top of page
Search

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | January 22, 2021



Tila barya na lang ang katumbas ng P500 sa ngayon dahil sa mahal ng presyo ng mga bilihin. Parang ginto na ang presyo ng baboy, manok, isda at gulay sa mga palengke!


Dagdag pa riyan ang pagsirit ng pump price ng mga produktong petrolyo at patuloy na pagkalat ng African Swine Flu sa mga alagang baboy. Kaya’t hindi mapigilan ang pagmahal ng mga basic commodities at dagdag-pahirap sa mamamayan.


Higpit-sinturon at nagtitiis na namamaluktot sa maliit na kumot ang karamihan sa atin. Paano pa ang mga nawalan ng trabaho dahil sa pandemya?


Pero ‘wag tayong mag-super worry, may IMEESolusyon d’yan! Hindi ba noong nagsisimula pa lang manalanta ang COVID-19 pandemic, ang mga naka-work from home ay nahilig sa pagtatanim? Dahil sa pangambang makahawa at mahawa ng virus, naghanap ang ilan ng mapaglilibangan habang naka-lockdown?


Dito na nga umusbong ang maraming ‘plantita’ at ‘plantito’ at nauso na ang pagtatanim ng kung anu-ano sa kanilang bakuran at kahit sa maliliit na paso lamang.


Parang nabuhay ang proyekto noon ng aking mga magulang — ang Green Revolution kung saan ang mamamayan ay hinimok na magtanim sa kani-kanilang bakuran, pati na sa mga eskuwelahan.


Ang maganda nito, mas magagamit na ngayon ang pagiging ‘plantita’, hindi lang sa pansarili kundi pang-komunidad. IMEEsolusyon ito at pantapat sa tumataas na presyo ng bilihin.


Kung magkakani-kanya ang pagiging ‘plantita’, walang masyadong epekto sa nakararami at hindi lubhang makatutulong sa kalagayan ng iba pang taong nababaon sa hirap dahil sa sobrang mahal na bilihin.


Namimigay ang ilang lokal na pamahalaan ng mga binhi ng gulay at iba pang pagkain na maitatanim. Sa gulayan sa bakuran, may kinabukasan; sa pagtatanim ng komunidad, hirap sa presyo ng bilihin ng mga residente, maiibsan!


Kailangan natin gawing pangkomunidad ang pagtatanim. Pramis, sa tanim may pagkain hindi lang para sa isa, kundi para sa lahat! Agree? So, tara nang mag-Green Revolution!

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | January 18, 2021



Nahaharap pa rin tayo sa matinding laban kontra COVID-19 ngayong 2021, at mukhang maraming challenges pa tayong kailangang malagpasan.


Nangunguna na riyan ang bagong strain ng virus na napabalitang nakapasok na sa ating bansa. Pangalawa ang usapin tungkol sa kung kailan magkakaroon ng bakuna.


Katatapos lang ng Pista ng Itim na Nazareno at hindi napigil ng ating mga awtoridad ang pagdagsa ng mga deboto sa Quiapo Church. Maraming pagkakataong nalabag ang one-meter social distancing base sa mga news reports na lumabas sa araw na 'yun. Nakakaloka!


At take note, marami pang malalaking pista at mga okasyon ang paparating. Ati-Atihan sa Aklan at Sinulog sa Cebu kahapon, January 17, at Dinagyang sa Iloilo sa susunod na linggo. Pati ang Penagbenga sa Baguio sa Pebrero na sinuspinde last year dahil sa pandemya.


Ang problema pa, understaffed na ang ating mga ospital. Maging ang DOH ay aminado na mahina ang kapasidad ng mga pagamutan tuwing buwan ng Enero kung kailan natatapos ang mga job contracts at nagpapalit ng mga tauhan.


Idagdag pa riyan ang mga testing backlogs kaya asahan nang lolobo pa ang kaso ng impeksiyon. Nitong nakaraang linggo nga lang, umakyat na sa dalawang libo kada araw ang nireport ng DOH na new cases.


Ang IMEESolusyon d'yan ay dapat maglatag na agad ng pamamaraan na makapag-dagdag ng mas maraming doktor at nurse bago pa sumipa ulit ang mga kaso ng COVID-19, na posibleng mangyari ngayong buwan.


At IMEESolusyon talaga ay mabigyang prayoridad na sana yung inihain kong panukalang-batas o ang Senate Bill No 1592 noong Hunyo 2019, na nagsusulong ng pagbuo ng medical reserve corps.


Sa ngayon kasi wala naman tayong pagpipilian kundi umasa sa ating mga volunteer para mapalakas ang kapasidad ng ating health care.


Sana nga makita ng ating liderato sa Senado na mahalagang maitatag na agad ang medical reserve corps na ito para sa kapakanan ng ating mga kababayan.

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | January 15, 2021



Kamakailan, inaprubahan ni Pangulong Duterte ang rekomendasyon na patawan ng sanctions ang mga Internet Service Providers (ISP) at mga Telcos na lumalabag sa batas laban sa child pornography.


Dahil wala pang face-to-face classes, babad to the max ang mga estudyante sa internet dahil sa blended learning. Kaya naman, hindi maiiwasang kung saan-saang website bibisita ang mga bata lalo na ngayong balik-pasukan na.


And mind you, kapag babad ang mga grade school at high school sa surfing sa ‘net, exposed din sila sa mga panganib na nakaamba sa kamay ng mga pervert at maging sa organized crime syndicates na nambibiktima ng mga menor-de-edad!


At tiyak lolobo lalo ang mga child sex abuse cases! Naku naman!


Alam n’yo ba na nitong Disyembre lang, dahil walang pambili ng gadget para sa online classes ang mga desperadong estudyante, nag-“Christmas bundle sale” sila ng hubo’t hubad nilang litrato sa halagang P150 kada isa?


Base sa records ng Anti-Money Laundering Council, lumobo sa 156.1% ang mga kaduda-dudang transaksiyon na maaaring may kaugnayan sa online child pornography. Naitala ang kabuuang 27, 217 cases sa unang kalahating bahagi ng 2020 mula sa 10,627 noong 2019. OMG! ‘Di ba, ang laki ng talon ng numero?


Nasa record din ng AMLC na mahigit sa 68% ng transaksiyon partikular na ng mga remittance ay mula sa USA, Australia, Canada, UK, Norway, UAE, Korea, at Singapore. At ang mga lokal na tumatanggap ng pera sa bangko, money issuer at mga electronic wallet, eh, pinakamarami sa Pampanga, Cebu, Bulacan, Cavite at Quezon City.


Naobserbahan din na pinakamalaki at madalas na palitan ng pagpapadala ng pera para sa online pornograhy ay sa Rizal, Cebu, Davao del Sur, Bohol at Taguig City. Grabe!


IMEEsolusyon ang panukalang-batas na inihain natin bilang Senate Bill No 1854 na naglalayong amyendahan ang Republic Act No 9775 o Anti-Child Pornography Act of 2009.


IMEEsolusyon din ang pagsusulong natin ng resolusyon na magsagawa ang Senado ng puspusang imbestigasyon tungkol sa usaping ito para harangin ang mga walang humpay na pang-aabusong sekswal sa mga bata sa internet!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page