top of page
Search

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | April 14, 2021



Ano ba talaga ang problema ng Department of Health? Aba, bumabanat na naman sa mga private sector at pinahirapan bago makabili ng COVID vaccine.


Pinayagan na nga ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga private sector na makabili ng bakuna para makatuwang na ng gobyerno, bakit itong DOH ay may panibagong pahirap na naman sa kanila? May bagong requirement daw! Ano ‘yan, para-paraan lang para mangharang? ‘Kalokah!


Tinutukoy natin, eh, itong bagong requirement o obligasyon ng mga pribadong kumpanya na mag-isyu muna ng Certificate of A4 Eligibility sa ilalim ng National Vaccine Development Plan o NDVP sa pagbili ng bakuna.


Eh, ang bagong patakarang ito ang mag-aalis sa ilang empleyado na mabakunahan kahit pa ang produkto o serbisyo ng kanilang kumpanya ay mahalaga o essential tulad ng pagkain, pharmaceutical at transportasyon. Ano ba ‘yan!


Ang A4, eh, ang mga grupong prayoridad na mabakunahan kasunod ng health workers, senior citizens at mga taong may commorbidities o mga sakit na maaaring magpalubha sa impeksiyon ng COVID-19.


FYI, may 13 subclasses ito para sa A4 na binubuo ng frontline workers mula sa private sector at gobyerno, OFWs na may kaparehong trabaho at bago rito ang mga religious leaders. Santisima!


Juicekoday! Eh, lantarang diskriminasyon lang ang hatid nito, kalituhan at sama ng loob hindi lang sa kumpanya kundi sa LGUs na magbabakuna.


Tanong natin sa DOH, gusto n’yo ba talagang mabuksan ang ekonomiya, magbukas ang mga negosyo ng maayos at mabilis na makarekober?


IMEEsolusyon d’yan, plis lang alisin na ang mga pahirap na requirements sa private sector at maging LGUs, plis lang ‘wag n’yo na rin obligahin ang OFWs na magprisinta ng nasabing certificate bago makakuha ng bakuna. Magtulungan na lang para lahat mabakunahan!

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | April 12, 2021



Sablay at kuwestiyunable ang payo at rekomendasyon ng Department of Agriculture na pinalagdaan nito kay Pangulong Rodrigo Duterte na taasan ang importasyon ng baboy at tapyasan ang taripa ng pork imports!


Aba, sa halip na kumita sana ang gobyerno sa buwis sa pork imports, tinapyasan pa ang taripa. At sa halip na limitahan ang importasyon ng baboy para hindi mamatay ang ating mga lokal na hog raisers o magbababoy, mas tinaasan pa! Eh, para kaninong pakinabang?


Tinutukoy natin dito, 'yung Executive Order 128 na pinalagdaan ng DA sa ating Pangulo, kung saan ang mga pork import ay itataas ng 350,000 metriko tonelada, na dagdag sa kasalukuyang minimum access volume o MAV na 54,210 metriko tonelada na pinapayagan para sa taong ito.


At kapag epektibo na ang EO 128, ang 30% na taripa ay ibabagsak sa 5% para sa mga pork imports na nakapaloob sa pinalaking MAV. Habang mula sa 40% bababa ito sa 10% para naman sa mga pork imports sa labas ng MAV.


Tanong ko, bakit ganyan? Eh, kung tapyas ang buwis, bawas kita 'yan sa ating gobyerno na hindi sana'y puwedeng paghugutan ng pondo para makaagapay tayo sa dobleng dagok ng African Swine Fever at panggastos sa paglaban sa COVID-19.


Akala ko ba naghahanap tayo ng pera? Nasaan ang pinagmamalaking whole-of-government approach? Eh, bukod sa ikakanal nito ang mga lokal na magbababoy, mawawalan pa ng tsansa na magkaroon ng pondong Php11.5 bilyong pandagdag sa ‘ayuda,’ bakuna, at personal protective equipment o PPE!


Gets nating pansamantalang remedyo yan sa kakulangan ng supply ng baboy sa mga consumer o mamimili pero doble ang magiging dagok nito sa ating mga hog raiser.


Klaro rito na ang makikinabang sa EO ay mga banyagang magbababoy at exporter, local pork importer, at maaaring maging ng mga tiwaling opisyal ng gobyerno na nagbebenta ng lisensya sa importasyon, hindi ba?! Kaya IMEEsolusyon, bubusisiin natin 'yan sa Senado! Be ready, DA!

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | April 09, 2021



Nakababahala na talaga ang numero ng mga namatay sa COVID-19 na mahigit sa 14K lalo na ang mga punuang ospital na wala nang mapaglagyang COVID patients.


Masakit sa loob na tingnan na ang ating kababaya na hindi na maasikaso ng mga pagod na pagod nang health workers, sa dami ng mga inaasikasong pasyente.


Kailan pa ba matatapos ang delubyong ito, hindi natin maiwasang maiyak sa sitwasyon ng ating bayan. Pero ang mas ikinalulungkot natin ay makitang sa tent na ginagamot ang mga pasyente at mas pinakamalala pa ang gamutin sila sa loob ng kotse, doon nilalagyan ng oxygen at dextrose.


Dagdag-pahirap pa ang nakakapikong kawalan ng konsiderasyon ng PhilHealth na hindi nila sasagutin ang mga COVID patients na nasa mga tent o mga nasa kotse. Ano bang kabalustugan ito?


FYI lang, PhilHealth, hindi katanggap-tanggap ang ganyang katwiran, kinakailangang i-cover ng PhilHealth ang mga COVID patient na nasa mga tent at kotse. Eh, kaya nga nasa tent dahil nagkulang tayo ng espasyo sa mga emergency room at kuwarto sa mga punumpuno nang ospital.


Naghihintay lang naman ang mga nasabing pasyente na ma-admit kaya pansamantala silang inilagak sa mga tent at mga kotse, ano ba! Adding insult to injury, ‘ika nga! Naghihirap na nga ng doble-doble ‘yung mga pasyenteng ‘yan tapos hindi pa iko-cover ng PhilHealth, sobra na ‘yan!


IMEEsolusyon dito na i-review ninyo, at baguhin agad-agad ang mga kakulangan sa mga reglamento ng PhilHealth at isama na sa coverage ang mga nasa tent o kotse, dahil dagdag-stress pa sa mga pasyenteng may COVID ang kanilang hospital bills.


Nasa kalagitnaan tayo ng krisis ng pandemya, magtulungan na muna tayo, mas lakihan ang pagbibigay-konsiderasyon sa ating mga kapwa Pilipino mapa-gobyerno o pribadong sektor man tayo, kapag nagamot sila ng maaga at naagapan, maliligtas din ang ating pamayanan sa hawahan. Agree?

 
 
RECOMMENDED
bottom of page