top of page
Search

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | February 1, 2021



Anim na taon na ang nagdaan mula nang mangyari ang Mamasapano tragedy noong January 2015 kung saan 44 na Special Action Force commandos ang namatay sa engkuwentro kontra mga rebelde. Pero hanggang ngayon, marami pa ring hinaing ang mga naulila nilang pamilya.


Nakadidismaya dahil hustisya pa rin ang panawagan ng mga naiwan ng SAF44 na ginawaran ng natatanging Medal of Valor, Order of Lapu Lapu, noong April 2018 ni Pangulong Rodrigo Duterte. Ang kanilang pagkasawi ay bunsod ng operasyon para matimbog ang mga teroristang sina Zulkifli bin Hir alias Marwan at Basit Usman.


Super-worried tayo sa lagay ng mga naiwang pamilya ng magigiting na mga pulis. Hanggang kailan kaya sila maghihintay para maibigay sa kanila ang lahat ng benepisyo?


IMEEsolusyon para sa mga naulilang pamilya, huwag na sanang patagalin pa ang proseso. Hindi na dapat pa maging atrasado ang tulong-pinansiyal sa kanila. Kung tutuusin, dapat ilang buwan lang mula nang mangyari ang trahedya, ASAP sanang naigawad ang mga kaakibat na benefits.


Kabilang ang monthly gratuity na itinaas sa P75, 000 mula sa P20, 000, at libreng education at medical services sa mga dependents. Bukod pa rito ang pagbibigay sa kanila ng prayoridad sa iba’t ibang programa ng pamahalaan tulad ng diskuwento sa ilang mga establisimyento at sa transportasyon o pagbibiyahe.


Napakapersonal ng isyung ito dahil marami sa SAF44 ay mga taga-Norte at kabilang sa mga indigenous communities. Marami sa kanila ay pumapasok sa pagka-pulis dahil sa kahirapan, huwag naman sana natin ipagkait ang mga benepisyong nararapat para sa kanilang mga pamilya.


Hinding-hindi natin dapat ilibing ang pag-asa ng mga naulila na makamit ang hustisya. Itodo ang benepisyo at hindi dapat atrasado! Sa totoo lang, hindi kayang matumbasan ng mga benepisyong ‘Yan ang sakripisyo ng SAF44. Tratuhin natin sila bilang magigiting na bayani ng ating bansa.

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | January 29, 2021



Nagmahal na naman ang presyo ng mga pangunahing bilihin. Nakapagtataka kung bakit tuwing may kakapusan ng supply ng pagkain ay ‘price control at importasyon’ ang animo’y “magic na solusyon” ng Department of Agriculture at Department of Trade and Industry. ‘Kaloka!


Price control o price freeze at pag-aangkat sa ibang bansa ang kanilang agarang kasagutan. Template, kumbaga at wala nang maisip na ibang paraan?


Eh, ang masama niyan, mga lokal na maggugulay, magbababoy at magmamanok ang nadadale ng mga mapagsamantalang traders, na hindi dapat mangyayari ever!


IMEEsolusyon natin ay palakasin muna ang pamamaraan ng transportasyon at pagde-deliver ng mga lokal na produktong pang-agrikultura bago mag-angkat at magpatupad ng price control.


For example, ang mga taga-Benguet na nagrereklamong baka mabulok na lang ang kanilang mga inaning gulay sa mga bagsakan dahil walang trak na dumarating. Dapat muna nating ubusin ang lahat ng lokal na suplay ng pagkain. Simulan muna ang pagpapadala ng mas maraming trak na mangongolekta ng mga produkto mula mismo sa mga magsasaka.


Saka, gusto rin nating itanong kung saan nakalaan at saan ginastos ang emergency fund o stimulus package na Php24 billion ng DA sa ilalim ng Bayanihan.2.


Hindi dapat isinamang badyetan nito ang medium-term programs ng DA, kabilang na ang pag-develop sa agri-entrepreneurs at ng mga research at business “corridors”, na walang direktang maitutulong sa kasalukuyang mga problema.


Isa pa, epektibo nga ba ang DTI sa pagpapatupad nila ng SRP? Mukhang wala tayong nababalitaang lumalabag at nakukulong pero ang presyo ng mga bilihin ay patuloy ang pagtaas!


Kaya naghain tayo ng resolusyon sa Senado (No 619) na naglalayong magsagawa ng inquiry para usisain ang mga nabanggit na usapin.


IMEEsolusyon din na bilisan na ang paglikha pa ng mas maraming mga Kadiwa Center na super subok na noong panahon pa ng aking ama. Mas mababa ang presyo ng pagkaing ibinebenta ng Kadiwa dahil halos direkta ang pagbili sa pagitan ng farmer at consumer.


Paalala lang natin, kapag walang tamang IMEEsolusyon para sa ayuda at malasakit sa ating mga magsasaka, hindi malayong magkatotoo ang prediksiyon na pagsapit ng 2030, tuluyan nang mawawala ang lokal na mga magsasaka, dahil wala nang gustong magbungkal ng lupa. Huwag sana natin hayaang mangyari ito.

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | January 25, 2021



Nakapasok na sa bansa ang bagong COVID-19 variant na sinasabing mula sa United Kingdom, kaya't aandap-andap na naman ang kalooban ng mamamayan.


In fairness, na-identify naman agad ang carrier ng virus na isa umanong pasahero ng flight na nanggaling sa Dubai. Nagsagawa rin agad ng contact tracing ang mga awtoridad at nahanap ang mga posibleng nakasalamuha ng nasabing pasahero.


Dagdag pa rito ang patuloy na pagdami ng new cases ng impeksiyon kada araw, kaya't hindi maiwasang mainip tayo at magtanong kung kailan nga ba darating ang mga bakuna?


Sa ating mga kalapit bansa, nag-umpisa na ang pagturok sa kani-kanilang mamamayan noon pang Disyembre. Kabilang na riyan ang ating mga kababayan overseas lalo na sa United Arab Emirates na libre ang bakuna kahit sa mga foreign workers nila.


Nitong Sabado lamang, nagpahayag ang Prime Minister ng UK na mas deadly daw ang bagong variant ng coronavirus. Mukhang malayo pa ang katapusan ng pandemya, 'wag naman sana.


Ang bakuna ang inaasahan nating pang-kontrol sa pagkalat ng sakit, pero nasaan na? May pag-asa bang makabili ang Pilipinas ng sapat na dami ng iba't ibang brand ng vaccines na makakatugon sa pangangailangan ng ating populasyon?


Sa mga hearing sa Senado nitong nakaraang linggo, binusisi natin ang plano ng gobyerno tungkol sa vaccination pati na ang procurement process. Bakit nga ba mukhang may pinapaboran na Isang kumpanya kahit hindi pa nag-apply sa Food and Drug Administration para sa Emergency Use Authorization (EUA) pero unang-unang naaprub?


Ipinaliwanag ng Malacañang na matagal nang usapan ni Pangulong Duterte at President Xi Jin Ping na magdo-donate ang China ng bakuna sa Pilipinas kapag nakapasa na ang mga ito sa clinical trials.


Ipinaliwang din ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez na may confidentiality clause ang mga manufacturer ng bakuna tungkol sa presyo, kaya hindi pa ito maisasapubliko sa ngayon.


Pero sa ganang akin, IMEEsolusyon sa pagdududa ng taumbayan ang "transparency" ng kinauukulan at siguraduhing mailalatag sa publiko ang lahat ng detalye sa pinagdaanang proseso. Kasama rito ang mga detalye mula sa pag-angkat hanggang sa magkano ang ginastos at expected arrival, pati na rin kung paano ang distribution at sinu-sino ang unang babakunahan.


Mapagbantay at matinik ang taumbayan at hindi makalulusot ang anumang alingasngas, pero kung magiging bukas ang kinauukulan at detalyadong maipapakita ang mga facts and figures at proseso, tiyak mapapawi ang tanong ng ilan sa atin na "sinovacumita riyan"!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page