top of page
Search

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | December 30, 2020



Magpapalit na ng taon at pagpasok ng 2021, maraming hamon ang ating haharapin bukod sa COVID-19.


Isa na riyan ang kapakanan ng ating mga OFWs na napapabalita na namang nabibiktima ng human trafficking.


Kamakailan, natanggap ng ating opisina ang hinaing ng ilang OFWs na na-recruit sa Morroco. Sila raw ay nakararanas ng pang-aabuso ng kanilang mga employer.


Nand’yan ‘yung napipilitan silang magtrabaho kahit hindi sila pinapasuweldo dahil hinahawakan ng kanilang mga amo ang kanilang pasaporte bukod sa sinasaktan pa sila.


Tulad ng dinaranas ng ibang mga kababayan nating nagtatrabaho sa Middle East, inaabuso rin sila ng kanilang mga amo. Eh, ano ba ang ginagawa ng ating mga opisyal na itinalaga sa Morocco?


IMEEsolusyon para hindi na maulit ang mga ganyang insidente, eh, plis naman, habulin at pitikin ng mga awtoridad ang mga recruitment agency na walang assurance na ibinibigay sa kaligtasan ng ating OFWs.


Bukod d’yan, sa ating mga embahador sa bawat bansa na may OFW, ‘wag naman kayo magpabaya. Pakibilisan ang pag kilos at ‘wag hintaying lumalala pa ang sitwasyon. Tama na ang “mañana habit” o “bukas na mentality”. Buhay at kaligtasan ng kapwa natin Pilipino ang nakataya rito.


Well, hindi natin matitiis ‘yan at sa pagbubukas muli ng sesyon ng Kongreso sa Enero, magpa-follow up tayo sa kanilang kalagayan. ‘Wag naman pangako na palaging napapako na aasikasuhin sila, gawin na ASAP!


Remember, sila’y tinagurian nating mga bagong bayani at hindi matatawaran ang kontribusyon nila sa pag-unlad ng ating bansa.

 
 

Tiyaking ‘no special treatment’ at walang whitewash!

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | December 28, 2020



Nakalulungkot ang halos walang patumanggang pagpatay at pagdukot sa mga abogado at hukom nitong mga nakaraang buwan. Ito kaya ay nagkataon lang o sadyang pinupuntirya ng mga masasamang loob ang ating legal community?


Iba’t iba man ang motibo, lubhang nakaaalarma na ang dalas ng mga walang saysay na pamamaril. Nasa gitna na nga tayo ng krisis dahil sa pandemya, sakuna at mga kalamidad, dagdag-pasakit pa sa ating bansa ang ganyang mga barbaric na gawain. Ano ba ang nangyayari?


Noong Enero, pinatay si dating Batangas congressman Edgar Mendoza at driver-bodyguard niya sa Tiaong, Quezon dahil umano sa away sa pera.


Super-shock din para sa mga miyembro ng komunidad ang sunud-sunod na pagpaslang kina dating Camarines Sur RTC Judge Jeaneth Gaminde, Manila RTC Judge Maria Teresa Abadilla at ang mga abogadong sina Eric Jay Magcamit at Joey Luis.


Bilang senador, kasama natin ang mga abogado sa paggawa ng mga panukalang batas kaya’t tayo ay lubos na nakikisimpatiya sa kanilang pangamba para sa kanilang kaligtasan.


IMEEsolusyon para riyan ay ang paghain natin ng Senate Resolution No. 593 upang magkaroon ng masusing pag-imbestiga sa mga nabanggit na kasong hanggang ngayon ay hindi pa nareresolba.


At kung kinakailangang maghain pa ng mga panukalang-batas na magbibigay-proteksiyon sa mga judge, abogado at nagtatrabaho sa hudikatura, gagawin natin ‘yan.


IMEEsolusyon din ang doblehin ng mga awtoridad ang effort sa pag-imbestiga sa mga krimen, at kasuhan agad ang mga may sala!


At pakiusap sa kinauukulan, kung may malalaking tao na masangkot sa krimen, tiyaking ‘no special treatment’ at walang whitewash!


‘Wag nating hintaying masundan pa at madagdagan ang mga unsolved crimes, plis lang. ‘Wag natin hayaang lalong lumakas ang loob ng mga kriminal na ‘yan dahil hindi sila nahuhuli! Bigyan natin ng agarang hustisya ang mga nasawi. Now na!

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | December 21, 2020



Matapos ulanin ng kaliwa't kanang reklamo ng mga motorista, tila atras-abante ngayon ang implementasyon ng RFID (Radio Frequency Identification).


Sa ganang akin, malaki talaga ang naging kakulangan kaya pumalpak ang pagsasagawa ng tinatawag na cashless payment sa mga expressway.


Sa halip na makatulong ang sistemang ito para makaiwas na mahawa sa COVID-19 dahil sa pag-alis ng palitan ng pera, nagdagdag lang ito ng problema para magsikip ang daloy ng trapiko sa NLEX at SLEX.


Dulot ng hindi mahulugang karayom na pila ng mga sasakyan sa mga toll gates para magpakabit ng RFID, hindi lang biyahe o mga appointment ang naabala, kundi apektado ang mismong ekonomiya.


Nakakaimbyerna talaga dahil kung tutuusin, hindi pa nakakabawi sa mga lockdown ang mga naantalang supply mula sa mga probinsiya pa-Maynila, at vice-versa. Malaki talaga ang naging perwisyo ng RFID na 'yan, mabuti na lang at binusisi sa Senado.


Aminin man o hindi, kitang-kita ang pagkukulang ng mga ahensiya at kumpanyang siyang inatasang magpatupad ng sistemang yan sa mga tollways. Nand'yan ang kawalan ng dry-run, tapos tatlong buwan lang ang inilaan para sa deadline na tila minadali nang husto. Sinabayan pa ng banta na pagmumultahin at huhulihin ang 'di makakakuha ng RFID sa itinakdang panahon. Talagang super palpak!


At dahil sa kaka-pressure nga natin sampu ng ating kasamahang mga mambabatas, mabuti na lang at ibinalik ang ilang toll booths na tumatanggap ng cash. Hay naku!


Pero may IMEEsolusyon naman yan. Hindi pa hopeless ang purong cashless payments gamit ang RFID. Ayusin ulit ng Toll Regulatory Board (TRB) ang sistema. Muling makipag-usap sa Metro Pacific Tollways Corp. at San Miguel Corp para balansehin muna ang cash at RFID toll gates.


Harinawa, bago magpalit ng taon, naisaayos na ang ating mga tollways. At lalong mabuti kung interconnected na lahat para sa convenience ng publiko. TRB, plis lang, 'wag nang hintayin na magalit ulit si Pangulong Rodrigo Duterte. Gora na!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page