top of page
Search

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | May 12, 2021



Nag-viral ang pag-atras ni Pangulong Rodrigo Duterte sa debate challenge kay dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio sa usapin ng South China Sea.


Pero agree tayo kay Tatay Digong na 'wag na syang makipagdebate, dahil alam naman niya ang katotohanan d'yan. Pinaatras ng mga awtoridad ang ating navy ship sa Scarborough Shoal o Panatag Shoal at inabandona ang lugar kaya inangkin na ng mga Chinese.


Inaasahan umano kasi ni dating Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario na tumutulong sa panahong iyon ang Amerika sa pakikipag-negotiate sa China at pinatulan naman natin na wala man lamang sapat na koordinasyon sa mga natatanging opisyal sa Beijing.


Ikalawa ang sinasabing arbitral ruling na umano’y pumabor sa Pilipinas noong 2016 ay hindi talaga “enforceable” o mapapatupad. Kaya nga arbitration lang ang title eh, obvious ba? Hindi yan kasi kagaya ng paglilitis sa nalalaman nating mga korte, na may pulis na naka-abang kung papalag ang hinatulan. Walang tinatawag na “enforcement mechanism.” Wala rin namang danyos na hiningi ang gobyerno noon.


So, tama ang tanong ni Pangulong Duterte kay Carpio. Ano ang ie-enforce at paano? Sa katunayan, hindi nga sumali ang China sa sinasabing arbitration process.


Well, napilitan na kasi ang ating Pangulo sa kakakulit at kung anu-anong alegasyon ang ibinabato sa kanya kaya naman sa pagkainis, eh, siya na mismo nanghamon sa debate na tiyak na wala namang kapupuntahan dahil batid na ng lahat ang insidente.


Batid din ng lahat na kung hahabol tayo ng apela sa UN General Assembly, eh napakalawak ng impluwensiya ng China sa mga bansang miyembro dahil sa pagpondo nito ng napakaraming proyekto. Isa rin ang China sa limang permanenteng miyembro ng UN Security Council at kayang ibaliktad ang anumang resolusyon laban sa interes nito. Tila ihahampas lang natin ang ating sarili sa pader.


Kaysa debate, IMEEsolusyon nga natin para malutas ang sigalot sa South China Sea ay makipag-negosasyon tayo sa China pagdating sa usapin ng pangingisda. Sa pakikipag-usap ni Pangulong Duterte kay President Xi Jinping, bukas na bukas naman ang China rito, pero ginugulo lang talaga nila Carpio at Del Rosario.


Tama lang ang ating Presidente na isantabi na niya muna ang debate dahil mas marami pa siyang iniintindihing problema sa kagutuman at kawalan ng trabaho. Tutok muna tayo sa pandemya! Agree?

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | May 07, 2021



Samataas na presyo ng karneng baboy at kapos na supply dulot ng African swine fever o ASF, tabla pa ngayon sa pinal na dami ng minimum access volume o MAV ng aangkating ba­boy.


Magkakaroon pa rin naman kasi ng negosas­yon ang ehekutibo at ang lehislatibo sa lebel ng MAV at taripa ng imported pork. Pero ‘yun nga lang, malaki ang pagkakaiba sa kalkulasyon ng mga mambabatas at mga ahensiya ng gobyerno.


Sa totoo lang, sobra-sobra talaga ang panukalang 400,000 tonelada na importasyon ng karneng baboy na pangunahing papatay sa mga lokal na magbababoy bago pa malutas ang krisis sa ASF, agree?


Nakalulunos na kahit may pandemya, marami pa ring negosyante ang ganid at gustong masolo at mas damihan pa ang importasyon ng baboy.


Sa harap nito, IMEEsolusyon natin na habang wala pang pinal na MAV sa imported pork, eh, isubasta na ang mga angkat na baboy para maging lantad sa publiko ang alokasyon sa bawat negosyanteng importer. ‘Yan din ang titiris sa mga mapagsamantalang negosyante na gusto lang kumita sa policy ng gobyerno.


Bukod d’yan, madaragdagan pa ng nasabing public auction o pagsubasta ang pondo ng gobyerno mula sa pag-iisyu ng mga import permit. Mawawala pa ang suspetsa na kaya itataas lang ang MAV ay para paboran ang mga kartel o mga grupo ng negosyanteng gustong pagka­kitaan ang kakulangan ng supply ng karneng baboy sa mga palengke at kontrolin ang presyo.


IMEEsolusyon din na nakikita natin, kompromisong taasan ang MAV ngunit hindi sobra-sobra at hindi agad-agaran. Sa pagkon­sulta natin sa mga magbababoy, dapat 150,000 tonelada lang muna ang iangkat at hanggang 204,000 lang ang maximum, para makakapag­benta pa rin ang ating mga lokal na hog raisers ng kanila. Sa taripa, huwag naman ibagsak sa 5% mula 30%, para may kita pa rin ang gobyerno na puwedeng gamiting tulong sa mga nasalanta ng ASF.


Harinawa’y mabilisan na natin ang paglutas sa mga problemang ito para naman maisalba na natin ang kabuhayan ng ating mga local hog raisers at malutas na ang krisis sa supply ng baboy.

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | May 03, 2021



Nagpapasaklolo na ang maliliit na negosyo tulad ng mga sari-sari store, karinderya, kabilang ang MSMEs o micro, small and medium enterprises sa bansa dahil pabagsak na ng husto ang kanilang kabuhayan dahil sa pandemya.


Bagama’t may mga nakalatag nang pautang ang ating pamahalaan, hinaing nilang hindi sila makautang dahil sa dami ng mga requirements ng DTI. Inaalala rin nila kung paano sila makababayad kung walang katiyakan kung kailan matatapos ang paulit-ulit na lockdown.


Daing pa nila, bukas-sara sila, kaya super-lugi talaga at hindi pa makabawi-bawi sa kanilang mga operasyon. Well, sa ganang akin, IMEEsolusyon dito na kaysa ipautang ang bilyun-bilyong pondo ng gobyerno na natutulog lang o hindi nagagamit ng ibang ahensiya, eh, direkta nang i-ayuda sa mga negosyante.


Tulad na lang sa P10 bilyong inilaan para sa DTI sa programa nitong tinawag na CARES o COVID-19 Assistance to Restart Enterprises, na may P3.3 bilyon pa lamang ang nagagamit.


Gayundin ang P6 bilyong inilaan para sa tourism industry na hindi pa rin nagagamit para sa ayuda. Eh, ‘di ba nga hindi makapagbukas ang mga hotel, resort at restaurant, dulot ng mabagal pa ang pagbabakuna at wala pang kumpiyansa bumiyahe ang mga turista.


Pati na rin ang napakabagal na paglabas ng mga bilyones na pondo sa mga bangko ng gobyerno tulad ng Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines, pati na rin sa ibang government financial institution tulad ng Philguarantee Corporation.


Pero kung ibibigay na ayuda ang mga ‘yan sa maliliit na negosyo, plis lang ‘wag na kasing gawing kumplikado pa ang sistema na kung anu-ano pang requirements ang hihingin, ‘di ba? Kapag naayudahan kasi ang mga negosyo, kahit paano ay makakaahon sila habang patuloy ang pagbabakuna.


At siyempre, oras na makumpleto na ang vaccination, maaari nang magsibukasan ang mga nagsarang nego

syo at magsimula ang tinatawag na economic recovery ng bansa. O, ‘di ba, bongga!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page