top of page
Search

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | March 29, 2021



Hindi tamang sabihin na non-essential ang simbahan o relihiyon. Need talagang palakasin pa ang ating pananampalataya para maitawid ang emosyunal na dagok sa ating buhay, kabilang na ang gutom o krisis sa ekonomiya na dulot sa atin ng pandemya.


Semana Santa na. Nakalulungkot mang isipin para sa lahat ng mga kapatid nating Kristiyano, lalo na sa mga Katolikong nakatira sa Metro Manila, Cavite, Bulacan, Rizal at Laguna na bawal na muna ang pagsisimba.


Wala munang mga tradisyunal na prusisyon, mga awitan sa pasyon, at ang Visita Iglesia na nakasayan ng mga deboto. At higit sa lahat, sarado muna ang mga simbahan para makaiwas na kumalat pa ang COVID-19. Grabe talaga ang pandemyang ito!


Naka-ECQ na kasi o enhanced community quarantine ang lahat ng lugar sa NCR plus, kabilang ang Metro Manila, Cavite, Bulacan, Laguna at Rizal. Kaya naman, kung noong NCR plus, pinapayagan pa ang 10% seating capacity sa mga simbahan para sa Semana Santa, ngayon totally sarado na muna.


Puna lang natin sa kinauukulan, bago mag-ECQ, nagbabala ang kasamahan natin sa gobyerno na gagamitan ng police power para ipasara ang mga simbahan kung hindi susunod sa community quarantine. Sa ganang akin, hindi na kailangang manakot tayo. Kaya ng simbahan na pairalin ang disiplina at pagpapasunod sa mga health protocols.


IMEEsolusyon para hindi sana pumalag ang simbahan, nagkaroon muna ng konsultasyon o inabisuhan muna sila. Hindi ‘yung basta idedeklarang bawal na ang simba sa Semana Santa.


IMEEsolusyon, bago ipatupad ang patakaran, kaunting busina ang kailangan para makapaghanda rin sila at makapagbigay-abiso sa publiko ng gagawing adjustment sa Holy Week.


Igalang natin ang religious rights ng bawat isa. Huwag nating isantabi ang Panginoon na may hawak sa ating buhay. At lalong huwag natin ipagkait sa kapwa ang umasa sa Kanyang pagpapala ngayong panahon ng pandemya.

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | March 26, 2021



Sa gitna ng pandemya, napapaisip tayo, may katapusan pa kaya ang ganitong delubyo?


Magkahalong lungkot at pangamba ang nararamdaman natin sa ngayon para sa ating bayan, dahil halos lahat ng kapitbahay nating bansa ay umuusad na at unti-unting nagbabalik sa normal pero tayo ay napag-iiwanan na, at ngayon nga tayo ay back to square one!


Hindi naman matatawaran ang pagsisikap ng pamahalaan na mapigil ang pagkontrol sa COVID-19. Kung tutuusin, ang Pilipinas ang may pinakamahabang lockdown, at ngayon nga'y mayroon nang granular lockdown.


Ano pa ba ang kulang? Hindi tayo kumbinsido na pasaway tayong mga Pinoy sa mga health protocols. Aminin man sa hindi, mayroon talagang ilang patakaran na kakatwa sa pagkontrol sa pandemya.


Tulad dati na pagbabawal sa mag-asawa na magka-angkas at kung magka-angkas man ay may barrier, ang PDA sa mga mag-jowa at pinakahuli ang pagsusuot ng face mask sa loob ng bahay, na tila maasar o matawa na lang tayo dahil tunay na nakakaloka!


Mahal natin ang bayan, kaya kaliwa't kanang detalye sa nangyayari sa paglaban sa COVID-19 ay ating napapakialaman. Hindi natin matitiis na magmasid na lang dahil tungkulin ng inyong lingkod na magsilbi sa bayan.


Sa araw at gabing ating pag-iisip kung paano malulutas at masasawata ang delubyong ito, IMEEsolusyon talaga sa ating sitwasyon ang paigtingin pa at tutukan ng husto ang mass testing, contact tracing at mass vaccination.


Pakiusap natin, isantabi muna sana ang pulitika, plis lang tayo'y magkaisa kontra sa pandemya. At ngayong nalalapit na Semana Santa, IMEEsolusyon na tunay ang pagdulog sa Maykapal. Tayong lahat ay magnilay-nilay at magdasal!

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | March 24, 2021



Ano’ng petsa na? Isang taon na ang giyera natin sa COVID-19, pero heto tayo ngayon back to square one! Lampas na sa walong libo ang infections kada araw at posibleng tumaas pa.


Makaraan ang isang taong iba’t ibang quarantine, heto na naman ang mga lockdown. Pinagpapalitan lang ng terminong ginagamit — may NCR Plus, may circuit ek-ek, kung ano-anong pangalan, eh, iisa lang naman ang ibig sabihin. Pero ang tanong, may pagbabago ba sa numero?


Huling-huli na tayo sa mga bakuna sa iba’t ibang bansa, halos new normal na talaga sila. Meron nang balik-operasyon ang ekonomiya, tayo, nasaan na? Nananawagan nga tayong i-overhaul na ang IATF noong una pa lang, maraming kapalpakan!


Pangalawa, hinaharang pa ng IATF ang pribadong sektor na makabili ng bakuna. Eh, reklamo ng private sector o ng malalaking industriya noong October pa sila nagre-request ng permiso sa gobyerno, pero hanggang ngayon wala pang aksiyon ang IATF, ano ba talaga? Saan ba tayo pupulutin niyan, palala na nang palala ang sitwasyon ng ating bayan.


Mabuti na lang, naipuslit sa atin ang draft ng Administrative Order o bago na naming utos gawa ng DOH na papipirmahan sa ating Pangulo. Gustong bawalan o nanghaharang sa ilang industriya na makabili ng bakuna.


Eh, mega-deny na nga sila ngayon. Pero ha, tinawagan tayo ng isa sa gabinete at sinigurong aalisin yang probisyon na ‘yun.


Pero kahit ganyan, may IMEEsolusyon pa rin naman, and hoping na pakikinggan ito. Back to square one tayo, paigtingin ang mass testing — eh, nasaan na ang mga testing kits nga pala? Ang laki ng perang inilaan natin dun, ha? Ikalawa, mass contact tracing, at panghuli mass vaccination!


IMEEsolusyon din sa IATF, dapat mga health experts, mga doktor, siyentipiko sa medisina, immunologists, ang mapaupo riyan para gumawa ng policies.


Bigyan din ng mas malawak na partisipasyon ang mga LGU, lalo na sa implementasyon, dahil sila ang nakakaalam sa sitwasyon “on the ground, ‘ika nga.


“Sa ating minamahal na Pangulo, ako ay kaalyado nyong matibay. Kapag mahal nyo ang isang tao, nagsasabi ka ng totoo!”

 
 
RECOMMENDED
bottom of page