top of page
Search

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | July 30, 2021


Sa harap ng pagsulpot ng Delta variant, nagkukumahog na ang pamahalan para mas mapabilis na maproteksiyunan ang lahat sa mas mabangis na virus.


Alam nating kulang o hindi pa rin sapat ang mga bakuna at habang naghihintay, ang mabilis na remedy ay ‘yung granular lockdown na ikinakasa ng pamahalaan.


Bakit nga ba, marami pa rin ang takot sa bakuna? Santisima, tayo nga proud na sabihing bakunado at protektado na tayo. Marami pa rin ang nagtatago sa kanilang lungga sa takot at ayaw magpabakuna at ikinakatuwiran na merong mga namatay sa COVID-vaccine.


Mga friendship, ‘wag ganun, ang bakuna ay proteksiyon natin. Mas nakakatakot na wala tayong bakuna, lalo na’t naghe-hello na ang Delta variant at nakaabang na ng mabibiktima.


Take note, iniisip na ng ating Pangulo na hindi palalabasin sa bahay kapag hindi pa nababakunahan, so, paano na lang ‘yan?


IMEEsolusyon natin sa ating mga ka-barangay na kapos sa bakuna at naghihintay pa ng bakuna, eh, isyuhan n’yo na muna ng sertipikasyon ang mga hindi pa bakunado na nakalinya silang turukan para naman makalabas sila ng kanilang mga bahay at makakuha, makabili ng kanilang mga pangangailangan.


IMEEsolusyon natin sa mga LGU at barangay execs na takot ang kanilang nasasakupan sa bakuna, aba, eh, gawa kayo ng local campaign sa inyong nasasakupan sa advantage ng may bakuna at wala.


IMEEsolusyon din d’yan, eh, bigyan ninyo ng assurance ang mga residente na maaasikaso sila kapag nagkaroon ng adverse effects sa kanila ang mga bakuna.


Reminder lang, “prevention is better than cure”, kaya ano pa ang hinihintay ninyo, magpabakuna, ‘wag matakot!



 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | July 27, 2021


Umuusad at hindi pa halos nakababangon ang ating export-industry, tila mabobokya pa ang kakarampot nilang kita.


Eh, bakit kamo? Biruin ninyong alisin ba naman ng BIR ang 12% exemption sa value added tax na nagpapababa sa halaga ng mga raw materials, packaging supplies at iba pang serbisyo sa mga export-oriented manufacturers, kabilang ang critical healthcare supplies?! Ano ba!


Aba, eh, kung may Delta variant na banta ngayon sa ating kalusugan, eh, ito nama’y tila “tax variant” sa negosyo ng ating mga exporters. Itong bagong sulpot na regulasyon sa buwis o ang ‘BIR regulation 9-2021’ ang malaking banta sa unti-unti pa lang na bumabangong export industry ng bansa.


Naghihingalo na nga ang industriya, babawiin pa ng ‘tax variant’ ‘yung kakarampot na benepisyo ng mga exporter. Lahat mauuwi lang sa wala! ‘Kalokah!


Tulad na lang nitong mga garment exporters na nagsikap na makaagapay sa pandemya. Nawalan sila ng mga orders para sa ginagawa nilang damit, kaya pinalitan nila ng mga PPE, lab gowns at surgical masks para lang mabawasan ang masesesante sa trabaho at matuloy pa rin ang pagsuweldo sa mga natirang empleyado.


FYI, IMEEsolusyon sa kanilang proteksiyon vs ‘tax variant’, eh, ‘yung ating itinutulak na Senate Bill 1708 or ang “Healthcare Manufacturing and Pandemic Protection Act”, na noong isang taon pa natin naihain.


Hindi lang ito makahihikayat ng mga foreign investor, kundi makatutulong din sa pagpapanatili ng trabaho sa Pilipinas!


Take note, sa ilalim ng panukala, kapag may pandemya o anumang health emergency, lahat ng ibinebenta ng mga exporter na critical healthcare products sa loob o sa labas man ng bansa ay ituturing na export sales kaya mabibigyan ito ng exemption sa VAT at iba pang bayarin. At, huwag ka, and’yan pa rin ang iba pang export incentives o panghihikayat sa negosyo.


Saka, ang ating mga exporter sa special economic zones ay puwedeng hanggang 80% ang gawing produksiyon para sa lokal na pangangailangan. Maikakarga pa rin ito bilang export sale requirements na nakasaad sa ating batas.


At higit sa lahat, ang ating panukala ang mag-oobliga rin sa gobyerno na unahing bumili ng mga healthcare supplies sa mga local manufacturer, basta sure lang na hindi lalampas ng 25% ang presyo nila kumpara sa pinakamababang tawad ng mga foreign supplier.


Aba, eh, kung noon pa sana bumili ang DOH sa ating mga local manufacturers na kapareho lang ang produkto at mas mura, hindi pa sila nakaladkad sa kontrobersyang nag-overpriced daw ang pagbili ng PPEs na nagkakahalagang Php1.8 million, ‘di ba?


 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | July 23, 2021



Nakababahala na ang kaliwa’t kanang kalamidad na nangyayari sa iba’t ibang panig ng mundo. Kamakailan, matindi ang pagbahang naranasan sa Europa kung saan maraming nalagas na buhay. May wildfire sa Australia at U.S., heatwave sa Canada at iba pang hindi pangkaraniwang pangyayari sa ibang bansa.


Sa atin sa Pilipinas, heto nga at tag-ulan na naman at kasabay ng COVID-19 ang pananalasa ng ilang mga bagyo kabilang ang Fabian at ang tinatawag na panahon ng Habagat. Marami na tayong pinagdaang pagsubok sa mga bagyong hindi natin malilimutan tulad ng nakakikilabot na pamiminsala ng Ondoy at Yolanda.


Eh, di ba nga ang mga kababayan natin sa Tacloban, Leyte ay tinamaan ng matinding pagbaha dulot ni “Yolanda” at ng storm surge na dala-dala nito? Hindi biro ang delubyong nangyayari kaya’t napakaimportanteng hindi natin ito babalewalain, ‘di ba? Kahit pa may COVID, kailangang tutok din tayo sa usapin sa Climate Change.


May mahalagang papel na gagampanan ang Pilipinas bilang isa sa mga signatory ng Paris Accord upang masolusyunan ang problema sa global warming, kung saan merong maliliit na isla sa Pacific Ocean ang nanganganib.


Ang global warming ay ang pagtaas ng temperatura ng himpapawid at ng mga karagatan sa ating mundo. Ang pangunahing sanhi ng global warming ay ang pagtaas ng lebel ng carbon dioxide at iba pang greenhouse gases na nagmula sa pagsusunog ng mga produkto mula sa petrolyong langis, pagsusunog ng kagubatan at iba pang kagagawan ng tao.


Epekto rin ng global warming ang pagtaas ng sea level, pagbabago sa dami ng ulan, madalas na pagbaha, matinding pagbugso ng init, pagdami ng bagyo, pagkatunaw ng mga dambuhalang ice glaciers, at iba pang super-scary na calamity!


IMEEsolusyon natin, eh, magmalasakit tayo sa ating kalikasan at kapaligiran. Nakasalalay sa ating mga kamay para maiwasang lumala ang pagkasira ng kalikasan na magdudulot ng climate change, ‘di ba! Kapag nagpabaya tayo at wala tayong ginawa, lalala ang epekto ng global warming sa mga tao, at babalik ito sa ating lahat. Tayo ang mabibiktima ng mga kalamidad.


IMEEsolusyon na gawin natin ang ating parte upang maiwasan ang paglala ng global warming. Ito ay maaaring simple lamang, tulad ng paggamit ng mga environment-friendly na kagamitan at ng pag-iwas sa mga straw at plastic.


Malaki rin ang magiging role ng mga tatakbo sa eleksiyon at mapapaupo sa puwesto. Hoping tayo na sinuman ang manalo at maging bagong lider sa susunod na taon, tututukan nito ang climate change!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page