top of page
Search

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | December 9, 2020



Ilang araw na lang, Pasko na pero milyong Pinoy pa rin ang walang trabaho. Ayon sa huling survey ng Philippine Statistics Authority (PSA), mahigit tatlong milyon ang unemployed nating mga kababayan. ‘Kalokah!


Meron mang job fair ang Department of Labor and Employment o DOLE na may alok na mahigit dalawampung libong trabaho sa ‘Pinas at sa abroad, wala pang isang porsiyento ito sa 3.8 million (o 8.7%) jobless Filipinos na nasa labor force.


At kahit may nababalita ng mga bakuna kontra sa COVID-19, paano naman ang mga trabaho at ekonomiya natin?


Natali na tayo sa mga pansamantala o band-aid solution tulad ng tinatawag na TUPAD, CAMP at cash for work programs, pero hindi pa rin ito sapat.


At kahit ang latest jobless rate ay mas mababa kaysa sa naitala noong Abril, hindi pa rin ito ang normal dahil ang unemployment rate ng kaparehong panahon noong 2019 ay 4.6% lamang.


Ang natatanging IMEEsolusyon dito ay kailangang bumalangkas na ang pamahalaan ng “national policy” para sa “job recovery”. Dapat kasabay ito ng pagkakaroon ng bakuna. ‘Ika nga, walang iwanan, dapat sabay-sabay. Agree?


At habang wala pang bakuna, nananawagan tayo sa ating pamahalaan at mga ahensiya ng gobyerno na isabay na nga ang nasabing “national policy” para sa long term plan. Kung paano magkakatrabaho ang maraming Pinoy, dapat maging sistema ito.


Sana, bago matapos ang taon, maisagawa na ito para siguradong ‘pasok sa banga’ at pagdating ng 2021, umuusad na tayo. Kaya sa mga kasamahan ko sa gobyerno, plis lang, ‘wag nang magpatumpik-tumpik pa. Gora na!

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | December 7, 2020



Papasok na ang 2021, at tila matatagalan pa bago tayo bumalik sa normal. Kaya yakapin na natin at paghandaan ng todo ang tinatawag nating new normal.


Meaning, puro virtual at online pa rin ang mamamayagpag hanggang sa susunod na taon dahil matagal-tagal pa ang laban natin kontra sa COVID-19. Hangga’t wala tayong bakuna para sa virus, tiis-tiis tayo para iwas sa COVID!


‘Yun nga lang, tila palaging naghihingalo ang ating mga internet connection, juskoday! Eh, mas marami pa yatang buffering o interruptions, at super-hina ng signal although nakakaraos naman. Pero sa ating mga Pinoy, hindi dapat ganyan na hanggang nakakaraos, okay lang. Mag-effort naman ang mga telco na pagandahin ang serbisyo nila!


Kung tutuusin, kulelat talaga tayo sa ating mga kapitbahay sa Asia pagdating sa internet. Palagi nating pinupukpok at inuurirat ang ating mga IT experts at telcos, pero tila baga tayo sirang plaka lang sa kakukulit natin para sa maayos na speed at internet connection. Eh, walang-wala tayong panama sa Vietnam, santisima! Sana all!


Magmula sa mga eskuwelahan, mga iba’t ibang ahensiya ng ating gobyerno, hanggang sa ating mga bahay, ang hirap kumonek sa internet. Kahit sa data na lang, super-hina talaga at palyado ang signal. Kahit saan, makaririnig ng reklamo at nababalaho ang ating mga trabaho at responsibilidad kasi nga everything is online and virtual na, ‘di ba! Sakit sa bangs ang bagal!


Pero no worries, mga friendship, may IMEEsolusyon tayong naiisip. Kailangan mag-invest rin ang ating pamahalaan sa IT o sa telcos. Dapat talaga mabigyan ito ng budget. It’s about time na may sariling internet service provider ang gobyerno na pag-aari ng taumbayan. Mahirap kaya ang umaasa na lang tayo forever sa mga pribadong kumpanya na ang pangunahing objective ay kumita.


Target nating mawasak na ang digital divide sa ‘Pinas. At kapag everything sa internet, eh, super-bilis na ang koneksiyon, ‘speedy gonzales’ na rin ang serbisyo-publiko ng mga ahensiya ng ating pamahalaan. At higit sa lahat, bibilis din ang usad ng ating ekonomiya. Agree? Keri natin ‘yan. Push natin ‘yan, ‘te!

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | December 4, 2020



Ano ba ang mas importante, sabong o edukasyon? Hay nako, nakapagtataka kung bakit ba inunang payagang buksan ang mga sabungan kaysa eskuwelahan! Bakit nga ba?


Grabe to the max naman at lumalabas mas essential pa ngayon ang pagsusugal kaysa eskuwelahan, nako ha! ‘Wag ganyan. Eh, biruin n’yo naman — mas maraming COVID cases sa ibang bansa kesa ‘Pinas, pero bukas na ang mga eskuwelahan sa kanilang lugar.


Kung tutuusin, nakaka-8 weeks na ang mga modules sa online learning pero paulit-ulit pa rin ang problema. Bukod sa kakulangan ng modules, hirap ang mga magulang sa pagsagot sa mga aralin, hindi makadalo sa online classes dahil walang pang-load, mahina ang signal o wala talagang signal. Juskoday!


IMEEsolusyon natin d’yan ay buksan na ang face-to-face classes! Pero nililinaw natin, ha, hindi ito in general kundi roon lang sa mga eskuwelahang may kakayahang magpatupad ng health protocols kontra sa pagkalat ng COVID-19.


Bukod d’yan, gawin ang pagbubukas ng mga face-to-face classes sa mga lugar na wala nang naitatalang kaso o kakaunti na lang ang kaso ng virus. ‘Di ba?! Hindi natin sinasabing buong Pilipinas ito. Agree?


Kumpiyansa naman tayong istriktong masusunod ng mga eskuwelahan, guro at estudyante ang mga pagsusuot ng face mask at face shield, gayundin ang mga physical distancing sa mga silid-aralan, tamang paghuhugas ng mga kamay, bentilasyon, priority testing at tracing.


Naniniwala tayong mas safe ang mga titser sa mga paaralan, at ito ang pinakaligtas na lugar para sa mga bata sa panahong may pandemya. Wala naman naitala o naipahayag, at ‘di rin napatunayang superspreader ng virus ang mga schools, ‘di ba?


Saka may psychological effect pa sa mga bata kapag online lang nag-aaral. Meron pang napaulat na nag-suicide raw? Iba lang talaga ang face to-face interaction ng mga estudyante. Kaya wish nating i-consider ito ng DepEd at ng IATF. Plis lang!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page