top of page
Search

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | September 15, 2021


Sa kasagsagan ng pandemya, maraming kababayan nating may iba’t ibang sakit ang nahihirapan ngayon maka-avail ng mga tulong-pinansiyal para sa kanilang karamdaman.


Saka siyempre, mas inuuna ngayong asikasuhin ng ating pamahalaan ang mga pasyenteng may COVID-19, lalo na’t ang virus ay talaga namang naglalagay sa peligro sa buhay nating lahat, ‘di ba?


Dahil sa kaliwa’t kanang lockdown, maraming nawalan ng trabaho. Kaya naman, pati ang pagpapagamot ng hypertension, kidney diseases at iba pang sakit na nangangailangan ng dialysis, eh, kapos na sila. Maging ang mga pilantropong tumutulong sa kanila, nagtitipid na rin.


Aba, eh, hindi hamak na mahal talaga ng pagpapa-dialysis at halos mabaon sa utang ang mahihirap nating mga kababayan para mamintina ito.


Magkano na nga ba ang pagpapa-dialysis ngayon? Hindi ba nagkakahalaga ito ng hindi kukulangin sa P3, 000 kada session? Santisima, eh, pano na lang ang mga kababayan nating kahit pambili ng pagkain ay kinakapos, juicekoday, kawawa talaga!


IMEEsolusyon sa pansamantalang walang mapagkunan ng pambayad sa dialysis, harinawa’y ang dalawang araw na pamimigay natin ng libreng dialysis ay pantawid man lang sa kawalan ng pambayad at hoping tayo, na nakabawas din ito sa kanilang pag-iisip saan huhugot ng pera.


Itinaon natin ang libreng dialysis sa kaarawan ng aking ama at mahal na si dating Pangulong Ferdinand Marcos tuwing a-onse ng Setyembre na halos tatlong taon na nating ginagawa sa National Kidney and Transplant Institute o NKTI.


Laking pasalamat ng NKTI sa 2-day event na natulungan ang mahigit 300 pasyente natin sa hemodialysis at peritonial dialysis na anila’y malaking bagay kahit paano, para madugtungan ang buhay ng mga can’t afford nating mga kababayan.


‘Ika nga, ang maliit mang bagay na tulong ay makababawas din sa mga alalahanin at problema ng mga naghihikahos nating kababayan ngayong may pandemya, ‘di ba!


‘Wag mawawalan ng pag-asa kahit may pandemya, basta tulung-tulong tayo sa abot ng ating makakaya, kahit paano ay makapagbibigay tayo ng ginhawa! Keri natin ‘yan!


 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | September 11, 2021



Sa papasok na linggo na ang pasukan at mayroon nang pilot testing ng limited at restricted face-to-face classes sa ilang unibersidad at kolehiyo. Pero, limitado lang as in kaunti lamang ang pasilidad at serbisyong magagamit dahil restricted ang person-to-person classes.


Kaya naman sa ganang atin, hindi dapat siningil in the first place ang mga miscellaneous fee sa mga pasilidad at ibang serbisyo ng State Universities and Colleges o SUCs.


Tinutukoy dito ang bayarin sa library, internet, medical, energy physical education at iba pa. ‘Di ba, limitado lang ang magagamit na serbisyo at pasilidad ng eskuwelahan? Aba, dagdag-pahirap ‘yan sa gastusin at kakapusan ng kanilang mga magulang ngayong may pandemya, ‘di ba?


Eh, nasa 24 na higher education institutions (HEIs) sa buong bansa ang pinayagang magsagawa ng restricted face-to-face classes, pero ang bilang ng mga papapasuking estudyante ay depende sa COVID-cases kung nasaang lugar ang SUCs.


Tila, inihahalintulad ang paniningil ng miscellaneous fee noong wala pang pandemya at normal pa ang mga klase. Santisima! FYI, may pandemic pa rin tayo, ulitin natin, restricted ang face-to-face classes, kaya hindi rin makatuwiran na pabayaran lahat ng nasabing mga miscellaneous fee, okay?!


Hay naku, nadaragdagan pa naman ngayon ang mga magulang na walang trabaho dahil sa tila walang tigil na lockdown na hanggang ngayon naman, hindi pa makontrol ang nadadale ng virus. Juicekoday!


IMEEsolusyon natin d’yan, dapat silipin na ito ng Commission on Higher Education (CHED). Plis naman, para makabawas sa burden ng mga magulang ang gastusing ibinayad na noong enrollment, pasuyo lang pakisauli sa kanila ang naturang mga miscellaneous fee.


Malaking bagay ito at malaking kaluwagan sa mga magulang at mga estudyante kapag nai-refund ang nasabing miscellaneous fee. Agree?!

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | September 08, 2021



Nababahala tayong habang umuusad ang panahon, patanda na nang patanda ang ating mga magsasaka. Paano na kaya ang mangyayari sa atin sakaling nanghina na sila at tuluyan nang hindi makapagbungkal ng lupang sakahan?


Kanin pa naman ang pangunahing pagkain nating mga Pinoy, eh, paano kung wala na ngang matirang magsasaka at magsitandaan na silang lahat. Ano na ang ating gagawin? May mga anak mang umaalalay sa kanilang mga magulang, pero karamiha'y nagsisisuko rin at naghahanap na ng ibang trabaho.


Ayon nga sa Department of Agriculture, mayorya ng mga kabataan, hindi na talaga interesado sa pagsasaka. Ang average na edad ng mga magsasaka ngayon mula 2018 ay 57 years old. Juicekolord, malapit na sa pagiging senior citizen!


Base nga sa tala ng DA, bumaba talaga ang bilang ng mga magsasaka o farm workers na nasa 1.5% mula noong 2007. Mula 11.84 million naman noong 2015, bumaba na lang ang mga farm workers sa 9.8 million nitong nagdaang taon. OMG talaga!


Eh, tayo pa naman, mahal natin ang mga magsasaka at bilang economic committee chair sa Senado, naku, ha? Hindi ko mapababayaan 'yan, kaya IMEEsolusyon natin, hikayatin ang kabataang magsasaka na pagyamanin ang mga lupang pansakahan sa Pilipinas sa pamamagitan ng programang "Young Farmer's Challenge".


Makatutuwang natin ang DA na magbibigay ng agribusiness grant sa sinumang magwawagi sa ating pa-contest para sa kabataang makapagpiprisinta ng mahusay na programang pang-agraryo o anumang related sa farming o fishing. Ito ay puwedeng pang-indibidwal o grupo ng mga kabataang magsasaka.


Sinumang mapipiling winner ay mabibigyan ng financial aid na nagkakahalaga ng kabuuang P74 million bilang panimulang pangkapital. Oh, 'di ba? Bongga! Saan ka pa? Kaya inaasahan nating lalahok ang mga kabataang Pinoy na edad 18 hanggang 30.


Ang mga kuwalipikadong aplikante ay kinakailangang makapagpadala ng kanilang Business Model Canvas (BMC) na potensyal na pagkakakitaan para sa Agribusiness at Marketing Assistance Service o AMAS.


Marami-rami na rin ang nagpakita ng interes at nag-apply at baka naman meron iba pang interesadong mga kabataang magsasaka dyan na may green thumb o interesado sa fishing, eh, ano pa ang hinihintay nyo, 'di ba!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page