top of page
Search

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | May 31, 2021



Hay naku, nangangamoy eleksiyon na! Magbibilang na lang tayo ng ilang buwan, filing na ng candidacy sa Oktubre, ‘di ba?


Kaya naman, bilang chairman ng Senate committee on Electoral Reforms and People’s Participation, ang inyong lingkod ay mega-push sa panukala nating hybrid elections system. Ito ‘yung kombinasyon ng automated at manual voting na magsisiguro ng transparency at kredibilidad sa ating electoral process.


It’s about time na simulan nang palitan ang ating sistema ng eleksiyon sa umiiral na automated polls. Eh, ang daming netizens ang nangangamba na mama-magic na naman umano ang kanilang mga boto dahil sa automated system. Plus, duda pa sila sa Smartmatic na nag-iisang pinagpipilian ng Comelec since 2008.


Ewan ko ba, eh, marami namang magagaling na Pinoy na IT service providers, give them a chance, ‘di ba!


Take note, hindi lang tayong mga Pinoy ang nangangamba sa automated elections, kundi pati angGermany, Australia at Singapore na binalik ang manual count o mano-mano na bilangan tuwing eleksiyon.


Kaya para sa mas transparent na botohan at bilangan sa ating bansa, itodo-push na ang hybrid election system. Mas palalakasin ang pagiging transparent nito dahil lalagyan pa ng mga security features para maiwasan ang dayaan, bongga!


Dito patuloy ang nakasanayan nating computerized na sistema nating pagboto, kung saan isusubo ang balota sa VCM o vote counting machine, ngunit bubuklatin din at ipapakita mismo sa madla ang mga balota sa bawat voting precinct. Pagkatapos ang mga guro ang magta-tara o mano-manong magbibilang.


Mangingibabaw ang manual count sa mga numerong ilalabas ng mga makina, kung hindi magtutugma ang bilang ng mga boto. Kapag may manual count, hindi na ‘yan mama-magic. Kaya lang nga naghahabol tayo ng oras at medyo madugo ang deliberasyon para makakuha ng badyet lalo na’t may pandemya tayo.


IMEEsolusyon natin sa gitna ng matitinding problema ng kakulangan sa badyet dulot ng pandemya, ma-push na muna ang pilot run nito sa apat na lugar o sa dalawang urban areas at dalawang rural areas. Go na natin ang hybrid, para mas ligtas ang mga boto sa dayaan!

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | May 28, 2021


Wala nang anim na buwan ang natitira, maghahain na ng kandidatura sa Oktubre ang mga tatakbo sa May 2022 elections. Pero, gaano na ba kahanda ang pamahalaan partikular ang Commission on Elections, lalo na’t nasa gitna tayo ng pandemya?


Dapat nating masiguro ang safety sa COVID-19 ng milyun-milyong botante kabilang ang nasa 9.8 milyong senior citizens, 9.2 milyong indigenous people (IPs), 2.2 milyong buntis at 1.7 milyong may kapansanan o persons with disability (PWDs) na dapat bigyan ng alternatibong “arrangement” ng pagboto.


Hindi biro at hindi dapat maliitin ang sitwasyong nasa pandemya tayo at ang pangamba nilang mahawaan ng sakit habang bumoboto. Hindi pa kasama riyan ‘yung mga guro, poll watchers, pulis at sundalo, maging taga-media na full time ang pagtutok sa kanilang trabaho sa araw ng eleksiyon.


Napakahalagang ngayon pa lang ikinakasa na kung paano sila boboto, lalo na’t may pandemya at hindi malayo ang posibilidad na maging super spreader ng virus ang mga lugar ng botohan. Kailangan talagang may mga grupong makaboboto ng mas maaga at maisaayos agad ang sistema para dito.


IMEEsolusyon natin d’yan ay ang Senate Bill 1104 o Early Voting bill na itinutulak natin noon pang 2019. Ngayong may pandemya, dapat natin palawakin ang listahan ng mga delikadong grupo ay isama ang mga tagapaglingkod sa araw ng eleksiyon. Dalawa hanggang 30 calendar days bago ang itinakdang petsa ng eleksiyon ang inirerekomenda natin para sila makaboto ng maaga.


IMEEsolusyon din para sa Comelec, eh, kailangang maiayos na mas madaling mapuntahan ang mga polling precincts para sa mga lolo’t lola, buntis at PWDs. Gayundin ang mga masasakyan ng mga IPs na nakatira sa mga malalayong bundok. Gamitin bilang voting venues ang outdoor facilities tulad ng mga stadium, auditorium, multi-purpose halls at mga parking lot sa mga mall.


Para umusad naman ‘yan, kailangang badyetan ang nasabing safety measures at mga taong kikilos para rito, lalo na’t inaasahan nating magdodoble ang work shift ng mga guro sa eleksiyon.


Dagdag pa rin sa IMEEsolusyon ng Comelec ang mail-in voting na dapat masimulan na kahit sa iilang lugar muna, lalo na’t inihayag naman ng Philippine Postal Corporation na kakatapos lang ng pag-upgrade sa kanilang computer system.


Mabilis ang oras at araw, ‘wag na nating pairalin ‘yung ugali na kung kailan malapit na saka lang doon kikilos. Buhay ang nakataya sa mga handang bumoto sa eleksiyon, ha! ‘Wag natin silang pahirapan, lalo na ang mga matatanda, buntis, PWDs at mga frontliners sa eleksiyon!

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | May 26, 2021



Hanggang ngayon, marami pa ring hassle sa target na pagtatayo ng Department of Overseas Filipinos o DOFIL. Unang-unang ay nakaaabala ang isyu ng teritoryo sa mga ahensiya ng gobyerno.


Tayong nasa Senado, willing i-push ang sinertipikahang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte na DOFIL. Para kasi ‘yan sa ating mga kababayang OFWs, kaya go tayo!


Saka bilang konsiderasyon sa mga hinaing ng ating mga OFW, suportado nating lahat sa Senado ang DOFIL. Kailangan nila ng one-stop shop na pupuntahan at hindi ‘yung paikut-ikot sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno para sa kanilang hinihinging tulong.


Pero, ano magagawa natin kung nag-aaway-away sa teritoryo ng mandato at badyet ang mga ahensiya ng gobyerno? Ayaw pa rin kasing bitawan ng kasalukuyang mga departamento, tulad ng DOLE, DFA, at DSWD ang mga ilan sa kanilang mga nakakabit na ahensiya.


Ang hindi nila nakikita, kapag na-consolidate o pinagsama-sama na ang mga ahensiyang ‘yan, tiyak na menos-gastos na ang gobyerno, magagamit pa sa pondo para mailikas ang mga OFWs na gusto nang makauwi sa ating bansa.


‘Yun nga lang, paano tayo uusad niyan, kung ang ahensiya ng gobyerno, eh, ayaw bitawan ang mga attached agencies nila na tulad ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), Overseas Workers’ Welfare Administration (OWWA), at Labor Affairs Bureau sa ilalim ng DOLE; Office of Migrant Workers’ Affairs and Commission on Filipinos Overseas sa ilalim ng DFA; International Social Services Office sa ilalim ng DSWD; at ang Office of Muslim Affairs sa ilalim ng tanggapan ng Pangulo.


Kung hindi mawawakasan ang aberyang ‘yan, walang kahihinatnan ang DOFIL. Pero habang ganyan kagulo, IMEEsolusyon dito ang palawakin na lang ang POEA bilang National Overseas Employment Authority (NOEA) na mas matipid pa.


Lalo na’t nahaharap tayo sa marami pang problemang pampinansiyal kapag nagpatuloy pa itong mga dagok ng pandemya sa ating bansa. Aba, push na muna natin ang NOEA. Kaysa naman itodo na natin dito ang lahat sa nagkakagulo pang pag-apruba sa DOFIL.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page