top of page
Search

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | July 02, 2021



Nasa kalagitnaan na tayo ng taon, hanggang ngayon pa ba naman, PhilHealth pa rin ang ating pinoproblema?


Noong wala pang pandemya, nakaladkad na ang PhilHealth sa pagiging delingkuwente sa perang kontribusyon ng bawat miyembro. At ano’ng petsa na ngayong 2021, ospital naman ang namumroblema sa ahensiya dahil hindi pa sila binabayaran o pautay-utay ang pagbayad sa kanila ng PhilHealth!


Dahil sa dami ng mga kaso ng COVID-19, umaaapaw ang mga pasyente sa mga ospital, kinakapos ang mga kama at kung anu-ano pang hospital equipment. Eh, paano na ngayon ‘yan, may panibago at mas nakahahawang anyo ang COVID-19 na tinatawag na Delta variant?


Ayon sa idinulog sa aming tanggapan, nasa Php26 bilyon pa ang utang ng PhilHealth sa mga pribadong ospital at sa mga government hospital naman, eh, daan-daan pang milyon. Nakadidismaya dahil ang mga perang ‘yan ay hindi magamit kahit pandagdag lamang sa mga kama sa mga ospital, napupurnada pa.


Hindi kasi buo ang ibinabayad ng PhilHealth. Kung naglabas man ito ng P6.3 bilyon at idinaan sa ipinagmamalaking Debit Credit Payment Method o DCPM, hindi naman binayaran ng ahensiya ang paggamot sa mga kaso ng COVID-19 noong nagdaang taon. Ano’ng mangyayari niyan, paano makakalaban ang ating mga ospital sa banta ng Delta variant?


Sampol nga niyan, eh, ‘yung PGH na Php2.56 milyon lang sa kabuuang Php615.7 milyong utang ang binayaran. Sa Philippine Heart Center naman, Php99.47 milyon lang ang bayad at may utang pa silang lampas Php100 milyon, habang sa Lung Center may utang pa silang Php304 milyon.


And take note, reklamo ng mga ospital nakalista sa online Reconciliation Summary Module o RSM na bayad na ang PhilHealth pero hindi pa nadedeposito sa kanilang bank account. Hello, ano ‘yun? Laru-laro lang ang mga numero?


Isa pang reklamo ng mga ospital ay nakasentro lang ang pagbayad ng PhilHealth sa National Capital Region (NCR) Plus bubble ng Metro Manila at karatig-probinsiya. Natatakot naman ang mga ospital na magsalita sa delayed na PhilHealth claims, baka raw kasi buweltahan naman ang kanilang mga ospital. Hay naku!


IMEEsolusyon natin ay dapat magsumite ang PhilHealth ng mas detalyadong report sa status o kalagayan ng mga sinasabing nabayaran na nila, pati ang mga hindi pa bayad, mga ipinadala nilang pera at ang aktuwal na natanggap ng mga ospital.


At plis, IMEEsolusyon naman PhilHealth para makapaghanda ang ating mga ospital sa iba’t ibang mas deadly virus, bayaran n’yo na! Bakit pa ba iniipit ang pondo? Dahil kung hindi n’yo babayaran ang mga ospital, mawawalan sila ng kakayanan na i-accept ang mga COVID-patients kung lolobo at kakalat ang mas mabagsik na Delta variant.


Kapag naubos naman ang pondo ng mga ospital, hindi malayo ang posibilidad na tuluyang silang magsipagsara! Domino-effect niyan, marami ang mamamatay at babagsak ang ekonomiya! Kaya PhilHealth ano na, kilos na! Magbayad na!

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | June 28, 2021


Apat na buwan na lang, maghahain na ng kani-kanyang kandidatura para sa 2022 presidential elections ang mga nag-aambisyong makaupo sa puwesto


Pero, hindi pa man sumasapit ang eleksiyon, merong ‘something fishy’ sa Namfrel at Comelec. Kamakailan, na-curious tayo sa isang artikulo. Kinalkal nito ang tila umano’y pagsuporta ng NAMFREL at COMELEC sa 1SAMBAYAN.


FYI, layunin ng 1SAMBAYAN na pag-isahin ang lahat ng mga oposisyon para sa 2022 elections laban sa kung sinuman ang ie-endorso ni Pangulong Rodrigo Duterte.


Reminder lang ha, ang NAMFREL ay pribadong grupo na hindi dapat kumikiling sa anumang partido-politikal. Sila mismo ang nagbansag sa kanilang sarili na “non-partisan” na taga-bantay sa bilang ng ating mga boto. Ang COMELEC naman ay ahensiya ng gobyerno na naatasang magpatupad ng mga batas pang-halalan at magsagawa ng malinis, maayos, tahimik, malaya at patas na eleksiyon.


Gayunman, bakit may ibinuko si Rabadon sa kanyang artikulo na napag-alaman nilang ang 1Sambayan, NAMFREL at COMELEC ay kone-konektado ang galawan sa internet. Naku ha?!

Ang tanong, mapagkakatiwalaan pa ba natin ang NAMFREL sa objective nito sa darating na eleksiyon kung sumusuporta ito sa 1Sambayan o nagiging partisan na ito? Hello!


At hindi lang ‘yan, nadiskubre rin na may koneksiyon rin ang nasabing mga grupo sa Vote For Us na isang NGO, na nag-iimbitang bumoto ang lahat ng Pinoy sa eleksiyon.


Nabuko rin ni Rabadon na ang Facebook page ng Comelec Baguio, Comelec Marinduque, Comelec Aurora province at NAMFREL ay nagsi-share ng post sa website ng Vote For Us na konektado naman sa 1Sambayan? OMG! Ano ‘to?


Indirect bang suportado ng COMELEC ang 1Sambayan sa pamamagitan ng pagsuporta sa FB page na pag-aari ng NAMFREL? Hala kayo! Paki-esplika nga ‘to?


Well, IMEEsolusyon sa ganitong misteryo, eh, hingan natin ng paliwanag at paharapin sa Senado silang lahat! At bilang chairman ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation, obligasyon ng inyong lingkod na malaman ang totoo, para mawala ang duda ng sambayanan sa 2022 elections.


Habang may time pa, kailangan maklaro ng COMELEC at NAMFREL ang isyu. Mahirap na mapagdudahan ang kanilang kredibilidad. Scary ‘yan at baka mauwi sa gulo, kapag hindi agad ito naipaliwanag sa taumbayan. Agree?


 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | June 25, 2021



Bakit nakikialam ang International Criminal Court (ICC) sa mga internal na issue sa ‘Pinas? Hello? Pinoy ba kayo? Ano’ng meron?


Aba, nakapagtataka na basta na lang bago magretiro last week, mega-push ang dating prosecutor ng ICC na si Fatou Bensouda na imbestigahan si Pangulong Rodrigo Duterte sa umano’y human rights abuses sa war on drugs. Sa kasagsagan pa man din ng pag-aanunsiyo ng ating Pangulo na palalawigin pa ang suspensiyon ng Visiting Forces Agreement (VFA)!


Naku ha, I smell something fishy! FYI, isiniwalat ng Washington-based think tank na American Enterprise Institute for Public Policy Research o AEI na maraming powerful na bansa ang nagbubuhos ng pondo sa ICC habang kapos ito. Hindi malayong may pakinabang na pinayagang magpapuwesto ng “bata” nila para maging hukom d’yan!


Kabilang sa mga bansang nagpondo ang United Kingdom, France, Italy, Spain, Croatia, Mexico, Australia at Japan, at sampol nga ‘yan sa unang nakinabang, eh, ang Japan!


Ang kuwento riyan, noong sumali ang Japan sa mga bansang sumasang-ayon sa proseso ng ICC at magbuhos ng napakalaking pondo noong panahong ‘yun, binigyang-lugar ang kanilang kababayan na si Fumiko Saiga bilang isang hukom kahit wala pa itong karanasang legal?


Sumunod d’yan, noong siya’y mamatay, pinalitan siya nang wala ring karanasan bilang abogado at pagiging hukom na si Kuniko Ozaki, ayon na rin sa librong “Justice Denied: The Reality of the International Criminal Court.”


Ang ganyang pabor sa international politics ay maaaring makaapekto sa atin, partikular ang ating VFA kung saan nakasalalay ang galaw ng mga sundalong Amerikano sa ating bansa. Lumalala pa man din ang sigalot ng U.S. at ang ating kapitbahay na China.


Kayang brasuhin ng U.S. ang maliliit na bansa na umaasa sa depensang-militar nito, na mga miyembro rin ng ICC. Bantayan ang pagpili ng mga hukom, kung uusad man ang kaso ni P-Duterte!


Sinabi rin ng isa pang Washington-based think tank na Center for Strategic and International Studies na puwedeng gamitin ng U.S. ang dalawang klase ng diskarte para madagdagan pa ang presensiya ng mga sundalo at armas nito sa Pilipinas. Ito ay sa pamamagitan ng dagdag-probisyon sa VFA at pagdidiin sa mga isyu ng human rights.


Buking! Interes-military ang isinusulong ng Amerika habang didiinan si P-Duterte. Kitang-kita na kapag natuloy ang ICC probe na ‘yan, obviously na mapupulitika ang ating Pangulo.


Ang IMEEsolusyon d’yan, kailangang palagan ng Pinoy legal community ang ICC at hindi nila dapat payagan ang pang-aagaw eksena sa ating mga abogado, hukom at korte sa ilalim ng ating sariling sistema ng hustisya. Aba, insultong malaki ‘yan ha? Puwede ba ICC, isyung Pinoy ito, wapakels kayo sa hustisya sa aming bansa!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page