top of page
Search

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | March 10, 2021



Paliit na nang paliit ang foreign investments na pumapasok sa Pilipinas. Sayang, isa sana ito sa mga puwedeng makatulong sa atin lalo na ngayong nasa krisis tayo dahil sa pandemya.


Tapos ‘eto, may nabuking tayo sa hearing ng Senate Committee on Economic Affairs na pinamumunuan ng inyong lingkod. Ayon sa PEZA (Philippine Economic Zone Authority), noong 2016 pa pala, hawak na ng pribadong sektor ang humigit-kumulang na 84 economic zones sa iba’t ibang lugar sa ating bansa. ‘Kalokah!


Hello, ipinaubaya pala ng ating mga economic managers sa private sector ang pangangasiwa riyan, at gusto na rin daw nilang buo nang ibigay sa mga negosyante ang pinansiyal na pasanin ng gobyerno.


Que pasa, PEZA? Pasa-pasa na lang ba ang gagawin natin? Mapangahas na hakbang ‘yan, mga dear. Isinusuko ng pamahalaan sa private sector ang pangangasiwa ng economic zones na siyang pinagmumulan ng foreign investments!


Anuman ang inyong dahilan, hindi nararapat na ipaubaya lahat sa pribadong negosyo ang pagpapatakbo ng mga industrial parks. Luging-lugi na nga tayo sa foreign investments, mawawala pa pati ang economic zones?


Pero, hindi pa naman huli ang lahat. May IMEEsolusyon pa rin d’yan, kaunting hilot lang sa mga economic managers. Mega-push natin sa kanila ang luwagan ang mga polisiya sa pamumuhunan at magbigay ng kaukulang tax incentives.


Gastos kasi sa tingin nila ang tax incentives, eh, ‘yan pa naman ang makahihikayat sa mga foreign investors, ‘di ba?! Nagpahayag na nga ng interes ang ilang Chinese at Japanese investors na maglagak ng $100 Billion sa Surigao del Sur.


Naeengganyo rin ang mga foreign investors sa mga panukalang bagong ecozones sa Ilocos Norte, Cavite at Saranggani. Malaking tulong din sa ating mga LGUs ‘pag may na-attract na investors sa lugar nila dahil dagdag-trabaho para sa kanilang mga nasasakupan.


May kita na ang gobyerno, nakatulong pa sa mga kababayan natin na walang trabaho! Kaya gora na tayo, kailangan na nating makabawi sa malaking pagkalugi sa foreign investments! Agree?

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | March 5, 2021



Ang anumang bagay na hindi pinaghandaan, kadalasan nauuwi sa kapalpakan.


Handa na nga ba tayo sa malawakang immunization program ngayong nagdaratingan na ang mga bakuna?


Ayon sa mga media reports, marami sa ating mga kababayan ay atubiling magpabakuna. Bunsod marahil ito sa kakulangan sa kaalaman tungkol sa benepisyo nito, at sa nababalitaan nila sa ibang bansa na mga malalang side effects at nauuwi pa sa pagkasawi.


Nitong nakaraang mga araw, nasaksihan natin ang pagpapaturok ng mga health workers at frontliners, pati na rin ang ilang opisyales ng gobyerno. Sana ay naibsan, kahit bahagya, ang alinlangan ng ilan nating mga kababayan.


Pero, tanggapin nating hindi sapat ang information campaign ng ating pamahalaan dahil kulang sa partisipasyon ang mga pribadong media networks at publications.


Bilang parte ng kanilang corporate social responsibility, dapat maglaan ang mga TV at radio stations ng ilang minuto kada araw para sa infomercials kung saan ilalahad ang mga dapat malaman ng publiko tungkol sa bakuna at sa COVID-19.


Ang mga tabloid, diyaryo at magasin naman ay maaaring maglabas ng katumbas na mga infographics.


At lahat ng ito dapat ay libre. Walang gastos sa gobyerno bilang pagtugon ng media sa pangangailangan ng panahon at ng taumbayan.


‘Yan ang IMEEsolusyon para sa kakulangan sa impormasyon tungkol sa mga bakuna—na kung tutuusin ay nakapagtataka, bilang tayo ay nasa sinasabing age of too much information.


Hindi naman inaalis ng gobyerno ang karapatan ng mamamayan na mamili ng gusto nilang brand ng bakuna. Pero, higit sa lahat, kailangan silang makumbinsi na magpabakuna dahil ito ang nararapat para sa sarili at sa nakararami.


Posible ring magdulot ng komplikasyon sa pag-iimbak at delivery ng bakuna ang mga pagdududa at maaaring magbunga ito ng dagdag-gastusin at pagsasayang. Kaya dapat effort pa more ang ating gobyerno para maka-engganyo ng magpapa-iniksyon.


Sa totoo lang, hindi lang ang mga Pinoy ang takot at may duda sa mga bakuna, nangyayari rin ito sa iba’t ibang panig ng mundo.


Isa pang IMEEsolusyon para paigtingin ang information campaign ay ang paggamit ng mga influencer na opisyal ng gobyerno o mga taga-showbiz na nagpapa-iniksyon, ‘di ba!


Hindi lang ‘yan, IMEEsolusyon ding linawin ng gobyerno ang sinasabing indemnification policy nito at kung paano gagastusin ang P500 milyong nakalaan para rito sakaling magkaproblema sa kalusugan dahil sa pagpapabakuna.


Puwede ring magbigay ng mga insentibo ang nasa pribadong sektor sa kanilang mga empleyado habang nirerespeto pa rin ang kalayaan na magdesisyon kung magpapabakuna o hindi. ‘Ika nga, para-paraan lang ‘yan.

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | March 03, 2021



Amoy eleksiyon na. Kani-kanya nang paramdam ang mga may balak tumakbo sa 2022. May direktang umaamin, at merong ayaw umamin. Kani-kanya ring dahilan kung bakit, pero hindi maikakailang ang pansin ng marami ay nakatuon na sa nalalapit na halalan.


Marami na rin ang nag-aabang sa mga political survey ng kung anu-ano’ng grupo. Nangangapa na tila ba mag-aatras-abante kapag nakitang hindi sila papatok sa mga botante.


Gayunman, hindi ‘yan ang ating inaalala. Nasa isip natin bukod sa pangarap nating hybrid elections ay ang magiging sitwasyon ng mga kandidato sa pangangampanya na ganitong nasa gitna pa tayo ng pandemya. May mga nagsasabing online na lang daw, para iwas-COVID.


‘Yun lang, tiyak na dehado rito ang mahihirap na kandidato. Eh, bakit ‘kan’yo? Siyempre, social media ‘yan at mangangailangan ng internet connection, high-tech gadgets, mataas na mbps at malakas na wifi.


Ang tanong, ano ang laban ng mga kandidatong walang kapasidad o resources na magpatakbo ng online campaign? Paano sila makikilala ng mga botanteng nakatira sa mga lugar na hindi abot ng internet? Hindi pamilyar sa social media at walang budget pang advertise sa iba’t ibang online platforms, siguradong ilalampaso lang sila ng mga kandidatong super-yaman dahil hindi magiging patas ang bakbakan sa pangangalap ng boto kung ang labanan ay nakasalalay lamang sa pagiging “visible” online.


IMEEsolusyon natin d’yan ay mega-push ang inyong lingkod na magkaroon ng face-to-face campaign pero may kaakibat na mga restrictions at pag-iingat kontra sa virus.


Applicable lang ‘yan sa mga lugar na bawas na at patuloy pang bumababa ang bilang ng kaso ng COVID-19.


IMEEsolusyon para ang kombinasyon ng online at limited-face-to-face na pangangampanya ngayong may pandemya. May level playing field, wika nga.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page