ang Kagawaran ng Kalusugan sa patuloy pang pagpapalawig ng ating mga serbisyo para sa kalusugang pangkaisipan. We are calling for more providers to participate and make these services within reach of Filipinos with mental health struggles,” dagdag pa ni Dr. Mercado.  


Higit pa sa Mental Health package, hinihikayat ng PhilHealth ang mga indibidwal na nakararanas ng mental health distress na gamitin ang mga available na 24/7 crisis hotlines, kabilang ang National Center for Mental Health hotline sa 0917-899 8727 o 989-8727, para sa agarang counseling.


Ang PhilHealth ay nananatiling nakatuon sa pagpapalakas ng imprastraktura ng serbisyo sa mental health ng bansa at pagtiyak na ang de-kalidad na pangangalaga ay naa-access sa lahat ng Pilipinong nangangailangan nito. Para sa iba pang mga katanungan sa MH benefit package at mga benepisyo, maaaring tawagan ng mga miyembro ang sumusunod na 24/7 touch point: (02) 866-225-88; mobile numbers 0998-857-2957, 0968-865-4670, 0917-1275987 o 0917-1109812.



Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.

 
 

ni Fely Ng @Bulgarific | Feb. 16, 2025



PhilHealth Anniversary

Hello, Bulgarians! Ang newly-appointed President at CEO ng PhilHealth na si Dr. Edwin M. Mercado, kasama ang 9,000 opisyal at empleyado mula sa buong bansa ay ipinagdiwang ang ika-30 taong anibersaryo ng state insurer sa isang solemn Eucharistic Mass noong Pebrero 14 at si Father Jerry Orbos, SVD, ang nangasiwa nito.


Upang masunod ang direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa pagtiyak na walang hadlang na mga serbisyo, ang misa ay nasundan ng isang board meeting na pinamunuan ni Health Secretary Teodoro Herbosa. Tinalakay ang mga isyu sa critical policy, na tumutugon sa parehong mga pangangailangan ng mga provider at miyembro.


“Nais nating tapatan ng buong pusong paglilingkod ang mainit na pagtanggap ng ating stakeholders, public health and medical communities, at lalung-lalo na ng mga kawani ng PhilHealth na siyang katuwang natin upang mas palawigin pa ang ating serbisyo,” pahayag ni Mercado.


Tatlumpung taon mula nang mabuo, ang PhilHealth ay nananatiling nakatuon sa paghahatid ng de-kalidad at mas tumutugon sa pangangalagang pangkalusugan para sa lahat ng Pilipino.


Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.

 
 

ni Fely Ng @Bulgarific | Feb. 7, 2025



GSIS

Hello, Bulgarians! Maglulunsad ang Government Service Insurance System (GSIS) ng mas pinagaang na sistema sa pagtutuos ng penalties para sa mga hindi nabayarang loan ng mga miyembro.


Layunin ng bagong polisiya na tulungan ang mga miyembrong may unpaid loan na makabangon sa kanilang pagkakautang, habang hinihikayat din silang magbayad nang tama sa takdang oras.


Para mas madaling maintindihan ng mga miyembro ang kanilang babayaran, gagamitin ang simple interest sa pagkukuwenta ng penalties sa hindi nabayarang hulog ng loan. “Nauunawaan namin ang kalagayan ng aming mga miyembro, lalo na sa panahong mahirap ang gastusin,” pahayag ni GSIS President at General Manager Wick Veloso.


“Kaya naman gagawin naming mas simple ang pagtutuos ng penalties para malinaw sa kanila kung magkano ang dapat bayaran,” aniya.


Dahil dito, maibabalik sa magandang katayuan ang mga loan sa GSIS sa pamamagitan ng pagbabayad ng lahat ng hindi nabayarang hulog, kasama na ang penalties.


Para naman sa mga hindi kayang bayaran ang kabuuang halaga nang agaran, tatanggap ang GSIS ng partial payments para sa mga loan na hindi nabayaran nang hanggang anim na buwan.


Ang bagong sistemang ito ay magbibigay-daan sa mga borrower na mapabuti ang kanilang credit standing at magkaroon ng pagkakataong muling makapag-apply ng GSIS loans.


Sakop ng ilulunsad na patakaran ang lahat ng natitirang balanse ng mga aktibo at hindi aktibong miyembro, maliban sa service loans na nabayaran na.


Kasalukuyang inihahanda ng GSIS ang mga alituntunin para sa bagong polisiyang ito at iaanunsyo ang mga detalye sa lalong madaling panahon.


“Ang pagbabagong ito ay patunay sa pangako ng GSIS na bigyang ginhawa ang aming mga miyembro. Tinitiyak naming patuloy ang ‘Ginhawa for All’ sa lahat ng aming serbisyo,” dagdag ni Veloso.

Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page