top of page
Search

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | September 28, 2020



Hindi masamang maging friendly sa mga banyaga, pero pagdating sa mga prebilehiyo, lalo na sa libreng edukasyon o ‘scholarship ng bayan’, Pinoy ang dapat na makinabang!

Biruin ninyo, ayon sa sumbong sa atin, ang enrollment quota sa mga SUC o state universities and colleges ay napupunta lang sa mga dayuhang estudyante. Dapat sana, ang libreng edukasyon sa kolehiyo ay laan lang sa mga Pilipino, partikular na sa napakamagastos na kursong medisina, lalo na ngayong may pandemya na need natin ng mga doktor.

Reklamo to the max ang mga mahihirap na Pinoy na estudyante. Aba, eh, super dami na raw ang mga dayuhang estudyante sa mga SUC na kaagaw pa raw nila sa mga scholarchip. Hello! Tama ba ‘yan? Eh, ‘di raw mapigil ng Commission on Higher Education kasi aprub ng mga opisyal ng mga SUC.

Ayon sa Bureau of Immigration, nasa 26,000 ang foreign students sa bansa pero hindi tukoy kung ilan ang kasalukuyang nag-aaral ng medisina sa walong SUCs. Bukod pa riyan, may tatlong SUCs na nasa proseso na ang aplikasyon sa kursong medisina. Aba, agapan na ‘yan, plis lang!

Hay naku, mababalewala lang ang pagsisikap nating madagdagan ang mga doktor ng bayan at malulustay lang sa mga dayuhan, lalo na’t may itinutulak na “Doktor Para sa Bayan Bill” sa Senado na magpapalawak sa medical scholarship.

Bakit kasi kapag imported o banyaga, turing ng iba, eh, superstar sila? ‘Susmarya, tama na ‘yan. Eh, mula ulo hanggang paa, simula sa shampoo, toothpaste, damit o t-shirt, jeans hanggang tsinelas, imported. Pati ba naman sa edukasyon, bida-bidahan ang mga banyaga? ‘Kaloka!

Well, IMEEsolusyon para matigil na ang commercialization ng edukasyon at pagtanggap ng mga foreign students sa mga eskuwelahan ng bayan, eh, repasuhin ang mga panuntunan at seguruhin na mga mamamayan natin ang uunahin!

Dapat bantay-sarado at i-chika ng mga medical student sa gobyerno ang mga SUC na pinapa-eksena ang mga foreign students sa libreng edukasyon! Reminder SUCs, hindi foreign students ang priority kundi mga Pinoy! Agree?

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | September 25, 2020



Ilang linggo na lang, Oktubre na at umpisa na ang online classes, kaya nagkukumahog at tuliro na ang mga nanay kung paano sila makakaremedyo ng pang-online gadget ng kanilang mga anak! Juskoday!


Eh, biruin n’yo ha, ang nanay na may tatlong anak, paano pagkakasyahin ang araw-araw nilang badyet sa pagkain, kuryente, tubig, dagdag pa ang online learning na mangangailangan ng gadgets? Saan na naman magreremedyo ang mga nanay, na ang iba nga, eh, jobless pa ang mga mister dahil sa pandemya. Nakakalokah!


Sakit sa bangs! Kung may three kids ka, dapat may P25-K ka para makabili ng dalawang laptop at para sa internet connection. Eh, saan naman sila manghaharbat, waley sila anda! Santisima! Hay nako, tiyak loan to the max, takbo sa bawal na “5-6”, hanap ng mga pipitsuging gadgets o mga second-hand. Que Horror!


Hayyy, feel ko mga nanay, pero may ImeeSolusyon ‘yan! ‘Yung mga gadgets na nasabat ng Bureau of Customs, kesa sirain, ibenta o isubasta, aba, eh, itulong na lang sa mga nanay at ipamigay sa mga estudyante.


Good news, mga mudra! Nakinig sa ‘tin ang BOC, iimbentaryuhin daw muna nila ang mga gadgets. After 15 days na hindi nag-claim ang mga importer sa mga kawat na gadgets, eh, puwede na ‘yun ipamigay ng Customs. Bongga!


Ayon sa BOC, nasabat ang halos 29.5 tons ng mga selpon, storage devices at electrical items na walang mga clearance mula sa Bureau of Product Standards, National Telecommunications Commission at Optical Media Board.


Last year, may P100 million na mga selpon, baterya ng selpon at tablets mula Hong Kong ang nasabat sa Clark Freeport Zone sa Pampanga. Meron ding P15 million na mga second-hand na selpon, lithium batteries at phone accessories mula South Korea ang nasamsam sa airport sa Manila.


Oh. ‘di ba, ang dami niyan, ha? Kahit may pandemya, keri natin ang problema sa online learning, basta tulung-tulong, may ImeeSolusyon!

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | September 23, 2020



Para sa mga jobless: Nakalahok ba kayo sa job fair ng Civil Service Commission nitong mga nakaraang araw? A big wow!


Well, nakatutuwa lang na after silang madikdik sa natengga at napabayaang mga bakanteng puwesto sa gobyerno ng ilang dekada nga ba? Presto, hayan na ang resulta!

Medyo rewind lang tayo ng kaunti. Kamakailan, naka-meeting natin ang CSC dahil gusto nating itulak ang budget para sa ahensiya. Siyempre, mega-busisi tayo sa idedepensang ahensiya para magka-budget, ‘di ba?!


Nakagugulat na may 178,000 palang bakanteng puwesto sa gobyerno, at nasa mahigit 269,000 ang permanenteng posisyon sa gobyerno ang natengga rin for a long time o bakante pa! ‘Susmarya, hindi agad ito napakinabangan at napabayaan lang!


Nakapanghihinayang ang mga puwestong ito lalo na ngayong nasa gitna tayo ng COVID-19 pandemic. Nasa mahigit 4-milyon as of August ang mga jobless o nawalan ng trabaho bunsod ng pagsasara ng mga kumpanya dahil sa kaliwa’t kanang lockdown at community quarantine!


Nalaman din nating inaamag na sa puwesto ang maraming empleyado ng gobyerno at deka-dekada nang ginagawa ang trabahong pang-regular, pero never silang naging permanente dahil daw hindi sila eligible? Hmmm...


Kaya naman, eksena to the max at ImeeSolusyon agad ang peg at nagrekomendang gawan na agad ng paraan ang libu-libong bakanteng puwesto na ‘yan at nakiusap sa CSC na ayusin na ang isyu ng eligibility sa mga ke-tatagal nang government employees na nanatiling contractual o bahagi ng End of contract o Endo.


Alam na, hindi natin ma-take na mismong gobyerno ang promotor sa Endo, kaya’t super-push tayo na tigilan na ang ‘Endo’ sa gobyerno. Sa kabila nito, nakakatuwa na responsive ang CSC.


Mabuti na lang aksiyon agad sila, or else, madadale ang kanilang badyet, meaning, mahihirapan tayong depensahan sila para magkabadyet kung maraming alingasngas. Hay, parang pako lang pala na kaunting pukpok, eh, babaon na ang ImeeSolusyon!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page