top of page
Search

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | January 11, 2021



Nasa gitna na naman ng kontrobersiya ang PhilHealth pagbukas pa lang ng bagong taon, dahil sa anunsiyong isasagawa na ang pagkolekta ng increase sa premium contributions ng mga miyembro nito.


Kahit pa sabihing may mandato ang Universal Health Care Law (Republic Act No 11223) sa kanila na itaas kada taon ang kontribusyon ng bawat miyembro, kailangan ding tumugon ng ahensiya sa tawag ng panahon at pangangailangan.


Kasalukuyan pa tayong nasa krisis bunsod ng pandemya at hirap na hirap ang ating mga kababayang kumayod. Ang iba nga nawalan pa ng trabaho at maraming maliliit na negosyo ang nagsara.


Mabuti na lang at maagap ang ating Pangulo. Ipinag-utos niya agad na itigil ang implementasyon ng increase kaya't napanatag for the meantime ang ating mga kababayan.


Pero, upang maisagawa ito ng maayos, kailangan magkaroon ng batas para rito. IMEEsolusyon natin ang dagliang paghahain ng Senate Bill No. 1966 na naglalayong ipagpaliban ang increase sa susunod na taon, 2022.


Layunin ng panukala nating ma-amyendahan ang Section 10 ng RA 11223 kung saan naka-specify ang premium rates na nagtatakda ng 0.5% increase bawat taon hanggang 2025.


Kaya hirit natin sa Pangulo, sertipikahang urgent ang amyenda na pagsuspinde sa PhilHealth premium contributions para maibsan muna kahit paano ang pasaning pinansiyal ng mamamayan ngayong hindi pa nakakaraos ang ating bansa sa pandemya.


At sana, gawing prayoridad din ng liderato ng Senado ang pagtalakay sa usaping ito.

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | January 6, 2021



May good news na bumungad pagpasok ng 2021, at ‘yan ay ang job opportunity sa U.S. para sa ating mga nurse. Bongga, ‘di ba!


Nangangailangan ang Amerika ng 3, 000 Registered Nurses, partikular sa mga State ng California, Texas, Florida, Minnesota at New York.


Kapos na kapos daw sa nursing staff ang mga nasabing lugar dahil sa patuloy na pagdami ng COVID-19 cases sa Estados Unidos. Bukod sa kakatapos na Christmas holidays, flu season din sa kanila dahil sa winter kaya’t marami sa mga health workers ang nagkakasakit at hindi makapagtrabaho.


IMEEsolusyon ang balitang ito para sa mga Pilipinong nurses sa abroad na nawalan ng trabaho, o ‘yung mga nabalaho sa pag-a-abroad dahil naharang sa pag-alis bunsod ng mga protocols kontra sa COVID-19.


IMEEsolusyon din ang oportunidad na ito sa patuloy na kawalan pa ng malinaw na national policy para maka-recover sa unemployment sa ating bansa.


Inaasahan din nating dahil may mga bakuna na kontra sa virus, maiibsan nito kahit paano ang matinding kawalan ng trabaho. At kapag may trabaho, gaganda na paunti-unti ang ating ekonomiya at maging ang iba’t ibang bansa na apektado ng pandemya.


Sa dami ng pinagdaanan nating pagsubok nitong nagdaang taon — sakuna, kalamidad, pandemya, unemployment, pagsasara ng mga maliliit na negosyo at bagsak na ekonomiya — eh, go lang nang go tayo sa paggawa ng mga paraan para makabangon.


Tiyak na makakaahon din tayo ngayong 2021 — ang panahon ng paghilom. “New normal” mang matatawag ang ating sitwasyon, masasanay din tayo at matututong mag-adjust. Kapit lang at walang sukuan! Agree?

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | January 4, 2021



May mga padrino ba si Nuezca kaya nakalusot sa kanyang mga dating kaso?


Hindi pa man tayo nakakaraos sa samu’t saring kinahaharap na problema — pandemya, bagyo, lindol, at iba pa — humabol pa ang karima-rimarim na pagpatay ng pulis sa isang mag-ina sa Tarlac, kamakailan.


Mabuti na lang at nakunan ng video ng mga nakasaksi ang harapang pamamaril ni Police Staff Sergeant Jonel Nuezca sa mag-inang Sonya at Frank Anthony Gregorio, at nai-post sa social media. Kung hindi, baka nakalusot na naman ang abusadong pulis na ‘yan.


Take note, mahaba na pala ang listahan ng mga kaso ni Nuezca. Pero ang nakapagtataka, lahat ay nalusutan niya? Nakakahiya naman ang kanyang angas sa mga kapwa niya pulis na tapat sa tungkulin.


Biruin n’yo, nitong nagdaang taon, lusot siya sa dalawang homicide case? Dismissed o ibinasura ayon sa rekord ng pulisya! Nasuspinde naman siya noong 2014 dahil sa pagtangging magpa-drug test, may kaso siyang grave misconduct noong 2013, at serious neglect of duty noong 2016 dahil sa hindi pagtestigo sa isang drug case.


Nakakaalarma ang lantarang pamamaril ng pulis na ito. Tila ba sanay na sanay at parang practice target lang ang ginawa sa mag-ina. Mukhang regular na ‘hitman’ lang ang peg.


Ang tanong, sino ang padrino ni Nuezca? Kaninong bata ba ito? Kaninong pader siya nakasandal?


Kung sinuman ang ‘ninong’ o ‘mga ninong’ niyan, IMEEsolusyon ko riyan, eh, kalkalin at imbestigahan at nang magkaalaman na!


Base sa Republic Act 8551, pati mga superior niya dapat imbestigahan dahil layunin ng batas na ‘yan ay ireporma at i-reorganize ang PNP, at tuluyan nang walisin ang mga bulok sa organisasyon.


Ikalawa, rebyuhin at siguruhing regular ang psychological at drug test ng mga pulis, na hindi nabibili ang resulta, ha!


Naiparating sa ating tanggapan na ilang “sponsor” at mga kaklase ng mga police recruit ang bumibili umano ng resulta ng nasabing mga neuro test at drug tests! Grabe!


Panghuli, plis lang PNP, puspusan naman ang gawin ninyong pagpapahinto sa bentahan ng mga ilegal na armas sa Northern provinces dahil yan ang ugat ng mga krimen!


Huwag sanang hayaan masira ang buong PNP dahil lang sa iilang masasamang-loob sa inyong hanay. Saludo pa rin kami sa inyong sinumpaang tungkulin “to serve and protect”. Keri ‘yan!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page