top of page
Search
  • BULGAR
  • Nov 23, 2020

Baha at iba pang sakuna dulot ng climate change, try natin ang ‘sponge cities’ na ginawa sa India at China!

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | November 23, 2020



Kada taon, humigit kumulang dalawampung bagyo ang pumapasok sa Philippine Area of Responsibility o PAR, at lima sa mga ito ay lubhang mapaminsala.


Ang Pilipinas ay nasa tinatawag na Typhoon Belt at madalas sa atin unang nagla-landing ang mga bagyong galing sa Pacific Ocean.


Palagi namang nakapaghahanda ang ating gobyerno at mga residente laban sa kalamidad, pero palagi ring kulang at nabibiktima pa rin tayo ng baha at mga landslide.


Alam natin ang nakakaalarmang kapabayaan sa pamumutol ng mga puno at kakahuyan sa paligid ng mga watershed at dam. Kaya ‘di malayong bumigay ang lupa lalo na kapag may bagyo dahil sa kalbo na ang mga bundok, ‘di ba?


Bukod pa riyan, eh, kahit anong dredging ang gawin natin taun-taon sa mga ilog at mga lawa, hindi pa rin makontrol ang mga baha na namiminsala at sanhi ng pagkasawi ng ilan nating kababayan lalo na nitong katatapos na Bagyong Ulysses. Pero ‘wag tayo sumuko, hanap lang ng paraan.


IMEEsolusyon na nakikita ko ay ang gumawa tayo ng sarili nating bersiyon ng tinatawag na “Sponge Cities” upang maibsan ang pinsala ng mga baha na pinatitindi ng climate change.


Ang estratehiyang ito’y kabibilangan ng pinagsama-samang mga imprastruktura ng tubig, mula sa pinagbagsakan ng ulan patungo sa water treatment facilities. Ang layunin nito ay makontrol ang baha at makaipon din ng tubig para gawing tubig-inumin o panlinis.


Ang mga aspaltadong kalsada at sidewalk na gawa sa mga buhaghag o mga may maliliit na butas sa ibabaw ay dapat ding subukan sa mga lungsod para masipsip nito ang ulan o baha. Keri ‘yan!


At sa ilalim ng konseptong Sponge Cities, gumawa pa tayo ng mas maraming flood control project tulad ng floodway at spillway kung saan padadaluyin ang tubig baha papunta sa karagatan o sa Manila Bay para hindi umapaw ang mga lawa at ilog at bumigay ang mga embankment at dike.


Take note, ha, ang Sponge Cities na ‘yan ay 70’s pang proyekto ng gobyerno partikular ‘yung Parañaque Spillway, pero hindi itinuloy ng mga sumunod na administrasyon. Bakit nga ba? Sayang naman.


FYI, tagumpay na pangontra sa flashflood ang Sponge Cities sa China at India. Kung gumana sa kanila, why not sa atin? Kaya subukan natin! Agree?

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | November 20, 2020



Mala-“Ondoy” ang bagsik ng katatapos na Bagyong Ulysses na nanalanta sa Metro Manila at mga karatig lalawigan, habang nagmistulang Pacific Ocean naman ang Cagayan at Isabela dulot ng baha at sa pinakawalang tubig ng Magat Dam. ‘Kaloka!


Nakapaghanda naman ng maaga ang ating gobyerno sa bagyo, pero maaaring hindi sapat. Ibinalik lang ni “Ulysses” ang nakakatakot na karanasan nating lahat sa “Ondoy”, lalo na sa bahang dulot ng mga pinakawalang tubig sa mga dam. Grabe, ‘di ba!


Hay nako, pabalik-balik lang ang sitwasyon natin tuwing may kalamidad at bagyo. Palaging may kulang, palaging may pagpa-panic, at never pa nating naranasan ang zero casualty kapag may malalakas na bagyo.


Pero no worries, may IMEEsolusyon tayo. Unang-una, i-improve natin yang mga deka-dekada nang napabayaang mga dam na tila mga senior citizen na marurupok na ang mga buto. It’s about time na ayusin na ang mga dam para hindi agad bibigay gaano man kalakas ang mga darating pang bagyo.


IMEEsolusyon din na protektahan ang kalikasan at ibalik ang Green Revolution. Naabuso na kasi ang ating kalikasan at tila nakalilimot na tayo sa pagbibigay-proteksiyon sa mga watershed sa paligid ng mga dam. Kung walang puno, lalambot ang lupa na kinatatayuan ng mga dam. At ang sariwang tubig na iniinom natin, dulot ‘yan ng mga puno at mga tanim. Agree?


Isa pang IMEEsolusyon, itutulak nating imbestigahan sa Senado kung ano talaga ang nangyari kung bakit nagka-flashflood sa Cagayan. Hindi para mag finger-pointing kundi para mabatid kung may mali at may pagkukulang lalo na sa pagbibigay abiso sa mamamayan.


‘Wag lang tayong mawalan ng pag-asa, laban lang lalo na sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay at patuloy na nire-rescue sa mga baha. Maaalpasan natin ang mga pagsubok na dulot ng kalamidad.


Kapit lang sa isa’t isa, magiging magaan ang lahat, pribado mang indibidwal o nasa gobyerno. Saka na ang pamumulitika at turuan, unahin muna ang pagtutulungan! Keri natin ‘yan!

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | November 16, 2020



Sa gitna ng krisis sa bigas, kailangang maging maparaan para matulungan ang ating mga magsasaka.


Kaawa-awa sila dahil hanggang ngayon, bagsak pa rin ang halaga ng palay na umaabot na lang sa P7-P12 kada kilo. Pinalala pa ng sunud-sunod na bagyong nanalasa sa mga palayan. Dumapa ang mga tanim at halos wala nang mapakinabangan.


Ang alternatibong nakikita ko para matulungan ang ating mga magsasaka ay ang organic farming at pagtatanim ng moringa o malunggay.


Alam n’yo bang may investor sa Japan na kumukuha ng mga pinatuyong dahon ng malunggay?


Pero, since marami pang kailangang requirements, hindi pa agad-agad makapag-export ng malunggay ang ating mga magsasaka.


Nakausap na natin ang DSWD at handa silang bilhin ang mga dahon ng malunggay sa mga magsasaka para patuyuin at gawing powder na siyang sangkap sa mingo meals o instant blended meals para sa mga bata.


Bukod pa riyan, kalauna’y gagawin ring sangkap ang moringa sa bagong bersiyon ng nutribun. Kung natatandaan ng mga oldies d’yan, ginamit itong food supplement noong kapanahunan ng aking ama para maprotektahan ang mga bata kontra malnutrisyon.


Kinausap na natin ang DOST at binanggit nilang kumpleto na sa protina ang moringa. Daig pa nito ang gatas at ilang pagkain na mayaman sa nutrients.


Pasalamat din tayo sa DOST kasi handa raw silang magbigay ng equipment. At, in fairness, ang DTI tutulong naman sa packaging.


Kaugnay niyan, ang IMEEKabuhayan Cebu Chapter ay mamamahagi ng 35,000 na binhi o seeds ng pananim na malunggay sa bayan ng Consolacion, Cebu.


Ang malunggay seeds ay donasyon ng Association of Sto. Nino Homeowners, San Lorenzo Homeowners at Little Tokyo Homeowners sa ilalim ng SUMAKA Federation.

Sinundan din natin ito ng pamamahagi ng malunggay cuttings sa Marikina City at Caloocan City.


Kaya naman, mga nanay, pati na ang mga kabaro nating beki na gustong magkaroon ng pagkakakitaan ngayong panahon ng pandemya at kalamidad — kung medyo hirap sa pagsasaka ng lupa ang ating padre de-pamilya, puwede tayong tumulong sa pagpa-powderize ng mga malunggay at maging sa packaging.


Gora na tayo sa moringa! Sagot na sa malnutrisyon, makatutulong pa sa magsasaka. At may pagkakakitaan pa ang ibang miyembro ng pamilya.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page